Mga kaalaman tungkol sa HIV/AIDS

Ang HIV ay dinadala ng mga likido ng katawan gaya ng semilya, dugo, at gatas. May apat na pinakamahalagang paraan para mahawa ng HIV:

  1. Pakikipagtalik sa tao na may HIV
  2. Pagsasalin ng dugo o mga produktong hango sa dugo o iba pang likido ng katawan gaya ng semilya, o di kaya paglilipat ng parte ng katawan (organ transplantation) mula sa taong may HIV.
  3. Mula sa ina papunta sa kanyang sanggol: maaaring sa pagbubuntis, panganganak, o pagpapasuso.
  4. Paggamit ng karayom na naiturok sa ibang tao na may HIV
Batay sa mga kadahilanang ito, may mga taong maaaring sabihing high risk o delikadong mahawa ng HIV. Kabilang dito ang mga prostitute at mga gumagamit ng ipinagbabawal ng droga.

Anong uri ng pakikipagtalik ang maaaring magkalat o maghawa ng HIV/AIDS?

Ang pagpasok ng titi sa puke (vaginal intercourse) o ang pagpasok ng titi sa puwit (anal intercourse) ay mga uri ng pakikipagtalik na may pinakamataas na probababilidad na mahawa o makahawa. Mas mataas ang probabilidad na mahawa ang babae sa vaginal intercourse, at ang tumatanggap o nasa receiving end ng anal intercourse. Nakakahawa rin ang pagsupsop sa titi o puke.

Ligtas o protektado ba ang mga gumagamit ng condom?

Oo, ang condom ay mabisang proteksyon laban sa HIV/AIDS, at may ebidensya na talagang nakakabawas ang paggamit ng condom sa paghawa ng HIV. Ngunit maaari paring mahawa, halimbawa kung masira ang condom habang nakikipagtalik.

Totoo bang hindi ako mahahawa ng HIV kung hindi magpalabas ng semilya ang aking katalik?

Bago pa man labasan ang lalake ng semilya, may lumalabas na likido na tintatawag na precum at maaari rin itong magtaglay ng HIV kung ang lalake ay may HIV. Para sigurado, higit na mainam wang paggamit ng condom o ang pag-iwas sa pakikipagtalik sa sinumang tiyak na may HIV o kaya’y hindi sigurado kung ano ang HIV status.

Ligtas ba ang oral sex?

Oral sex, o ang pagsupsop sa tite o puke, ay maaari paring maging tulay sa paghawa ng HIV, bagamat maliit lamang ang probabilidad nito. Maaaring mahawa na babae o lalake na sumusupsop sa tite ng lalakeng may HIV kung ang semilya ay makarating sa mga bahagi ng bibig na may sugat o singaw. Sapagkat hindi nakakahawa ang laway o saliva, ang probabilidad na mahawahan ng HIV sa oral sex ay limitado sa gumagawa nito (i.e. ang sumusupsop) at hindi sa sinusupsop.

Maaari ba akong mahawa ng HIV sa pakikipaghalikan?

Sapagkat konti lamang ang HIV na nasa laway, hindi ito sapat para makahawa, at dahil dito, itinuturing ang pakikipaghalikan bilang low risk activity. Ngunit dapat parin maging maingat dahil ang pakikipaghalikan ay maaaring maghatid sa mga sitwasyon na high risk gaya ng pakikipagtalik.

Ang mga lesbian o babaeng nakikipagtalik sa kapwa babae – sila ba ay ligtas sa HIV?

Bagamat may maliit na posibilidad, hindi itinuturing na high risk ang pakikipagtalik ng babae sa kapwa babae.

Mas delikado ba ang anal sex o seks sa puwit kaysa vaginal sex o seks sa puke?

Oo mas delikado ang anal sex sa kadahilanang mas manipis ang balat sa puwit o rectum. Dahil dito, mas medaling masugatan at magdugo habang nakikipagtalik. Ang mga nasugatang ugat ay maaaring magsilbing daan para marating ng HIV ang katawan. Higit na delikado ang anal sex sa receptive partner o ang pinapasok ng tite, kaysa sa insertive partner o siyang nagpapasok ng tite.

Maaari bang mahawa ng HIV sa kagat ng lamok o ibang insekto o hayop? E kagat ng tao?

Hindi. Kapag ang lamok ay kumakagat, hindi ito nagtuturok ng nakain nitong dugo sa katawan. Hindi rin nakakahawa ng HIV ang kagat ng hayop gaya ng aso o pusa. Sa ibang bansa, may ilang kaso ng pagkahawa dahil sa matinding pagkakagat ng taong may HIV, ngunit ito’y bihirang bihira at hindi mahalagang dahilan ng paghawa ng HIV.

Ang pagpapatuli o circumcision ba ay proteksyon laban sa HIV?

Ayon sa mga pagsusuri, ang mga lalakeng tuli o circumcised ay mas maliit ang probabilidad na magkaron ng HIV kung ikukumpara sa mga supot o uncircumcised. Ngunit hindi ito tiyak na proteksyon, mas binabawasan lang nito ang probabilidad ng 50%. Kailangan paring gawin ng mga tuli o circumcised na lalake ang mga proteksyon gaya ng paggamit ng condom.

Maaari ko bang makuha ang HIV sa pagdonate ng dugo (blood donation), o sa pagsalin ng dugo sa akin (blood transfusion)?

Sa kasalukuyang panahon ay sterile o malinis na malinis na ang mga ginagamit ng karayom at iba pang gamit sa pagkuha ng dugo sa blood donation. Hindi ka maaaring magkaron gn HIV sa pagdonate ng dugo o blood donation. Sa blood transfusion naman, hindi rin dapat mag-alala dahil sinusuri ang dugo para sa HIV bago ito i-approve sa pagsalin. Sa kabuuan, ligtas ang pagdodonate at pagsasalin ng dugo at hindi maaring mahawa ng HIV dahil ditto.

Ako ay nagtratrabaho sa ospital bilang nurse, doktor, o technician. Maaari ba akong magkaron ng HIV sa ospital?

Huwag mag-alala dahil basta sinusunod mo ang mga patakarang pangkaligtasan (universal precaution), hindi ka mahahawa. May ilang kaso sa ibang bansa na nahawa dahil sa aksidenteng pagkatusok ng mga karayom na nagamit ng pasyenteng may HIV (needlestick injury) kaya dapat maging ma-ingat sa paghawak ng mga karayom.

May HIV ako pero umiinom na ako ng antiretrovirals. Makakahawa parin ba ako?

Kahit na umiinom ka na ng gamot at kahit pa sa laboratory test ay makitang mababa na ang viral load o ang bilang ng HIV sa iyong katawan, may HIV ka parin at maaari ka paring makahawa ng HIV. Kaya dapat maging maingat ka parin, at dapat ring mag-ingat ay iyong partner

Hindi ako sigurado sa HIV status ko at sa HIV status ng partner ko. Anong dapat kong gawin?

Huwag mahiya o mag-alinlangang talakayan ang isyu ng HIV. Magpasuri ng HIV status sa pamamagitan ng HIV Testing at anyayahan rin ang iyong partner na magpasuri. Ang pagiging HIV positive ay hindi katapusan ng mundo at may mga gamot dito. Ang kaalaman tungkol sa iyong HIV status at HIV status ng iyong partner ay isang mahalagang paraan para maiwasan natin ang HIV.