Ang pagkakaroon ng sakit sa balat na dulot ng impeksyon ng fungi ay isa sa mga pinakakaraniwang kondisyon sa balat na nararanasang ng tao saanmang parte ng mundo. Ito ay kadalasang natutukoy sa pagkakaroon ng makakati at patse-patseng marka sa apektadong bahagi ng balat. Ang mga sakit sa balat na dulot ng fungi ay may iba’t ibang uri, depende sa lokasyon ng impeksyon at klase ng fungi na nagdudulot ng sakit. Bagaman nakapagdudulot ng sobrang kati, hapdi, hindi komportableng pakiramdam o kaya ay hindi kaaya-ayang itsura, madalas ay nagagamot pa rin ito sa tulong ng mga anti-fungal na gamot sa balat.
Ilan sa mga pangkaraniwang sakit na nararansan ng mga Pinoy ay ang sumusunod:
1. Alipunga
Ang alipunga, o athelete’s foot (tinea pedis), ay ang impeksyon ng fungi sa balat sa paa. Ito ay nagdudulot ng pangangati, pagsusugat, pamumula, at pamamalat sa balat sa paa, partikular sa pagitan ng mga daliri nito. Minsan pa, may kaakibat din itong pamamaho sa bahagi ng paa. Nakukuha ang fungi sa maruruming palikuran at maduming sapatos na ginamit ng taong may alipunga. Mabilis itong kumalat kung ang paa ay palaging mamasa-masa. Maaari naman itong magamot sa tulong ng ilang anti-fungal cream na pinapahid sa apektadong lugar.
2. Hadhad
Ang hadhad, o jock itch (tinea cruris), ay ang napakakating impeksyon ng fungi sa mga singit-singit ng hita, puwet, at palibot ng ari. Ito ay nakakahawa lalo na kung madidikit sa apektadong balat o kaya ay gumamit ng bagay na nadikitan ng fungi tulad ng salawal. Maaari din itong magamot sa tulong ng ilang anti-fungal cream na pinapahid sa apektadong lugar.
3. Buni
Ang buni naman o ringworm (tinea corporis) ay ang bilog na patse na makikita saan mang bahagi ng katawan. Kadalasang nagsisimula ito sa maliit lamang na bilog at lumalawak habang tumatagal. Ito rin ay nakapagdudulot ng sobrang pangangati sa apektadong bahagi ng katawan. Maaari din itong makahawa kung madidikit sa balat na apektado nito.
4. An-an
Ang an-an ay isa ring pangkaraniwang sakit sa balat na dulot ng isang uri ng fungi na kung tawagin ay Malassezia furfur, isang fungi na natural na naninirahan sa balat ng tao. Kaiba sa paniniwala ng marami, ito ay hindi nakakahawa, bagkus ay kusang lumilitaw at nagdudulot ng sakit kung magkakaroon ng pagkakataon. Kung sakali man, nagdudulot ito ng pag-iba sa natural na kulay ng balat, kadalasa’y nagkakaroon ng puti-puting patse na kumakalat o lumalawak ang sakop sa balat.
5. Candidiasis
Ang candidiasis ay tumutukoy sa sakit sa balat na dulot ng impeksyon ng fungi na Candida albicans. Maaari silang makaapekto sa balat, kuko, paligid ng bibig, dila at maging sa loob ng katawan sa daluyan ng pagkain. Maaari din itong makaapekto sa ari ng babae at lalaki. Nakapagdudulot ito ng pangangati, pamumula at pamamalat o pagkakaliskis sa apektadong bahagi ng katawan. Ang paggagamot ay depende sa bahagi ng katawan na apektado ng impeksyon.
6. Iba pang impeksyon ng fungi sa katawan
Maaari ding maapektohan ng fungi ang ilan pang bahagi ng katawan gaya ng: sa anit (tinea capitis) kung saan nagdudulot ng matinding pagbabalakubak; sa mukha (tinea faciei) na nagdudulot ng pagkakaliskis at mala-mapa na marka; sa mga kamay (tinea manuum) na nagdudulot din ng pamamalat at pagkakaliskis; sa mga kuko (tinea unguium) na nagdudulot naman ng paninilaw at pangangapal. Ang mga ito ay magagamot ng iba’t ibang anti-fungal na gamot depende sa bahagi ng katawan na apektado ng sakit.