Pwede bang mabuntis kung ‘nagdikit’ lang?

Q: Doc may pag asa po bang mabuntis pero nagdikit lang naman po yung mga ano namin pero hindi po kami naghubad. Pinagdikit lang po namin.

A: Kung hindi kayo naghubad, walang pag-asang mabuntis. Sa ordinaryong kaparaanan, ang pagiging buntis ng isang babae ay maaari lamang mangyari kung ang mga ito ay natupad:

  • Ang lalaki ay nasa edad na kaya na nyang makabuntis (mga 13 pataas)
  • Ang babae ay nireregla na
  • Naipasok ng lalaki ang kanyang ari (penis) sa loob ng pwerta (vagina) ng babae
  • Nilabasan ang lalaki (ejaculation) sa loob ng pwerta ng babae

Sumasakit ang bayag at mga itlog

Q: Sumasakit po ang bayag ko at parang lumiliit..anu po ang sakit ko?

A: Ang pagsakit ng bayag (scrotum) at mga itlog (testicles) sa mga lalaki ay maraming dahilan. Maaaring ito’y dahil sa mga ugat na naipit, sa luslos, sa impekyson, pamamaga, at sa mga hindi malamang dahilan (idiopathic causes).

Kung ang sintomas na ito ay nakakasagabal, lumalala, o masakit na masakit, mas magandang magpatingin sa doktor upang masuri hindi lamang ang uri ng kirot, kundi pati narin ang mga iba’t ibang sintomas na maaaring kasama nito.

Tungkol naman sa pagliit ng bayag, ito ay normal, halimbawa kapag malamig, na lumiliit ang bayag upang ingatan ang mga itlog sapagkat sensitibo ito sa mga pagbabago ng temperatura. Subalit may mga uri rin ng pagbabago sa itsura o anyo ng bayag – halimbawa ang hindi pagkakapantay nito – na maaaring mga ‘clue’ sa isang karamdaman gaya ng luslos o undescended testes.

May ehersisyo o paraan ba para lumaki ang penis?

Q: doc isang magandang araw poh sa inyo nais ko lamang pong itanung kung may paraang ehersisyo sa aking penis upang ito ay lumaki!! maraming salamt poh and god bless

A: Marami kang makikita sa Internet na kung ano-anong mga website na nagsasabing mayroon daw silang paraan upang magpalaki ng ari, subalit ang katotohanan ay WALA talagang mabisa at napatunayang paraan sa kasalukuyan na magpapalaki as iyong ari.

Basahin: Pampalaki ng ari ng lalaki: Ang katotohanan

Ang laki o ari ng lalaki o penis size ay sadyang nag-iiba, depende sa lahi at depende rin sa tao; subalit dahil narin sa paglaganap ng mga porn videos at sa pagpapasikat sa edeya na mas maganda kung mas malaki, maraming kalalakihan ang na-iinsecure sa laki ng kanilang ari, kahit na ito’y hindi naman talaga maliit.

Basahin: Ano ang average penis size ng mga lalaking Pinoy?

Balanitis: May pula pula sa ulo ng ari ng lalaki

Q: Normal lang ba na may pula-pula sa ulo ng ari ng lalaki, doon sa kanal…sakit ba ito?

A: Ang pamumula ng ulo ng ari ng lalaki (o penile head; glans penis) ay tinatawag na ‘balanitis’. Maraming posibleng sanhi ang kondisyon na ito. Yung iba, dahil lamang sa ‘skin iritation’ o pagka-irita ng balat, dahil sa sabon, pabango, lubricant, o iba pang mga pinapahid sa ari ng lalaki. Pwede ring dahil ito’y nakikiskis masyado dahil sa mahigpit na brief, o dahil sa kaka-jakol. Yung iba naman, dahil sa STD. Oo, isang posibleng sintomas ng ilang mga STD ang pamumula ng ulo ng ari ng lalaki.

Kung ito ay STD, ang mahalagang itanong: May iba bang sintomas na kasama ang iyong nararamdaman, gaya ng tulo (o nana na lumalabas sa kanal ng ari), pagkirot kapag umiihi, o mga butlig-butlig sa titi o sa bayag? Kung oo, maaaring ang pula pula ay dahil din sa STD.

Tingnan ang mga sintomas at palatandaan ng STD

Kung ito ay dahil lamang sa iritasyon na kemikal o pisikal, iwasan lamang ang nakaka-iritang bagay o sangkap, at panatilihing malinis ang ari.

Kung ikaw ay hindi tiyak kung anong posibleng sanhi nito, ipatingin ito sa doktor upang ma-examine nya ang iyong ari at matukoy kung anong gamot o solusyon para dito.

Tatangkad pa ba ako sa edad kong 24?

Q: tatangkad pa ba ako sa edad kong 24?

A: Malamang, babae o lalaki ka man, hindi na. Tingnan ang artikulong “Tatangkad pa ba ako?” sa Kalusugan.PH para sa mga kaalaman tungkol sa pagtangkad.

Ayon sa naturang artikulo, ang “growth spurt” ay karaniwang dumarating sa edad 12-16, at ang pagtangkad ay patuloy hanggang edad 18 sa mga lalaki; at mas maaga pa sa mga babae. May konting pagtangkad parin (1-2 pulgada) na maaaring maganap hanggang edad 21-23. Sa mga edad na ito ay nagsasara na ang “growth plate” sa mga buto kaya hindi na maaaring tumangkad pa ng higit sa edad na ito.

Sana ito ay makatulong. Paalala lang, kung edad 24 ka na pataas, sarado na ang mga ‘growth plate’ sa buto; ibig-sabihin narating mo na ang pinaka-matangkad mong mararating. Huwag maniwala sa mga gamot o anumang paraan na pinapangakong magpapatangkad sa iyo.

Mga karaniwang tanong tungkol sa tamod o semilya ng lalaki

1. Hindi po ba masama ang mag release ng sperm araw-araw hindi kaya ako magkaanak pag dating ng araw?

A: Ang pag-gawa ng semilya sa katawan ng isang lalaki at tuloy-tuloy, at walang ebidensya na ang araw-araw na pagpapalabas nito ay maaaring maka-apekto sa abilidad na magkaroon ng anak pagdating ng araw.

2. Paano po ba maging malapot semilya ko, kasi minsan malabnaw po?

A: Ang pagiging malapot o malabaw ng semilya ng lalaki ay naka-depende sa ilang bagay. Halimbawa, kung kulang ka sa tubig, maaaring maging malapot ang tamod mo. Ang pagkakaroon ng impeksyon sa prostata (o prostate gland) at pag-inom ng ilang uri ng gamot ay posible ring magpalapot ng semilya. Kung walang problema sa pag-inom at napadalas ang pagpapalabas ng tamod, maaari naman itong maging malabnaw. Nagbabago ang lapot o labnaw ng semilya depende sa mga bagay na ito at karaniwa’y hindi ito dapat ikabahala.

Dagdag pa, ang semilya ng lalaki at sadyang malabnaw sa unang 5 minuto pagkatapos itong ipalabas; at nagiging malabnaw na pagkatapos. Ito’y normal rin.

3. Anong gamot sa malabnaw na tamod o semilya?

Gaya ng nabanggit sa pangalwang tanong, ang pagiging malabnaw ng tamod ay kadalasang normal lamang; ito’y indikasyon na normal ang antas ng tubig (hydration) sa iyong katawan. Isa pa, ang masyadong madalas na pagjajakol o pakikipag-sex ay pwedeng maging sanhi ng pagiging malabnaw masyado ng iyoong semilya. Ito ay dahil hindi nabibigyan ng sapat na oras ang iyong katawan na mabuo ang semilya na may tamang lapot. Tandaan rin na normal lang na nagiiba ang lapot o labnaw ng semilya at kalimitan wala naman itong masamang kahulugan sa iyong kalusugan.

4. Anong gamot sa masyadong malapot na tamod o semilya?

Ang pagiging masyadong malapot na iyong semilya ang pwedeng senyales ng kakulangan ng tubig sa iyong katawan, o dehydration. Masyado bang dilaw ang kulay ng iyong ihi? Ito’y dagdag pang sintomas ng dehydration. Ang gamot lamang ay uminom ng maraming tubig araw-araw. Ang mga impeksyon sa pantog at lagusan ng ihi – o UTI – at ang pag-inom ng ilang mga gamot ay pwede ring magpalapot ng tamod. Magpakonsulta sa iyong doktor upang matukoy ang ano ang sanhi nito. Muli, tandaan na normal lang na nagiiba ang lapot o labnaw ng semilya at kalimitan wala naman itong masamang kahulugan sa iyong kalusugan.

5. Gaanong karami ang lumalabas na semilya sa bawat pagpapalabas?

A: Ang normal na lumalabas na semilya ay mula 2 hanggang 5 mL, o kalhati hanggang isang kutsarita. Subalit, maaari itong magbago. Kapag sobrang dalas ng pagjajakol o pakikipag-sex, maaari itong maging mas maunti; at kung natagalan naman na hindi nakapag-palabas, pwede itong maging mas marami.

6. Ilang taon ang isang lalaki bago magkaron ng semilya?

A: Depende. Ang pagkakaroon ng semilya ay bahagi ng paglaki ng isang lalaki, at maaaring maganap sa edad 10 hanggang 13. Maaaring mauna ang pagkakaron ng semilya sa pagkakaron ng mga ‘sperm cells’ sa semilya na maaaring makabuntis. Karaniwan, at abilidad na makabuntis ay nag-uumpisa sa edad 13 hanggang 16.

7. Saan gawa ang sperm o semilya ng lalaki?

A: Ang tamod o semilya ng lalaki ay ginagawa sa iba’t ibang bahagi na natatagpuan sa itlog ng lalaki o nakapalibot sa lagusan ng semilya. Ito’y binubuo ng ‘sperm cells’, na siyang nakikipagbuklod sa ‘egg cell’ ng babae upang maging isang ‘zygote’, na siya namang magiging baby; at ng likido na binubuo naman ng fructose (isang klase ng asukal) at iba’t ibang bitamina at protina.

8: Magkakaroon ba ng pagbabago sa semilya kung nagpatali ang lalaki o sumailalim sa ‘vasectomy’?

A: Wala kang mahahalatang pagbabago, sapagkat maliit na porsyento lamang ng semilya ang binubuo ng sperm cells na siyang hindi na dadaloy sa lagusan kung magpa-vasectomy ka. Ganoon parin ang magiging lapot at kulay ng likido na lalabas.

9. Bakit nagbabago ang tamod ko, minsan madami minsan kakaunti, minsan malabnaw minsan malapot?

A: Ganon talaga. Ang tamod o semilya ng lalaki ay naapektuhan ng maraming bagay gaya ng dami at uri ng pagkain o inumin sa nakaraang ilang araw. Isa pa, kung jakol ka ng jakol o madalas kang makipag-sex pwede rin nitong maapektuhan ang dami o lapot ng iyong semilya. Ngunit, nagbabago man ito, kadalasan ay normal lamang ang mga ganitong pagkakaiba, at hindi dapat ikabahala.

10. Baog ba ang isang lalaki kapag malabnaw ang kanyang tamod?

A: Ang pagiging ‘malabnaw’ ng tamod ng isang lalaki ay hindi indikasyon ng pagiging baog o kakayanang makabuntis ng babae. Gaya ng nabanggit ko sa naunang mga kasagutan, ang lapot o labnaw ng semilya ay nagbabago at hindi dapat pagtuunan masyado ng pansin.

11. Dapat ba akong mag-alala kung may dugo sa tamod ko?

A: Ang paksang ‘dugo sa tamod’ o ‘hematospermia’ ay tinalakay sa artikulong “Dugo sa tamod o hematospermia: Mga tanong” sa Kalusugan.PH. Basahin ito.

12. Bakit po ba nagiging buo or parang sago-sago na ang tamod ng isang lalaki? Dahil po ba sa hindi pakikipagtalik sa isang babae?

A: Ang semilya ng lalaki ay nagbabago – minsan malapot, minsan malabnaw – at kalimitan, ito’y hindi dahilan upang mabahala. Subalit kung ito’y nagiging dahilan ng pag-aalala sa iyo, mas maganda kung magpatingin ka sa isang urologist upang masuri ang iyong kondisyon. Maaaring makita sa semen analaysis kung may problema ba sa iyong tamod.

Tungkol naman sa panghuli mong tanong tungkol sa pakikipagtalik, ang masasabi ko lang ay nagiging mas malapot ang semilya kung mas matagal kang hindi nakapag-ejaculate o nakapagpalabas ng tamod.

13. Anong vitamens ang pamparami ng tamod? Konti lang po kasi lumalabas 3yrs na ako ako kasal d mabuntis buntis ang mrs. ko plz naman ako sa problema ko kahit vitamins lng para sa tamod ko

A: Walang vitamins na para talaga sa tamod. Kung sobrang onti talaga ng tamod na lumalabas sa iyo, mas maganda kung magpatingin ka sa urologist o ibang doktor at magsagawa ng tinatawag na semen analysis kung saan susuriin ang iyong semilya at titingnan kung ano ang posibleng problema. Basahin ang artikulong “Paano malaman kung baog ang isang lalaki” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang impormasyon.

13. masama po bang lunukin ang tamod o semilya ng lalaki?

A: Ang tamod o semilya mismo ang hindi nakakasama kung ito ay malunok. Subalit maaari tong magtaglay ng mga sexually-transmitted diseases (STD) o mga sakit na nakukuha sa pakikipagsex kaya maging maingat parin.

Ano ang gamot sa sobrang pagpapawis ng kili-kili?

Q: Ano ang gamot sa sobrang pagpapawis ng kili-kili?

A: Marami namang mga “anti-persipirant” na nabibili sa mga tindahan, at ang mga ito ay nakaka-pigil sa pagpapawis. Gusto kong idiin na may kaibahan ang “deodorant” at “antiperspirant”: ang deodorant ay parang pabango na nagtatanggal ng amoy ng pawis na dumikit sa damit, samantalang ang antiperspirant naman ay nagpapabawas sa pagpapawis mismo. Ang aluminum chloride ay isang mabisang sangkap na nakakabawas ng pagpapawis sa kili-kili.

Bukod dito, ang pag-iwas sa mga maaanghang o spicy na pagkain, at sa init, ay nakaka-bawas rin ng pagpapawis.

May mga tao na ‘pawisin’ at may mga taong halos hindi pinapawisan; ang mga ganitong pagkakaiba ay normal lamang. Kung patuloy kang nagagambala nito at hindi gumagana ang mga anti-perspirant sa’yo, magpatingin sa dermatologist o iba pang doktor upang magabayan ka kung ano pa ang pwedeng gawin para dito.

May gamot ba para ang bigote ay hindi na tumubo?

Q: (Mula sa isang binatang lalaki) May gamot o paraan ba para ang bigote ay hindi na tumubo?

Walang gamot para dito. Ang iyong bigote, balbas, bulbol, at iba pang buhok sa katawan ang bahagi ng pagiging lalaki. Sa termilohiyang medikal, isa ito sa mga tinatawag natin na ‘secondary sex characteristics’, mga bagay na kaakibat ng pagiging isang lalaki at dala ng ‘testosterone’, isang natural na kemikal sa katawan na nagdudulot ng mga ito.

May mga paraan ngayon, gaya ng ‘laser treatment’ at iba pang paraan, subalit hindi ito sigurado, at maaaring magkaron ng mga side effects gaya ng pagkasunog ng balat; o maaaring hindi ito tumalab. Kung magtagumpay man ang mga ito, ang pagiging permanente ng epekto nito ay nangangahulugang hindi mo na pwedeng ibalik ang iyong bigote kahit gustuhin mo pa.

Kaya, sa ngayon, pang-ahit lang ang tanging paraan upang matanggal ang iyong bigote sa ligtas at siguradong paraan.

Pampalaki ng Ari ng Lalaki: Ang Katotohanan

Dahil narin siguro sa impluwensya ng “pop culture”, maraming kalalakihan ang naghahangad ng mas malaking titi o ari; at dahil dito, napakaraming produkto ngayon ang inaalok na nagpapalaki DAW ng ari ng lalaki (penis enlargement). Ang iba sa mga produkto ay mga tableta; ang iba ang mga “pump”, at ang iba pa ay mga “exercises” na kapag ginawa mo raw ay lalaki ang iyong ari ng ilang inches o pulgada.

Ang totoo, wala sa mga ito ay may katibayan na gumagana! Sa kasaluyukan, wala pang “pampalaki ng ari ng lalki” ang napatunayan na mabisa, gamit ang mga “scientific” na paraan. Magpunta ka sa urologist o kahit sinong kagalang-galang na doktor at lahat sila’y magsaasabi na “walang kwenta” ang mga inaalok na produktong ito. Huwag magpaloko!

Ang delikado pa, maaari lang makasira sa iyong ari ang iba sa mga produktong ito. Nawalan ka pa ng pera dahil sa pagbili ng mga ito. Sa makatuwid, huwag basta basta maniwala sa iba’t ibang mga produktong inaalok.

Ngunit dahil narito narin naman tayo sa paksang ito, atin na ring alamin kung bakit nga ba gugustuhin ng isang lalaki na palakihin pa ang kanyang ari? Baka sa tingin nya, maliit ang ari nya. Masasabi lang niya na maliit ang ari niya kung alam nya ang “average” o karaniwang haba o laki ng ari ng mga lalaking Pilipino.

Ano ba ang karaniwang haba o laki ng ari ng lalakeng Pilipino?

Maaaring kilala ninyo ang tanong na ito sa wikang Ingles: “What is the average penis size for Filipinos?” Ang sagot ay mahirap tiyakin, sapagkat hindi naman lahat ng tanungin mo ay aamin sa tunay na sukat ng kanyang ari. Isa pa, mahirap alamin kung alin ba ang sinusukat, ang malambot (flaccid) o matigas (erect) na katatayuan ng ari, at nag-iiba-iba rin ang mga sukat na ito, depende sa maraming mga bagay.

Pero ayon sa maraming mga mananaliksik, maaaring nasa 5 inches ang pangkaraniwang sukat ng ari ng lalake sa Asya (at kasama na dito ang Pilipinas). Kapag sinabing “average”, ang ibig sabihin nito’y nasa gitna; 50% ng kalalakihan ay mas mababa dito at 50% naman ay mas mataas. Ang “range” daw ng normal ay nasa 4-6 inches, bagaman ito rin ay hindi tiyak na datos.

At kahit anu pa man ang “average” na sukat ng ari ng lalaki sa Pilipinas, ito ba’y pinapahalahagan ng mga kababaihan? Ayon sa mga pag-aaral, para sa karamihan ng mga babae, hindi naman mahalaga ang sukat ng ari ng kanilang mga sexual partners.

Naiintindihan ko kung bakit maraming nag-aaalala sa sukat ng kanilang mga ari: isa sa pinakamahalagang bahagi ng katawan ay ang ari, at ito ang kumakatawan sa pagkalalaki. Ngunit, huwag pagtuunan ng pansin ang bagay na ito! Kung anong ipinagkaloob sa iyo, tanggapin mo at ibigay ng buong-buo sa iyong minamahal. Sa huli, ang sukat ng iyong pag-ibig ang tunay na makakapagpaligaya sa kanya.

Paano Gumamit ng Condom?

Ang wastong paggamit ng condom ay isa sa mga susi sa prebensyon laban sa mga Sexually-Transmitted Diseases (STD) gaya ng HIV/AIDS at tulo o gonorrhea. Kapag ginamit nang tama, ang condom ay lubos na epektibo sa pagpigil sa pagbubuntis. Upang makamtan ang mga benepisyo ng paggamit ng condom, dapat itong gamitin sa wastong paraan. Alamin ang mga hakbang:

  1. Bumili ng condom sa bokita o anumang tindahan. Siguraduhing hindi pa-expired ang condom na iyong binili (Tingnan ang “Expiration Date” sa likod ng pakete”)
  2. Itago ang condom sa maayos na lugar.
  3. Kung gagamitin na ang condom, buksan ito ng dahan-dahan. Tandaan na ang tagumpay ng paghadlang sa pagbubuntis ay nakakasalalay sa condom na walang butas; kahit maliit na butas ay maaaring magdala ng tamod na pinaputok patungo sa fallopian tube ng babae. Maaari rin itong magsilbing daluyan ng anumang impeksyon. Kaya maging maingat sa pagbukas ng condom; huwag itong kagapin.
  4. Dahan-dahang igulong ang condom sa matigas na ari o titi. Nasa dulo dapat ang ‘tip’ na may maliit na kubling espasyong para imbakan ng semilya o tamod sakaling labasan ang lalaki habang nakikipagtalik. Siguraduhing naka-rolyo ang condom mula sa ulo ng ari hanggang sa pinaka-ugat dito.
  5. Panatilihing nakasuot ang condom habang patuloy na pinapasok ang ari sa puwerta, puwit, o bibig ng babae (o lalaki). Bagamat hindi nakakabuntis ang pagpasok ng ari as puwit o bibig, ito’y proteksyon laban sa Sexually-Transmitted Diseases gaya ng HIV. Bagamat higit na mas maliit ang risk ng paghawa sa pagpasok ng ari sa bibig, mas mainam na gumamit parin ng condom para sigurado.
  6. Kung gagamit ng lubricant o pampadulas, “water-based” na lubricants lamang ang gamitin; huwag gagamit ng mga “oil-based” lubricants dahil baka maging sanhi ito ng pagkabutas ng condom.
  7. Kung ang condom ay nabutas, itigil muna ang pakikipagtalik at gumamit ng bagong condom bago ituloy ang pakikipag-seks.
  8. Kapag lalabasan na ng tamod o semilya, alisin ang ari ng lalaki at siguraduhing hindi makakalas ang condom hanggang tuluyang maalis ang ari. Idiin ang bukas na dulo ng condom sa ugat ng ari para hindi ito madulas.
  9. Igulong palabas ang condom hanggang ito’y maalis sa ari. Huwag hayaang dumampi ang condom o ang ari ng lalaki sa pwerta ng babae habang ito’y inaalis.
  10. Itapon ang condom sa basurahan. Hindi pwedeng gamitin muli ang condom na ginamit na.
  11. Ang paggamit ng condom ay isang hadlang sa pagbubuntis at proteksyon laban sa mga sexually-transmitted diseases (STDs) ngunit ang pagkakaroon ng condom ay hindi isang pahintulot o lisensya na malaya nang makipag-talik kahit kanino. Magkaroon ng responibilidad at katapatan sa buhay sekswal, ayon sa inyong mga pananalig at paninindigan.