Bulok na ngipin o tooth decay: Mga kaalaman

Ang bulok na ngipin (Ingles: tooth decay; medikal: dental caries) ay isang kondisyon kung saan ang pagkakaron ng impeksyon sa loob ng ngipin ay nagdudulot sa pagkasira at pagkabutas nito, sa pamamagitan ng pagkalusaw ng mga elemento na bumubuo ng mismong ngipin. Ito ang pinaka-karaniwang karamdaman sa ngipin sa buong mundo.

Ano ang sanhi ng bulok na ngipin?

May mga mikrobyo sa lalamunan na natukoy na siyang sanhi ng pagkabulok ng ngipin, ngunit may ilang hakbang bago ito mauwi sa ganitong karamdaman. Ang pagkakaron ng mga iba't ibang uri ng asukal sa bibig ay ginagawang asido (acid) ng mga mikrobyo na ito, at ang asidong ito ang siyang sumisira sa mga ngipin sa paglipas ng oras.

Paano nakukuha ang pagkabulok ng ngipin?

Dahil ang pagkakaron ng asukal sa lalamunan at sa mga singit-singit ng ngipin ay isang sanhi, ang mga taong hindi o madalang na nagsisipilyo ay may posibilidad na magkaron ng pagkabulok ng ngipin. Gayun din ang hindi pagpapa-check-up ng regular sa dentista. Ang mga pagkain kasi sa modernong kapanahunan ay mataas sa asukal kung ikokompara sa mga pagkain noong unang panahon.

Gayun din, ang pagkain ng mga pagkain na mataas sa asukal, gaya ng mga kendi at tsokolate, ay nagpapataas ng posibilidad na magkaron ng bulok na ngipin lalo na kung ito'y hindi agad nalilinis.