Ang cholera ay isang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria na Vibrio cholerae na maaaring makuha mula sa maduduming pagkain at inumin. Nakapagdudulot ito ng tuloy-tuloy na pagtatae na kung hindi maaagapan ay maaring maging sanhi ng dehydration at kamatayan.
Gaano kalaganap ang sakit na cholera?
Ang sakit na cholera ay talamak sa iba't ibang lugar noong panahon ng ika-18 na siglo. Dahil ito sa kakulangan sa kalinisan sa mga tubig na pinanggagalingan ng mga inumin ng sambayanan. Maging sa Pilipinas, ilang beses nang nagkaroon ng cholera outbreak sa Manila na nagdulot ng kamatayan ng nakararami noong mga panahon na iyon. Sa ngayon, tanging sa mga bansa na hindi maayos ang sistema ng patubig madalas itong nararanasan, kabilang ang mga bansa sa Africa, ang India, pati na ang ilang lugar sa Timog-America. Tinatayang umaabot pa rin sa 3 hanggang 5 milyon na kaso taon-taon at sanhi ng halos 10 libong kamatayan taon-taon sa mga lugar na nabanggit.
Paano nakukuha ang sakit na Cholera?
Ang impeksyong ng bacteria na
Vibrio cholerae ang nagdudulot ng sakit na cholera. Kadalasan itong nakukuha sa mga maduming inumin (imbak na tubig o tubig galing sa poso). Kung ang kontaminadong tubig na ito ay magamit na panghugas sa pagkain, o kaya ay maihalo sa pagluluto, naikakalat din ang bacteria na
V. cholerae. Sa oras na makapasok ang bacteria sa bituka ng tao, maglalabas ito ng lason na siya namang magdudulot ng matubig na pagtatae.
Sino ang maaaring magkasakit ng Cholera?
Ang lahat ng tao na makakainom ng tubig na may bacteria ay maaaring magkaroon ng sakit na cholera. Ngunit higit itong nakakaapekto sa mga taong mababa ang resistensya, malnourished at sa mga kabataan na ang edad ay 2-4 na taon. May mga pag-aaral din na nagsasabing higit din na naaapektohan ang mga taong may Type-O na dugo.