Mga kaalaman tungkol sa pagtatae o diarrhea
Ang pagtatae o diarrhea, kilalarin sa tawag na loose bowel movement o LBM, ay ang sakit na tumutukoy sa matubig o malambot na pagdumi ng tao na kadalasan ay hindi kayang mapigilan. Ito ay karaniwang karamdaman na maaaring maranasan ng lahat ng tao sa kahit na anong edad at kasarian. Maraming dahilan kung bakit nakakaranas ng pagtatae ang isang tao, maaaring ito ay dahil sa nakain, o kaya naman sa impeksyon at iritasyon sa large intestine. Maaari ding dahil sa isang mas seryosong sakit. Ang pagkakaroon ng diarrhea ay maaring magdulot ng dehydration at panghihina ng katawan lalo na kung mapapabayaan.
Ano ang sanhi ng pagtatae o diarrhea?
Ang pinakakaraniwang sanhi ng pagkakaroon ng diarrhea ay ang pagkakaroon ng impeksyon ng virus sa mga bituka. Ang kondisyong ito ay tinatawag na intestinal flu o stomach flu. Narito ang ilang pang maituturong sanhi ng pagtatae:- Impeksyon ng bacteria sa bituka na maaaring dahil sa pagkaing marumi o panis na.
- Impeksyon ng ibang pang buhay na organismo o parasitiko gaya ng amoeba.
- Pagkain hindi tinatanggap ng tiyan, gaya ng gatas para sa mga tao na may kaso ng lactose intolerance.
- Iba pang sakit sa bituka gaya ng Crohn's Disease at Ulceratice Colitis, o kaya Kanser.
- Nakalipas na operasyon o gamutan sa tiyan
- Diabetes
- Sobrang pag-inom ng alak
- Sobrang pag-inom ng mga gamot