Ano ang gamot sa pananakit ng bayag?

Ang gamot sa pananakit sa bayag ay naka-depende sa anumang sanhi nito, subalit sa pangkalahatan ay narito ang mga hakbang na pwedeng gawin:

1. Kung masakit na masakit ang bayag, dalhin agad ito sa ospital upang masuri at matiyak na ito’y hindi isang emergency.

2. Kung ang pananakit ay hindi malala at pawala-wala, baka ang sanhi nito ay simple lang. Kung gayon, siguraduhing hindi mahigpit ang brief, sinturon, o pantalon. Kapag ang bayag ay nasasakal, ito’y maaaring magdulot ng pananakit. Subalit kung tuloy parin ito, magpatingin na sa doktor.

3. Maaaring uminom ng mga pain reliever gaya ng ibuprofen o paracetamol para mabawasan ang kirot, subalit ito ay panandalian lamang; kung ang sintomas ay hindi naaawat, ipatingin na ito sa doktor upang mabigyan ng angkop na gamot.

4. Paminsan, ang paglublob sa maligamgam na tubig ay nakakapagbigay-ginawa rin sa bayag.

Ano ang pagsusuri sa pananakit ng bayag?

Ang mga pagsusuri sa pananakit ng bayag ay nakadepende sa hinala ng doktor kung ano ba ang sanhi nito. Sa maraming kaso, ang eksaminasyong pisikal sa gagawin ng doktor ay sapat na upang magkaron ng diagnosis, subalit minsan ay kailangan ng mga espesyal na eksaminasyon. Mga halimbawa:

1. Ultrasound. Hindi lamang babae na inuultrasound! Maging ang mga kondisyon sa tiyan, bituka, at maging sa bayag ay maaaring masilip sa pamamagitan ng ultrasound.

2. Urinalysis o pagsusuri ng ihi. Kung may impeksyon sa ihi o UTI, ito’y maaaring makita sa urinalysis.

3. Complete blood count o blood test: Kung impeksyon ay hinihinala, ang mga ‘white blood cells’ ay magiging mataas.

4. Iba pang eksaminasyon, depende sa diagnosis.

Mga kaalaman tungkol sa pananakit ng bayag

Ano ang pananakit ng bayag?

Ang pananakit ng bayag (scrotal pain) at pananakit ng itlog (testicular pain) ay isang kondisyon o sintomas kung saan ang isang lalaki ay nakakaramdam ng panakakit o pagkirot sa kanyang bayag. Itong maaaring nasa isang bahagi naman (kanan o kaliwa). Bagamat ito’y maaaring sintomas ng isang malalang kondisyon na kinakailangan ng gamutan, maraming uri ng pananakit ng bayag na nawawala ng kusa.

Ano ang sanhi ng pananakit ng bayag?

Ang pananakit ng bayag (scrotal pain) at pananakit ng itlog (testicular pain) ay maraming iba’t ibang mga sanhi. Maaaring itong sintomas ng impeksyon gaya ng UTI o mga STD gaya ng gonorrhea at chlamydia. Maaari rin itong sintomas ng pagkakaipit o pagkakapulupot ng ugat sa bayag (testicular torsion o varicocoele), o di kaya luslos (hernia). Sa kabilang banda, pwede rin naman ang ang pagsakit ng bayag ay dahil lamang sa mga pananakit ng laman na nawawala rin ng kusa, o di kaya pagkakaipit. Panghuli, may tinatawag rin ng ‘blue balls’, isang kondisyon na dulot ng pagkakaudlot ng pakikipagtalik o pagjajakol.

Sumasakit ang bayag at mga itlog

Q: Sumasakit po ang bayag ko at parang lumiliit..anu po ang sakit ko?

A: Ang pagsakit ng bayag (scrotum) at mga itlog (testicles) sa mga lalaki ay maraming dahilan. Maaaring ito’y dahil sa mga ugat na naipit, sa luslos, sa impekyson, pamamaga, at sa mga hindi malamang dahilan (idiopathic causes).

Kung ang sintomas na ito ay nakakasagabal, lumalala, o masakit na masakit, mas magandang magpatingin sa doktor upang masuri hindi lamang ang uri ng kirot, kundi pati narin ang mga iba’t ibang sintomas na maaaring kasama nito.

Tungkol naman sa pagliit ng bayag, ito ay normal, halimbawa kapag malamig, na lumiliit ang bayag upang ingatan ang mga itlog sapagkat sensitibo ito sa mga pagbabago ng temperatura. Subalit may mga uri rin ng pagbabago sa itsura o anyo ng bayag – halimbawa ang hindi pagkakapantay nito – na maaaring mga ‘clue’ sa isang karamdaman gaya ng luslos o undescended testes.

Butlig-butlig at pangangati sa katawan

Q: Ano po ba ung butlig-butlig na tumutubo buong katawan ko?

A: Ang pagkakaroon ng butlig butlig (o vesicles; blisters) sa buong katawan ay maraming posibleng sanhi. Halimbawa:

  • Mga sakit na dala ng virus, gaya ng bulutong, tigdas, o tigdas-hangin. Kung ito ay kaso, kapansin-pinsan ang biglaang pagsulpot nila, ang biglaang pagkalat sa katawan, at mawawala rin sa loob ng ilang araw o linggo.
  • Mga allergy sa pagkain, gamot, o bagay. Butlig-butlig sa buong katawan ay maaari ring dahil sa allergy, halimbawa kung may mainom ka ng gamot kung saan hindi maganda ang reaksyon ng iyong katawan.
  • Iba pang impeksyon gaya ng syphilis, na isang STD. Ikaw ba ay ‘high risk’ sa pagkakaron ng mga STD?
  • May mga problema rin sa balat, partikular sa mga bahagi ng balat na responsable sa pagpapalabas ng pawis, na pwedeng magdulot ng pantal-pantal. Ang iba dito ay sa kamay at paa lamang natatagpuan.
  • Q: Paano maaalis ang mga butlig butlig na makakati kalat kalat sa buong katawan?

    A: Dahil iba’t iba ang sanhi ng butlig-butlig, hindi sapat na alam kong may butlig-butlig ka upang makapagbigay ako ng diagnosis at gamot. Bagkos, kinakailangang masuri ng doktor at maiugnay ang butlig-butlig sa iba pang sintomas. Kung magpapatingin ka sa dermatologist, nanaisin din nyang malaman kung kailan nag-umpisa, saang bahagi ng katawan naunang lumabas, at kung anong mga ‘nagti-trigger’ sa pagkakaron ng mga butlig-butlig na ito. Itatanong din nya ang ilang detalye tungkol sa iyo kagaya ng mga gamot na iyong iniinom, mga pinapahid sa katawan, at ang iyong sex life. Pagkatapos pa lamang nito siya pwedeng magkaron ng edeya kung ano ito, at makapagbigay ng solusyon.

    Kung ang iyong mga butlig-butlig ay dahil sa isang virus, pwede itong kusa na lang mawala. Kung ito naman ay allergic, pwede ito mawala kung maiiwasan mo ang ‘trigger’ o mitsa na nagdudulot sa pagkakaron o pagsumpong ng mga butlig-butlig. Habang hindi ka pa nakakapagpatingin sa doktor, ang pag-inom ng mga over-the-counter antihistamine gaya ng Diphenhydramine at Cetirizine ay pwedeng makatulong na mawala ang pangangati sa iyong katawan.

    Maliliit na butlig sa labi at sa ibang parte ng katawan. Ano ito?

    Q: magandang gabi doc kasi ako si jane may mga butlig butlig na maliliit ako sa aking labi at sa ibang parte ng katawan ko..natatakot na kasi ako doc baka ano na ito isang hindi pa kasi isang buwan ng last kung sexual contact ko sa bf ko.. kung sakali poh san ba ako pwede mag pa check up gusto ko kasi mag pa examin sa dugo ko para maka sigurado ako… makati po siya sobrang liit na makati..wlaaa naman laman na tubig or nana basta makati lang siya 5 days na kasi simula ng tumubo itong mga butlig butlig ko…please doc tulungan mo naman ako

    A: Muli, maraming pwedeng sanhi ng iyong nabanggit, at kailangang makita ka ng doktor at ma-examine ang mga butlig-butlig upang magkaron ng edeya kung ano ba ito. Pinapayo ko na ipatingin mo na uli ng lalong madaling panahon sa dermatologist o iba pang doktor.

Ano ang gamot sa pangangati ng puwet?

Q: Nakakaranas po ako ng pangangati ng pwet araw araw at hindi ko na po ito matiis ano po ang gagawin ko?

A: Ang pangangati sa puwet ay isang karaniwang karamdaman, at marami itong posibleng sanhi. Pwedeng iritasyon sa balat, dahil parating nakakaskas ang puwet, o di kaya dahil sa mga sabon na hindi hiyang sa balat sa puwet. Pwede rin namang impeksyon, gaya ng mga STD, mga ‘parasite’ gaya ng ‘pinworm’, o ‘yeast infections’ na karaniwan sa mga babae. Ang pagkakaron ng almoranas, mga allergy, at tumor o bukol sa puwet ay ilan pa ring mga posibilidad. Kinakailangang magpatingin sa doktor upang ma-examine at masuri kung ano ba sa mga ito ang siyang sanhi ng iyong pangangati.

Para sa panandaliang lunas sa pangangati, maari kang magpahid ng over-the-counter (OTC) cream na may Hydrocortisone. May mga ointment rin na may Zinc oxide na maaaring makatulong. Depende sa sanhi ng iyong pangangati, maaari ka ring resetahan ng iyong doktor ng antihistamine o kaya mga gamot sa partikular sa anumang dahilan ng iyong pangangati.

Bukod sa gamutan, mga karagdagang payo:

Ano ang gamot sa insomnia o hindi makatulog?

Q: Ano ang gamot sa insomnia o hindi makatulog?

A: Ang insomnia o hindi makatulog sa gabi ay problema ng maraming tao. Una sa lahat, ang mahalagang suriin ay kung ano ang sanhi ng iyong kahirapang makatulog. Ito ba ay dala ng ‘stress’ sa trabaho? Problema sa relasyon? Paggamit o pagtigil sa paggamit ng alak o sigarilyo? Ang pagkawala ng sanhi ng insomnia ay ang kadalasang pinakamabisang gamot para dito.

Bago sumailalim sa pag-inom ng mga gamot para sa insomnia, maganda ring subukan muna ang mga lunas na hindi nangangailangan ng gamot (non-pharmacological management). Kabilang na dito ang mga sumusunod:

  • Iwasang uminom ng kape, tsaa, o anumang inumin na may ‘caffeine’ gaya ng Cobra o Lipovitan kapag hapon o gabi. Iwasan ring mag-yosi bago matulog.
  • Hindi rin magandang uminom ng alak bago matulog, bagamat akala ng marami na ito’y nakakatulong.
  • Huwag matulog ng gutom, pero huwag ding matulog ng busog na busog.
  • Mag-exercise tuwing hapon, bago kumain ng hapunan, ng mga 30 minuto.
  • Siguraduhing maayos at maaliwalas ang iyong kwarto bago matulog. Patayin ang ilaw at iwasang magkaron ng maliwanag na ilaw sa bintana. Siguraduhin ring walang mga maiingay na naririnig.
  • Bago matulog, huwag nang mag-isip ng mga bagay na nakakabahala o nakakabalisa. Magbasa ng libro, gaya ng nobela o Bibliya, na nakakawala ng mga bagay na mabigat sa isip. Iwasan naring magtrabaho sa kama gamit ng laptop o tablet.
  • Gawing regular ang oras ng patulog, at oras ng pagbangon.

May mga gamot rin na iniinom para sa insomnia o hindi makatulog, ngunit karamihan dito ay nangangailangan ng espesyal na reseta mula sa iyong doktor. Dahil ang mga ito ay maraming side effects, magpatingin muna sa doktor upang ikaw ay ma-examine at upang malaman kung aling gamot ay nararapat sa iyo, kung meron man. May mga gamot din na over-the-counter (OTC) na hindi nangangailangan ng reseta na nakaka-antok, ngunit hindi pinapayo na ang mga ito ay inumin ng pangmatagalan, gaya ng diphenhydramine at melatonin. Isangguni sa iyong doktor kung okay ba sa iyo ang mga ito.

Masakit at namamaga ang bayag: Mga sanhi

Sumasakit ba ang iyong bayag (scrotum) o mga itlog (testicles)? Ang mga ito ay posibleng mga sanhi:

1. Baka nadali o nabuntol ito.

Kung ikaw ay aktibo sa sports, lalo na yung medyo brusko ang laro, o di kaya kung ikaw ay nasipa sa bayag, natural, ito’y mamamaga. Maaari rin itong mangyari sa mga mahilig mag-bisikleta. Subalit kalimitan naman ito’y mawalala rin ng ilang araw lamang. Para maka-iwas, magsuot ng tamang brief o underwear – yung hindi masikip. At saka syempre, iwasang madali ang iyong bayag.

2. Impeksyon, STD man o hindi.

Kung ikaw naman ay aktibo sa sex, o “malikot”, pwede ring maging isang sintomas ay pamamaga at pagkirot sa may bayag. Isa ring impeksyon na hindi naman STD ngunit maaari ring maka-apekto ay ang beke. Kung ikaw ay may beke, o nagkaron ng beke kamakailan lang, ito’y isang konsiderasyon. Magpatingin kaagad sa doktor kung ganito ang kaso.

Mga ugat sa loob ng bayag, o “Varicocoele”.

Kapag kinakapa mo ang iyong bayag, para bang may mga bulate sa loob? Kung oo, maaaring mayroon kang “varicocoele” o mga ugat sa loob ng bayag. Bagamat hindi naman itong seryong karamdaman, maaari itong magdulot ng kirot.

Luslos o “hernia”.

Kapag ba ikaw ay napapagalaw, napapaubo o napapa-haching, mas lumalala ba ang sakit? At minsan ba parang may nalalaglag na bahagi ng iyong tiyan sa iyong bayag, at umuumbok ito, ngunit bumabalik rin sa normal? Kung oo, maaaring mayroon kang luslos.

Pagkapulupot ng mga itlog o “testicular torsion”.

Napakasakit ba ng iyong nararamdaman? As in, masakit talaga na masakit? Maaaring pumupulot ang isa sa iyong itlog sa mga ugat na nakakabit dito. Ito’y isang emergency na dapat ma-aksyonan kaagad; magmadali papunta sa E.R. o sa pinakamalapit na ospital.

Dahil sa sobra o naputol na pakikipag-sex.

Mahilig o madalas ka bang makipagsex? Kung ikaw ay nakipag-sex sa iyong ka-partner ngunit hindi ka nilabasan, pwedeng magkaron ng kirot sa iyong bayag dahil sa tamod na naipon sa loob. Naka-ready na dapat sila, ngunit na-udlot, kaya masakit. Mawawala rin ito ng kusa; para sa iba, ang pagjajakol ay nakakatulong.

Bato sa bato.

Ang pagkakaron ng bato sa bato ay makirot na makirot, gumuguhit mula sa tagiliran pababa. May mga kasamang sintomas ito gaya ng makirot na pag-ihi, o ihi na mapula dahil may kahalong dugo. Ang pagkirot ay dahil sa isang bato sa bato na nalaglag at pilit na dumadaloy papalabas.

Kanser sa itlog, o “testicular cancer”.

Bagamat ito’y bihira, dapat rin itong i-konsidera sapagkat ito ang pinaka-karaniwang kanser sa mga binatang lalaki mula edad 18 hanggang 35. Kapain mo ang iyong bayag. May parang bukol ba? Hindi ba pantay? Kung oo, magpatingin agad sa doktor upang masuri. Kung maagang makita, mataas ang probabilidad na maagapan ito.

Kulani sa buong katawan: Ano kaya ito?

Q: nagising po ako nung sept 5 ng umaga na masakit ung kaliwang paa ko tuhod at balakang. Ung tuhod ko po may bukol prang buto sya na bukol sumabay sa pagsakit. nakaligo pa nga po ako, pro kinabukasan masakit na kasukasuan ko nilalamig at nilagnat n ako hanggang sa dinala nko sa hospital kc nag alala n kmi n bka dengue. injection ng pra sa sobrang taas ng lagnat at kinuhaan ako dugo at ihi, after 3 hours result ok nman daw kaya lumipat po kmi ibang hospital dahil hindi ko na kaya pinahiga n ako sa hospital injection uli sa lagnat test ihi at dugo habang ang lagnat ko di nwawala at mataas prin, at isa pa po ihi po ako ng ihi kaya may arinola ako sa tabi. pinauwi po ako at binigyan ng antibiotic amoxiclav. kinabukasan po unti unting nwala sakit ng ulo at lagnat ko, pero naglabasan po mga kulani sa lahat ng parte ng katawan ko sa singit sa kilikili siko leeg batok taenga, nagkasingaw pa po ako sa gilagid, at nagkaron pa ng pangangati sa katawan… Ano po ba maipapayo ninyo sa akin… sa dami po ng tanong ko eh pinaliwanag ko nalang po ung mga nangyari sana po matulungan nyo po ako, nangangati pa po ako at maraming kulani lalo na sa batok. sana po mapayuhan ninyo ako salamat po…

A: Ang mga kulani, o lymph nodes, ay bahagi ng “immune system” ng katawan na siyang dumi-depensa laban sa mga impeksyon. Minsan, pwedeng magkaron ng ilang uri ng virus, gaya ng Epstein-Barr Virus, na magdulot ng pamamaga ng mga kulani sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang isang halimbawa nito ay “Infectious Mononucleosis” na kahawig ng ilang mga sintomas na iyong nabanggit. May mga ibang impeksyon din, gaya ng ilang uri ng trangkaso, na pwedeng magdulot ng ganitong klaseng ng sintomas. Minsan pa, kahit ordinaryong impeksyon lamang ay pwedeng kakaiba ang reaksyon ng katawan.

Ang gamot na iyong ininom – Co-Amoxiclav – ay maaari ring naging sanhi ng iyong pagkakaron ng pangangati matapos ang lagnat, sapagkat may mga uri ng “generalized lymphadenopathy” o pamamaga ng kulani sa iba’t ibang parte ng katawan na nagdudulot ng ganito kapag naka-inom ka ng antibiotics. Ngunit ito’y hindi ko masasabi ng tiyak, sapagkat hindi kita na-examine.

Maraming mga sakit na gaya ng nararanasan mo na kusang nawawala makalipas lamang ang ilang mga araw, subalit ang payo ko sayo ang muling magpatingin sa doktor upang ma-suri pa ng mas lalo ang iyong kalalagayan. May mga gamot na kumokontra sa ‘inflammation’ o pamamaga na maaaring makatulong sa iyo. Muli, binabasi ko lamang ang aking mga hinala sa iyong kwento, at hindi ako makakatiyak sa aking mga naiisip. Subalit, sana, ang aking mga paliwanag ay makatulong sa iyo.

Ano ang mga kulani o lymph nodes?

Q: MAGANDANG ARAW PO DOC.
MAY ANAK APO AKONG BABAE 7Y/O, AT NAKITAAN PO SYA NG KULANI SA LUNGS. ANO PO BA ITO? ETO PO BA PDENG MAGING CANCER?
SALAMAT PO DOC AT MAGANDANG ARAW. PWEDEPO BANG MALAMAN ANG BOUNG DETALYA NITONG KULANI? KUNG ANO ITO?

A: Hindi ako pwedeng magbigay ng opinyon tungkol sa iyong anak dahil hindi ko naman sya na-examine. Subalit, nais kong magbahagi ng kaalaman tungkol sa mga kulani.

Ang mga kulani, o lymph nodes, ay natatagpuan sa lahat ng tao, may sakit man o wala. Ang mga kulani ay bahagi ng depensa ng katawan laban sa mga mikrobyo, sapagkan sa mga kulani ginagawa ang iba’t ibang cell na sumusupil sa paglaganap ng mga impeksyon at implamasyon.

Karaniwan, hindi ito kapansin-pansin at halos hindi makapa. Subalit ito’y nagiging sanhi ng pag-aalala kung naging kapansin-pansin, at nakapa sa leeg, sa may kilikili, at iba pa, o di kaya nama’y nakita sa X-ray.

Maraming pwedeng magdulot sa pagkakaron ng kapansin-pansin na kulani. Pwedeng impeksyon gaya ng TB at maging mga karaniwang sakit, kanser, o reaksyon lamang sa mga pagbabago sa katawan. Pwede rin itong maging sintomas ng mga impeksyon sa balat. May mga iba rin namang paglaki ng kulani na hindi maipaliwanag, at dahil wala namang maiugnay na sakit, ang mga ito ay inoobserbahan lamang.

Sa madaling salita, huwag mabahala, sapagkat ang pagkakaron ng kulani ay hindi nangangahulugang may sakit ang isang tao. Subalit anumang pagbabago sa kulani, gaya ng paglaki at pamamahaga, ay dapat seryosohin at ipatingin kaagad sa doktor.