Adolescence Period: Panahon ng pagbabago sa pagkatao

Ang panahon ng adolescence ay isang bahagi sa buhay ng tao kung kailan nagaganap ang pinakamalaki at pinakamabilis na mga pagbabago sa maraming aspeto ng pagkatao. Ang mga pagbabagong ito ay napakahalaga at tiyak na makaaapekto sa buhay ng isang indibidwal at sa pakikitungo niya sa lipunan na kanyang ginagalawan. Sa panahong ito din pinakamabilis na nahuhubog ang personalidad, mga kakayanan at kaalaman, at pag-angkop sa mga kaganapang emosyonal.

Kailan nagaganap ang mabilis na pagbabago ng pagkatao?

Walang ispesipikong panahon na maiuugnay kung kailan magaganap ang mabilis na pagbabago sa pagkatao ng bawat indibidwal. Ang panahon ng mga pagbabagong pisikal, emosyonal, sekswal, at sa iba pang apeto ay naiiba-iba sa bawat tao. Ang edad ay isa lamang sa maaaring pagbasehan ng pagsisimula ng mga pagbabago sapagkat ang kultura ng isang lipunan na kinabibilangan at ang pakikisalamuha sa iba pang indibidwal ay mga salik din sa pagtupad ng mga pagbabago sa pagkatao.

Ano ang mga pagbabagong pisikal na nagaganap sa panahong ito?

Isa sa mahahalagang pagbabago na nagaganap sa adolescence period ay ang pagbabago sa hubog ng pangangatawan ng isang indibidwal mula sa pagiging bata patungo sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga. Ang mga panahong ito na tinatawag din na puberty stage ay binubuo ng mga sumusunod na pagbabagong pisikal:

  • Pagtubo ng mga buhok sa ilang bahagi ng katawan gaya ng kilikili, mukha na partikular sa mga kalalakihan, at sa maseselang bahagi ng katawan sa parehong kasarian.
  • Mabilis na pagtangkad
  • Paglapad ng balikat sa mga kalalakihan, at balakang sa mga kababaihan.
  • Paglalim ng boses ng mga kalalakihan
  • Paglaki ng dibdib ng mga kababaihan
  • Pagsisimula ng menstrual cycle o buwanang dalaw sa mga kababaihan

Ang mga pagbabagong ito ay dulot ng pagtaas ng mga lebel ng hormones: testoserone sa mga lalaki, at estrogen sa mga babae.

Ano naman ang mga pagbabago sa mentalidad ng bawat indibidwal sa panahong ito?

Malaki rin ang pagbabago sa kaisipan ng bawat isa sa panahong ito na maiuugnay din sa pagbabago sa lebel ng hormones sa katawan. Dahil dito, maaaring magbago ang kakayanan ng isang tao sa pagdedesisyon, pagpaplano sa buhay, emosyon sa bawat kaganapan sa buhay, at mga bagay na ikaliligaya. Sa madaling salita, maaaring magkaroon ng mga pagbabago sa personalidad ng isang tao sa panahong ito.

Pagbabago sa pakikisalamuha (social), at paraan ng pag-iisip (psychological)

Ang pagbabago sa lebel ng hormones at mentalidad ng isang tao ay maaaring makaapekto rin sa mga pagbabago sa pakikisalamuha at paraan ng pag-iisip ng isang tao. Nagbabago ang kakayanan ng isang tao na matuto ng mga bagong kaalaman at kakayanan, gayundin ang pagbibigay ng rason, lohika, at maging pananaw sa buhay. Ang impluwansya ng kultura at lipunan ay mahalagang salik din sa pagbabagong ito.

 

 

 

Kaalaman sa Tuli o Circumcision

Ang tuli o circumcision ay isang uri ng operasyon na isinsasagawa sa mga kalalakihan kung saan ang balat na bumabalot sa dulo ng ari ay tinatanggal. Ito ay karaniwang isinasagawa sa maraming lugar sa buong mundo kabilang na ang Pilipinas. Maaari itong isagawa sa mga bagong silang na sanggol ngunit pinakamadalas ay sa mga kabataang nasa edad 9-13 bilang tanda ng kanilang pagbibinata.

circumcision

Bakit isinasagawa ang pagtutuli?

Ang pagtutuli ay matagal nang tradisyon na nag-ugat pa sa kultura ng mga Hudyo at Muslim, pati na ang ilang mga katutubong tribo sa Africa at Australia. Maaaring ito rin ay tradisyong pinapasa ng bawat pamilya sa bawat henerasyon, o kaya ay nagsisilbing ring paraan ng pagpapanatili ng pansariling kalinisan (personal hygiene). Bukod pa rito, maaari din itong kailanganing talaga para sa ilang kondisyong medikal.

Ano ang mga benepisyo ng pagpapatuli?

Ang pagpapatuli ay may ilang mga benepisyo na maaaring idulot sa lalo na sa kalusugan ng mga lalaki gaya ng mga sumsunod:

  • Pansariling kalinisan (Personal Hygiene). Mas madaling linisin ang ari ng mga lalaki kung sila’y magpapatuli lalo na ang bahagi na dating natatakpan ng balat..
  • Mas maliit na posibilidad ng pagkakaroon ng impeksyon sa daluyan ng pag-ihi (UTI). Ang pagkakaranas ng impeksyon sa daluyan ng ihi ay mas mababa sa mga kalalakihang nagpatuli.
  • Mas maliit na posibilidad ng pagkakahawa sa mga Sexually Transmitted Disease. Napatunayan ng ilang mga pag-aaral na mas mababa ang panganib ng pagkakahawa sa mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik sa mga kalalakihang nagpatuli.
  • Pag-iwas sa mga problema sa ari ng lalaki. May ilang pagkakataan na ang balat na nakabalot sa dulo ng ari ng lalaki ay mahirap ibuka o iurong upang mapalabas ang ulo ng ari. Ang ganitong kondisyon ay maaaring magtulot ng pamamaga sa ari ng lalaki na sadiyang nakakabahala. Mas mapapababa din ang posibilidad ng kanser sa ari ng lalaki kung siya ay magpapatuli.

Nakaaapekto ba ang pagpapatuli sa kakayahan ng lalaki na makabuntis?

Bagaman may mga benepisyo ang pagpapatuli, ito’y hindi naman talaga kailangan lalo na kung normal naman na nabubuka ang balat. Hindi rin totoong makaaapekto ito sa kakayanan ng mga lalaki na makabuntis. Wala rin itong koneksyon sa abilidad ng lalaki sa pakikipagtalik sa kanyang kapareha.

Ano ang mga maaaring panganib na dulot ng pagpapatuli?

Ang pangunahing problema na maaaring maidulot ng pagpapatuli ang ang pagkakaroon ng impeksyon o malalang sugat. Ito ay partikular sa mga sumasailalim sa tradisyonal na pamamaraan ng pagpapatuli. Halimbawa sa Pilipinas, ang tradisyonal na paraan ay ang de-pukpok na pagtutuli na kadalasang isinasagawa sa mga tabing-ilog ng matanda sa isang lugar. Hindi ito rekomendado ng ahensyang pangkalusugan ng Pilipinas, ang DOH, sapagkat maaari nga itong humantong sa impeksyon o kung mas malala pa ay tetano.

Saan maaaring magpatuli ang mga kabataang lalaki?

Ang pagpapatuli ay maaaring isagawa saan mang ospital sa bansa sa buong taon. Ngunit taon-taon, lalo na sa buwan ng Abril at Mayo, maraming programa ang pamahalaan at iba pang mga pribadong sektor na nagbibigay ng libreng tuli. Ang nasasagawa nito ay kadalasang mga doktor, mga nag-aaral pa lamang ng medisina, at mga nurse.

 

 

Kailan tumitigil ang pagtangkad ng tao?

Tuwing nalalapit na bagong taon, nauuso ang paniniwalang tatangkad pa kung makakatalon sa pagsapit ng alas-dose ng hating gabi. Ito ay para sa mga taong umaasa pa rin na madagdagan ang kanyang tangkad. Natural lamang ito sapagkat para sa mga Pilipino, ang pagiging matangkad ay isang magandang katangian. Para sa karamihan sa atin, “height does matter.” Ngunit kailan nga ba tumitigil sa pagtangkad ang isang tao at ano ang mga salik na makakaapekto sa kung gaano kataas ang maaaring itangkad ng isang indibidwal?

Gaano kataas ang isang karaniwang Pilipino?

Bago ang lahat, dapat muna nating malaman kung ano nga ba ang karaniwang taas ng isang Pilipino at Pilipina. Ayon sa mga pag-aaral ang karaniwang taas ng mga kalalakihan sa Pilipinas ay 163.5 cm o 5′ 4.4″ samantalang ang mga kababaihan naman ay 151.8 cm o 4′ 11.8″. Ang karaniwang taas na ito ay naapektohan ng ilang salik kung kaya’t mayroong mga taong likas na matangkad, at mayroon din naman likas na mababa.

Ano ang mga salik na makakaapekto sa pagtangkad ng mga tao?

Unang una, ang tangkad ng isang tao ay naapektohan ng genes na nananalaytay sa isang pamilya. May mga pamilya na likas na matatangkad, at mayroon din namang mga pamilya na bansot. Kung ang mga magulang mo ay parehong matangkad, hindi malayong mamana mo ang katangiang ito at lumaking matangkad din. Gayundin kung maliit ang iyong mga magulang, may posibilidad na ikaw rin ay maging maliit. Minsan naman, kahit maliit ang mga magulang, mayroon isang anak na naiiba at biniyayaan ng tangkad. Posible itong mangyari lalo na kung isa sa mga ninuno ng mga magulang ay matangkad rin.

Bukod sa salik na ang tangkad ay namamana, may ilan pang bagay na makaaapekto sa tangkad ng isang tao. Kabilang dito ang nutrisyon na nakukuha ng panahon ng pagbibinata o pagdadalaga kung saan pinakaaktibo ang pagtangkad ng isang tao. Sa panahong ito, dapat ay mataas at tuloy-tuloy ang nutrisyon na nakukuha ng katawan mula sa mga pagkain o kaya’y mga bitamina at food supplement sapagkat mataas ang pangangailangan ng tumatangkad na katawan sa mga ito. Makaaapekto rin ang mga karamdaman na maaaring maransan sa panahong ng pagdadalaga at pagbibinata. Maaaring agawin ng isang karamdaman ang nutrisyon na dapat ay para sa tumatangkad na katawan. May iba ding sakit gaya ng dwarfism na maaaring pumigil talaga sa pagtangkad ng tao. Ito ang dahilan kung bakit mayroong mga taong unano.

Posible bang mahulaan ang maaaring itangkad ng isang tao?

Ayon sa mga pediatrician o specialista sa mga bata, mayroong formula para mahulaan ang tangkad ng isang lumalaking bata.Bago ang lahat, dapat munang malamang ang tangkad ng ina at ama ng bata. Pagkatapos ay sagutin lamang ang sumusunod na formula:

  • Para sa mga kalalakihan: [(tangkad ng ina + 5 pulgada) + tangkad ng ama] hatiin sa dalawa
  • Para sa mga kababaihan: [(tangkad ng ama – 5 pulgada) + tangkad ng ina] hatiin sa dalawa

Ang magiging resulta ay maaring dagdagan o bawasan ng 2 pulgada, at maaring iyon ang pinal na tangkad ng isang bata pag-laki nya.

Kailan nagsisimula ang pagtangkad at kailan din ito tumitigil?

Ang pagsisimula ng pagtangkad ay naiiba para sa mga babae at lalaki. Sinasabing para sa mga babae, ang pagtangkad ay nagsisimula sa edad na 9-10 na taong gulang, habang sa mga lalaki naman ay sa edad na 11 na taong gulang. Pinaka aktibo ang pagtangkad sa edad na 11 o 12 sa mga kababaihan, habang sa edad na 13 naman sa mga kalalakihan. Humihinto naman ang pagtangkad na ito sa pagtatapos ng puberty stage. Nangyayari ito sa edad na 15-17 para sa mga babae, at 16-17 naman sa mga lalaki. Dapat tandaan na ang puberty sa bawat tao ay naiiba-iba depende sa kung gaano kataas ang mga lebel ng hormones sa katawan, maaring magsimula ito ng maaga at matapos din ng mas maaga, o kaya’y kabaligtaran.

Ano ang dapat gawin para lalo pang tumangkad?

Ang susi para mas lalo pang tumangkad ay ang pananatiling malusog ang katawan na may sapat na pahinga. Upang maging malusog, dapat ay kumpleto at sapat ang nutrisyon na nakukuha mula sa mga pagkain sa bawat araw at higit itong kailangan sa panahon ng puberty. Dapat ay kumpleto din ang tulog na hindi bababa sa 8 oras. Ang mga supplement at gamot na nagsasabing nakakatangkad ay walang garantiya na talagang makapagpapatangkad.

Paano matanggal ang pimples sa isang binata?

Q: Hello doc.. 14 years old po ako. Ask ko lang may tumutubong parang bilog-bilog sa mukha ko sabi ng mga auntie ko pimples daw yun pero bat ganun di po sya natatanggal meron po akong pimples this year lang nag ka meron 2014. PEronunv nakaraan wala doc ano pano ko to matatangal.

A: Ang pagbibinata o ‘puberty’ ay sadyang panahon ng maraming pagbabago sa katawan, at sa maraming lalaki, kabilang na sa mga pagbabagong ito ang pagkakaron ng pimples o taghiyawat. Dahil ito sa paggawa ng katawan ng sebum, isang uri ng langis, ay nagbabara sa mga loob ng balat at nagiging sangkap para sa isang uri ng bacteria na tinatawag na Propionibacterium acnes na siyang nagiging sanhi ng pimples o acne.

Huwag kamutin ang mukha o kalikutin ang mga pimples. Ang pinakamagandang paraan ay paghuhugas o paghihilamos ng mukha dalawang beses sa isang araw. Hindi kailangang sobrahan ang pagkukuskos dahil baka makasira din ito sa balat.

May mga produktong maaaring mabili sa botika o sa kahit saang tindahan na pangkontra sa pimples. Ang iba din ay mga facial wash, mga cleanser sa mukha, lotion, cream, at iba pa. Ang mga produktong may taglay na salicylic acid o benzoyl peroxide ay maaaring makatulong laban sa acne. Pero hindi lahat ng produkto ay gumagana para sa lahat ng binata. Dahil iba’t iba ang ating balat at katawan, iba’t iba rin ang epekto ng mga produkto. Kaya pwede mong subukan ang mga iba’t ibang klase ng produkto, pero konting ingat lang sa mga produktong hindi kilala o aprubado ng FDA dahil baka may mga sangkap ito na nakaksama sa balat.

Sa karamihan ng lalaki, ang pagdami o pagkakaron ng pimples ay mawawala din pagkalipas ng ilang taon. Para sa ilan naman, ito’y hindi kaagad nawawala. Pero sa ngayon, hindi mo kailangang mag-alala dahil normal nga lang ito na bahagi ng pagbibinata. Kung talagang nakakasagabal sa’yo ang problema, pwede kang magpatingin sa isang dermatologist para mabigyan ka ng iba pang payo at mga gamot para dito.

Anong gamot sa sobrang pagpapawis o pagbabasa ng kilikili?

Anong gamot sa sobrang pawisin o palaging basa na kili-kili?

Q1: magandang gabi po doc nais ko po sana masulosyonan itong problema ko sa buhay.Doc ano po bang mabisang gamot dito po sa basa kong kilikili? Lagi po pinagpawisan ang kilikili ko kahit katatapos ko lang maligo.pero hndi naman po mabaho.nahihiya na nga po ako magsuot ng ibang kulay dahil makikita ng mga tao na basa yung kilikili ko. Sana po doc mabigyan nyo ako ng sulosyon sa problema ko ngaun.sana doc matulungan nyo po ako. salamat po doc.

Q2: Ano po ang lunas sa subrang pawisin na kilikili.,.subra napo kasi ang pawis sa kilikili ko,.anu po dapat gawin nito.,.nakaka hiya na po kasi.,.maka ilang damit na ako sa isang araw,.hindi na nga ako nag-suot ng mga fit sa body ko.

Q3: ano po ba ang solution sa ng babasang kili kili? bakit ng babasa po ang kili kili kahit nasa aircon na lugar?

Q4:Ano po bang pwede igamot sa pagbabasa ng kili kili lagi po kc itong basa parang pasmado palagi. pls… help naman po doc

Q5: Doc bakit po madaling bumasa ang kili kili ko kahit konting galaw lang pero di naman mabaho…ano ba gamot dito

Q6: Ano po ang gamot sa sobrang pagpapawis ng kilikili? nagagamot pa po ba ito?

A: Salamat sa inyong mga tanong. Ang pagpapawis o pagbabasa ng kilikili ay isang kondisyon na nararanasan ng maraming tao. Narito ang mga payo ko sa inyo:

1. Gumamit ng antiperspirant. Ito ang pinakasimpleng solution. Maraming antiperspirant na nabibili sa mga supermarket. Hindi lahat ng deodorant ay antiperspirant, subalit dumarami na ngayon ang mga antiperspirant gaya ng Rexona, Axe, at iba pa. Tingnan mabuti sa produkto kung ito’y antiperspirant talaga. Maaari itong gamitin sa araw at gabi. Tiyaking tuyo ang balat bago ito i-spray o i-apply.

2. Iwasan ang init at maaanghang ng pagkain. Ang mga ito ay nakakapawis.

3. Magsuot ng mas maalwang damit. Mas maganda ang na cotton ang telang gamin. Tandaan din na mas nahahalata ang pawis sa mga makulay na damit kaya piliin ang itim o puti.

4. Bukod sa paggamit ng antiperspirant, isang ‘home remedy’ o paraan na maaaring subukan ay ang pagpahid ng baking soda na hinaluan ng konting patak ng tubig sa kilikili. Ipahid ang halo sa mga kilikili at panatilihin doon ng 20 na minuto bago hugasan. Maaari itong makatulong sa pagpapawis dahil pinapabilis nito ang ‘evaporation’ o pagkatuyo ng pawis.

5. Kapag ang mga ito ay hindi parin tumalab, magpatingin na sa dermatologist o iba pang doktor na maaaring magreseta ng mas malakas na antiperspirant at iba pang maaaring lunas para sa sobrang pagpapawis ng kilikili.

Keratosis pilaris (KP): Mga butlig sa braso lalo na sa mga binata

Q: Doc, meron po ako butlig sa braso ko ..ang dami na po hindi ko po alam saan ko nakuha .pano po ito mawawala ? hindi po siya makati. Salamat po.

A: Base sa picture na iyong pinadala at sa iyong sinabi na hindi ito makati, malamang ikaw ay may keratosis pilaris, isang kondisyon na nakakaapekto sa maraming tao, lalo na sa mga kabataan. Ito ay ‘benign’ o hindi dapat ikabahala; ang tanging epekto lamang nito ay maaari mong isipin na ito’y hindi magandang tingnan.

Sa karamihan ng mga tao, ang keratosis pilaris ay nawawala sa edad 30, pero sa ilan ay ito’y hindi basta-basta nawawala. May mga gamot gaya ng Salicylic Acid o Tretinoin na maaaring ipahid sa balat para ito’y matangkad ngunit hindi sila 100% effective, at hindi ko sila nirerekomenda. Mas magandang magpatingin sa dermatologist o di kaya hayaan na lamang ito dahil hindi ang kondisyong ito ay wala namang masamang naidudulot.

Hindi pantay ang bayag: Dapat bang ikabahala?

Q: kapag hindi pantay ang bayag o mas malaki yung isang bayag ito ba ay sintomas ng luslos? salamat

A: Huwag mag-alala. Normal lang na sa ilang mga kalalakihan ay medyo magkaiba ang laki ng itlog o testicle. At marami ring mga lalaki na mas mababa ang pagkakalawlaw ang isang itlog sa bayag. Normal lang din ito at hindi naman ito nangangahulugan na ikaw ay may luslos.

Subukan mong kapain ang iyong mga itlog. Kung may nakakapa kang bukol na wala sa kabilang itlog, o kaya kung may kakaiba lang nararamdaman kagaya ng kirot o pananakit sa bayag, o di kaya kung pakiramdam mo ay lumalaki o lumiliit ay isa sa mga itlog, magandang mapatignan mo ito sa isang doktor upang matiyak na okay ang lagay ng iyong kalusugan.

Sobrang pagtangkad ng isang binata

Q: Hello po sana po masagot po nyo ang aking tanong. Maaari po bang ihinto ang pag tangkad ng isang lalaki? 6’4 na po kasi ako 17 palang po ako. Gusto ko na pong ihinto ang pag tangkad ko. Ma aari po ba yon? Masagot nyo po sana ito agad.

A: Kung ang iyong mga magulang at mga kapatid ay wala sa 6 feet ang tangkad at wala sa lahi ninyo ang pagiging matangkad, mahalagang magpatingin ka sa doktor dahil baka ang katawan mo ay labis ang produksyon ng growth hormone, ang hormone o kemikal na responsable sa paglaki at pagtangkad ng tao. Kinakailangan ng mga laboratory test upang malaman ang antas ng growth hormone sa iyong katawan. Kung ito ay mataas, may mga gamot na pwedeng inumin upang masupil ito. So ang sagot sa iyong tanong ay, oo, kung ang iyong pagiging matangkad ay dahil sa kasobrahan ng growth hormone, may paraan para dito.

Bukod sa mataas na antas ng growth hormone, may mga iba ring posibleng sanhi ng pagiging matangkad. Mas maganda kung ma-examine ka ng doktor upang matukoy nya ang mga posibilidad na ito. Kalimitin, ang mga lalaki ang tumatangkad pa hanggang edad 19-22 kaya mas maganda kung makapagpatingin ka sa lalong madaling panahon.

Ano ang gamot sa sobrang pagpapawis ng katawan?

Q: ano po ang gamot sa sobrang pagpapawis ng buong katawan? konting galaw ko lng po sobrang pinagpapawisan npo ako. salamat po

A: May sinagot akong tanong na parang ganyan, basahin ang tanong at aking sagot sa artikulong “Ano ang gamot sa sobrang pagpapawis ng kilikili” sa Kalusugan.PH. Sa tingin ko marami kang mapupulot sa maikling artikulong iyon.

Bukod sa nabanggit ko doon, gusto ko ring idagdag na kapag sobra ang inom mo ng tubig, mas lalo kang papawisan. Bagamat magandang uminom ng marami, kung ikaw ay sobrang pinapawisan, pwede mo ring bawasan ang iyong pag-inom ng tubig at iba pang inumin.

Ang ilang solusyon sa sobrang pagpapawis ay hindi medikal kundi praktikal, gaya ng pagbabago sa paraan ng pananamit. Kung ikaw ay dito nakatira sa Pilipinas, hindi angkop ang sobrang kapal ng tela, at kung maaring magsuot ng mas maaliwalas na kasuotan, ito ay makakatulong rin.

Ano ang gamot na pampatangkad?

Q: ano ang gamot pampatangkad?

A: Walang gamot na nakakapagpatangkad. Huwag maniwala sa mga patalastas na nangangako na nakakapatangkad sila. Ang height o tangkad ng isang tao ay maaaring resulta ng iba’t ibang mga bagay, gaya ng:

  • Genetics, o namamana sa iyong tatay at nanay. Kung babae ka, anong height ng iyong nanay at mga kamag-anak mo na babae sa magkabilang panig? Malaki ang posibilidad na ganon din ang maging height mo. Sa mga lalaki, ganon din. Tingnan ang mga kamag-anak na lalaki.
  • Wastong pagkain at tamang nutrisyon habang bata pa.
  • Pag-iwas sa sakit habang bata pa.
  • Pagiging masigla

Base sa ating mga nabanggit, walang papel ang mga tinaguriang ‘gamot’ na pampatangkad. Mas maganda kung ang perang gagamitin sa pagbili ng mga ito ay ilagay na lang sa pagbili ng mas masustansyang pagkain gaya ng mga prutas, gulay, at pagkain na wala masyadong sangkap na artipisyal gaya ng mga preservatives at artipisyal na flavoring.