Mga Unang Senyales ng Pagbubuntis

Kung ang isang babae ay nagdududa na siya ay maaaring buntis, ang pinakamadaling paraan para ito ay makumpirma ay ang paggamit ng pregnancy test. Ngunit bago pa man makumpirma ng pregnancy test ang pagbubuntis, huwag kaligtaan na mayroon ding mga paunang senyales na mararanasan ang mga kababaihan sa kanilang pagbubuntis. Kung bibigyang pansin lamang ang mga senyales na ito, maaaring agad nang matiyak ang pagbubuntis.

buntis

1. Paglambot at pananakit ng suso

Isa sa mga pangunahing senyales ng pagbubuntis na mararanasan ng babae ay ang kakaibang pakiramdam sa kanyang suso. Ang suso ay parang lumalaki, mas malambot, at sumasakit. May pakiramdam din na parang bumibikat at mas siksik ang mga suso, at ang mga utong ay lumalaki din at mas umiitim.

Ang pagbabago sa suso ay konektado sa pagtaas ng lebel ng progesterone sa katawan ng babae sa kanyang pagbubuntis.

2. Madaling pagkapagod

Dahil sa pa rin sa mataas na lebel ng progesterone sa katawan, mas madaling napapagod ang nagbubuntis na babae. Madalas niyang naisin ang pagtulog nang mahabang oras.

3. Madaling pagkainis

Ang babaeng nagbubuntis ay madali ring mainis kahit sa mga simpleng bagay lang. Maging ang emosyon ng isang babae ay apektado pa rin kasi ng mga hormones sa katawan dulot ng pagbubuntis.

4. Madalas na pagkahilo

Ang madalas na pagkahilo ng nagbubuntis ay maaaring konektado sa hormones o kaya sa mababang presyon ng dugo na madalas maranasan ng buntis. Dapat pa ring ipahinga ang ganitong kondisyon at ikunsulta sa OB kung napapadalas ang pagkahilo.

5. Pagsusuka

Ang pagsusuka, bagaman mas madalas sa huling tatlong buwan ng pagbubuntis, ay maaari ding maranasan sa mga unang buwan ng pagbubuntis. Upang maiwasan ito, kinakailangan ang madalas na pag-inom ng tubig, at madalas ngunit kakaunting pagkain ng pagkaing mayaman sa protina.

6. Pagiging sensitibo sa mga pagkain

Sa pagbubuntis, mas nagiging matalas ang pang-amoy, kaya naman nagiging sensitibo sa mga pagkain. Bukod pa rito, maaaring magbago din ang panlasa ng buntis. Ito dahilan kung bakit nagiging mapili sa pagkain ang buntis.

7. Madalas na pag-ihi

Sa pagbubuntis din, mas tumataas ang produksyon ng ihi. Bukod pa rito, madalas ding maipit ang pantog ng mas malaking matres ng buntis. Dahil sa mga ito, di hamak na mas madalas ang pag-ihi na nararanasan ng buntis.

8. Pananakit ng puson

Ang pananakit ng puson o cramps ay maaaring maranasan sa unang 2 linggo ng pagbubuntis. Dahil ito sa pagkapit ng na-fertilize na itlog ng babae sa matres.

9. Spotting

Maaari makaranas ng spotting o patak-patak na dugo sa pagbubuntis, at ito ay normal lamang. Ang unang pagkakataon ay maaaring maranasan din kapag kumapit ang itlog ng babae sa matres.

10. Hindi dinatnan

Ang hindi pagdating ng buwanang dalaw o regla sa babae ay isang malaking senyales ng pagbubuntis. Kadalasan, ito ang pinaka unang napapansin at dahilan upang suriin ang sarili gamit ang pregnancy test. Ang paglaki ng bata sa sinapupunan ang dahilan kung bakit natitigil ang pagreregla sa loob ng siyam na buwan.