Mga kaalaman tungkol sa High Blood Pressure o Altapresyon

Ang high blood pressure, na kilala rin sa tawag na altapresyon o hypertension, ay isang karaniwang sakit na nakaaapekto sa puso at daluyan ng dugo. Kapag ang presyon ng dugo na dumadaloy sa mga ugat ay higit sa normal, may posibilidad na sumikip ang mga ugat na dinadaluyan at magdulot ng hindi komportableng pakiramdam. Kapag may altapresyon, mas nagsisikap sa pagtibok ang puso at tumitigas naman ang mga ugat na daluyan. At dahil dito, mas napapagod ang puso. Ang ganitong kondisyon ay delikado at maaaring humantong sa ilang mas seryosong sakit na maaaring makamatay gaya ng atake sapuso.

Ano ang blood pressure?

Ang blood pressure o presyon ng dugo ay ang pwersa ng dugo na tumutulak sa mga pader ng ugat na dinadaluyan nito, kagaya ng pwersa ng hangin na loob ng isang lobo. Ang pwersang ito ay maaaring tumaas (hypertension) o bumaba (hypotension) at parehong nakaaapekto sa kalusugan ng tao. Ang normal na blood pressure ay 120/80, ngunit ito ay maaaring magbago dahil sa ilang salik gaya ng mga pagkilos  o gawain, pagkapagod, pati na ang matinding kaba.

Paano binabasa ang blood pressure?

Ang dalawang numero na nakikita sa pag-basa ng presyon ng dugo ay ang systolic at diastolic pressure. Ang unang numero, o systolic pressure, ay ang presyon ng dugo kasabay ng pag-tibok ng puso, habang ang ikalawang numero, o diastolic pressure, ay ang presyon naman kapag nakapahinga ang puso. Kapag ang presyon ng dugo ay humigit sa normal na 120/80, ikaw ay may high blood pressure, at kung mas mababa naman dito, may low blood pressure naman. Gumagamit ng sphymomanometer  sa pagsukat ng presyon ng dugo.

Ano ang sanhi ng high blood pressure?

Ang pagkakaroon ng altapresyon ay maaring dulot ng ilang bagay o gawain sa araw-araw. Narito ang ilan sa mga sanhi ng high blood pressure:
  • Paninigarilyo
  • Pagiging over-weight o obese
  • Sobrang alat sa pagkain
  • Sobrang pag-inom ng alak
  • Kawalan ng pisikal na gawain
  • Stress
  • Matandang edad
  • Iba pang karamdaman
  • Namamana
Muli, ang pagkakaroon ng high blood pressure

Sino ang maaaring magkaroon ng high blood pressure?

Bukod sa mga salik na nabanggit, may mga tao din na may mas mataas na posibilidad na magkaroon ng altapresyon. Sila ang sumusunod:
  • Mga taong may kasaysayan ng high blood pressure sa pamilya
  • Mga mahilig manigarilyo
  • Mga lahing African-American
  • Nagbubuntis
  • Mga babaeng umiinom ng birth-control pills
  • Mga taong mataba o over-weight
  • Mga taong hindi aktibo
  • Mga sobrang umiinom ng alak
  • Mga taong mahilig kumain ng matataba at maalat
  • Mga taong higit 35 na taong gulang