Batang palaging tulala: Ano kaya ito?

Q: Doc ano ang gagawin ko sa anak ko na laging naka tulala at naka-tunganga lagi. May gamot ba ito doc,at ano tawag sa sakit na ganito doc. Kasi doc na bundol kasi sya dati ng motor nung grade 1 pa sya doc, pinacheck up namin dati wala naman daw problema sabi ng doctor.

A: Ang ganyang kondisyon ay kinakailangan nang malalim na pagsusuri ng isang pediatrician. Sya ba ay nahihirapan sa pag-aaral? Sa paglalaro? Sa pang-araw-araw na buhay? Kung oo, kailangang maipatingin nyo sya kaagad sa isang pediatrician upang matukoy kung ano ba ang posibleng sanhi ng pagiging tulala. Marami itong pwedeng pagmulan, kabilang na ang ‘neurologic’ (sa utak) na problema; ‘developmental delay’ (mabagal ang paglaki); at iba pa.

Kabilang sa mga itatanong sa inyo ng doktor: “Kailan nyo po ito unang napansin?” “Kamusta ang grades nya sa school, nakakpag-aral ba?” “Ano pa ang ibang sintomas na napapansin nyo sa kanya?” “Sa pamilya nyo ba may parang ganito rin?” Isiping mabuti ang mga sagot sa mga tanong na ito upang matulungan ang inyong doktor sa pagsusuri sa kondisyon ng inyong anak.

Ano ang gamot na pampatangkad?

Q: ano ang gamot pampatangkad?

A: Walang gamot na nakakapagpatangkad. Huwag maniwala sa mga patalastas na nangangako na nakakapatangkad sila. Ang height o tangkad ng isang tao ay maaaring resulta ng iba’t ibang mga bagay, gaya ng:

  • Genetics, o namamana sa iyong tatay at nanay. Kung babae ka, anong height ng iyong nanay at mga kamag-anak mo na babae sa magkabilang panig? Malaki ang posibilidad na ganon din ang maging height mo. Sa mga lalaki, ganon din. Tingnan ang mga kamag-anak na lalaki.
  • Wastong pagkain at tamang nutrisyon habang bata pa.
  • Pag-iwas sa sakit habang bata pa.
  • Pagiging masigla

Base sa ating mga nabanggit, walang papel ang mga tinaguriang ‘gamot’ na pampatangkad. Mas maganda kung ang perang gagamitin sa pagbili ng mga ito ay ilagay na lang sa pagbili ng mas masustansyang pagkain gaya ng mga prutas, gulay, at pagkain na wala masyadong sangkap na artipisyal gaya ng mga preservatives at artipisyal na flavoring.

Ano ang dapat gawin kapag nagtatae ang bata?

Q: Ano po ang dapat gawin kapag nagtatae ang bata?

A: Ang mga tiyan ng mga bata ay maselan pa at madaling madali ng mga bacteria, virus, o mga sangkap na nagdudulot ng pagtatae. Ang diarrhea o pagtatae ay normal na bahagi ng paglaki subalit kailangang alisto ang mga magulang sapagkat ay ilang uri ng pagtatae na delikado at kinakailangang maipatingin sa doktor o ospital.

Ang mga sumusunod ay mga nakaka-alarmang palatandaan ng pagtatae na kailangang ipatingin sa doktor:

  • Kung ito’y lagpas na ng tatlong araw at hindi pa nawawala
  • Kung ang pagtatae ay may kasamang dugo
  • Kung may pagsusuka na malala o tuloy-tuloy
  • Kung hindi nakakakain ang bata
  • Kung maputla at nanghihina at bata
  • Kung may mataas na lagnat, o lagnat na higit sa isang araw
  • Kung hindi nito kaya, o walang ganang uminom ng tubig
  • Kung may iba pang kakaibang sintomas

Kung pagtatae lamang ang nararanasan at mukha namang malakas ang bata, ang pinakamahalagang dapat gawin ay painumin sya ng maraming tubig at iba pang likido upang hindi sya mawalan ng tubig sa katawan, o ma-dehydrade. Ang pag-inom ng ‘oral rehydration salts’ gaya ng ‘Oresol’ ay nakakatulong din. Ang prinsipyo dito ay kung anumang nawala sa katawan na tubig ay dapat mapalitan ng katumbas na tubig. Walang bawal na pagkain, bagamat dapat iwasan ang anumang pagkain na maaaring naging sanhi ng pagtatae; iwasan din ang gatas. Ang isang mineral, zinc, ay nakakatulong rin; pwedeng painumin ang bata ng multivitamin syrup na may zinc.

Maging maselan sa pagpunas ng puwit ng bata na nagtatae sapagkat pwede itong masugatan kung patuloy ang pagtatae.

Magpatulong sa barangay health worker, kung meron, at kung hindi parin gumagaling ang bata sa loob ng ilang araw, dalhin narin ang bata sa doktor upang matingnan.

Balakubak o dandruff sa mga bata

Balakubak o 'dandruff flakes'

Q: Ano po ang gamot sa ulo ng anak ko kasi bumabalik lagi ung makapal na dandruff sa ulo nya?

A: Ang balakubak ay dandruff ay pwedeng mangyari kahit sa mga bata o mga binata o dalaga. Karaniwan, ang paggamit ng anti-dandruff shampoo, araw araw sa umpisa at padalang ng padalang habang ang balakubak ay nawawala na, ay sapat upang masupil ang mga kaso ng dandruff sa mga bata. Mahalagang hayaang nakababad ang shampoo sa buhok ng bata sa loob ng limang minuto upang kumapit ang talab ng mga anti-dandruff shampoo na ito. Ang mga anti-dandruff shampoo ay nagtataglay ng alin mang sa mga kemikal na ito:

  • Selenium sulfide
  • Zinc pyrithione
  • Salicylid Acid
  • Ketoconazole

Sabihan rin ang bata na huwag kamutan ang buhok upang hindi lumala ang balakubak.

Kung sa loob ng ilang linggo ay hindi parin nawawala ang balakubak, at kung ang pangangati at pamumula ay hindi lamang nasa buhok ngunit meron din sa ibang bahagi ng katawan, maaaring ito ay kaso ng ‘seborrheic dermatitis’ na kailangang makita at magamot ng doktor, kaya magpatingin na.

Paghihilik sa isang bata: Normal lang ba?

Q: Kapag bata po ba, normal lang ang malakas maghilik? 4 years old na po siya.

A: Ang paghihilik ay hindi normal, subalit hindi lahat ng paghihilik ay kailangang gamutin. Sa maraming kaso, ito’y panandalian lamang at lilipas rin. Subalit, para sa mga bata, ang paghihilik ay maaaring isang sintomas ng isang mas malalang problema kaya ng ‘sleep apnea’.

Ang sleep apnea ay isang seryoso kondisyon kung saan panandaliang hindi bumuka ang mga lagusan ng hangin sa baga at lalamunan, at dahil dito, hindi nakakapasok ang hangin sa baga. Dahil dito, ang bata ay nagigising upang makahinga. Mabilis nangyayari ang mga ito at hindi nararamdaman ng bata at maaaring hindi ma-obserbahan ng mga magulang. Minsan, ang tanging sintomas lamang ay ang paghihilik.

Dahil ang sleep apnea ay nakaka-apekto sa paglaki ng bata at sa pag-aaral at pagkakatuto ng mga bagay sa eskwelahan, rekomendado ko na ipatingin ang inyong anak kung patuloy siyang naghihilik, para lang sigurado tayo na hindi ito sintomas ng sleep apnea.

Hepatitis B at pagbubuntis: Anong dapat gawin?

Q: Ano ang maaaring mangyari pag nabuntis ang isang may hepatitis?

A: Huwag mag-alala. Kung ikaw ay babae na ‘carrier’ ng Hepatitis B, o positive ang iyong eksaminasyon para dito, hindi naman ito nangangahulugan ng hindi ka na pwedeng mabuntis, o kung buntis ka ay ito ay mauuwi sa disgrasya. Ngunit, may mga hakbang na mahalagang gawin, at mga ito ay dapat gawin kaugnay ang iyong OB-GYN o iba pang doktor. Ang mga babanggitin ko ay gabay lamang at dapat i-sangguni sa iyong doktor:

Hepatitis B habang buntis

Habang buntis, mahalaga na ingatan mo ang iyong atay upang hindi lumala o sumpungin ang Hepatitis. Kabilang na dito ang pag-iwas sa mga gamot gaya ng Paracetamol na kung napadalas o naparami ang paggamit ay pwedeng maka-apekto sa atay. Huwag na huwag iinom ng alak.

Hepatitis B sa panganganak

Pagkatapos na pagkatapos ng pagkapanganak, huwag na huwag kakaligtaan ang pagpapabakuna ng iyong baby sa Hepatitis B (Hepatitis B vaccine) at ang pagturok sa kanya ng Hepatitis B Immunoglobulin (HBIG). May follow-up ang bakunang ito at dapat ito’y ituloy ng walang palya. Tingnan ang mga mahalagang bakuna para sa mga baby sa Kalusugan.PH.

Hepatitis B at pagpapasuso

Ayon sa mga pag-aaral, wala namang dagdag na panganib o risk ang pagpapasuso sa kanilang mga sanggol ng mga babae na may Hepatitis B, basta siguradong mayroon at patuloy ang mga bakuna sa sanggol.

Dapat bang sanayin ang baby na matulog na mag-isa?

Q: doc. tanong ko lng po tungkol sa aking baby., tama ba n sanayin ang sanggol n mtuto mtulog mag isa,ibig kong sabihin eh., wag sanayin sa pag hele pra ito ay mkatulog ,sa halip ay breast feed lng sa ina at panatilihing komportable sa pag kakahiga at suot?

A: Wala namang masama sa pag-hele sa isang sanggol para ito ay makatulog. Ang paglaki ng isang baby ay pwedeng markahin ayon sa mga ‘stages of development’ o mga antas ng paglaki at pagbabago. Sa unang isa hanggang dalawang taon, sadyang malaki ang pangangailangan ng ‘lambing’ ng baby, subalit habang ito’y tumatanda, dahan-dahan itong sinasanay na matutong mag-isa.

Sa unang taon ng baby ay mahirap itong maintindihan, sapagkat ang pag-iyak ang kanyang tanging paraan na makipag-usap sa mga tao. Tingnan ang Mga sanhi at solusyon sa pag-iyak ng baby sa Kalusugan.PH para sa dagdag na kaalaman.

Sipon at pag-iyak ni baby: Anong dapat gawin?

Q: May sipon si baby at iyak nang iyak ano ang dapat gawin?

A: Una sa lahat, huwag mabahala. Ang pagkakaron ng sipon at pag-iyak ng mga sanggol ay normal at ang lahat ay nagdaraan dito. Sa karamihan ng kaso, ang mga sintomas na ito ay lilipas rin ng hindi kinakailangan ng konsultasyon sa doktor o gamutan.

Para sa pag-iyak ng baby, tingnan ang artikuong ‘Mga sanhi at solusyon sa pag-iyak ng baby’ sa Kalusugan.PH

Para naman sa sipon, mahalagang idiin na wala talagang gamot dito sapagkat ang sipon ay kalimitang dala ng virus na madaling mahawa at makuha sa ibang tao, ngunit nawawala rin ng kusa. Sa mga baby, ito’y maaaring maging sanhi ng pag-iyak, pagtulo ng uhog, at ‘halak’. Malakas ang temptasyon na painumin ang baby ng mga over-the-counter na cough syrup o mga gamot sa ubo’t sipon pero dapat itong iwasan. Wala itong benepisyo para sa baby, at maaaring hindi pa handa ang kanyang katawan sa mga gamot. Makipag-ugnayan sa doktor bago magbigay ng kahit anong gamot kung ang edad nya ay wala pang isang taon.

Sa halip, siguraduhing napapasuso ang baby ng maayos, o siya’y sa bote pinapakain, siguraduhing sapat ang tubig nya sa pang-araw-araw. Ito ang pinakamainam na panlaban nya sa sipon. May mga ‘nasal drops’ rin at ‘nasal suction’ na nabibili sa botika na pwedeng gamitin upang tunawin o tanggalin ang uhog na bumabara sa kanyang ilong. Ito’y makakatulong na maging komportable ang inyong baby.

Isa pa, siguraduhing malinis ang hangin at maaliwalas ang paligid o silid ng inyong baby. Malaking bagay ang malinis na hangin sa kanila, sapagkat maselan pa ang kanilang mga baga at madaling nairita ng alikabok at iba pa.

Subalit, tandaan din na kapag ang sipon ay may kasamang lagnat, hirap sa paghinga, pagkawala ng ganang dumede o kumain, ito’y dahilan na upang magpakonsulta sa doktor. Bagamat karamihan ng sipon ay dala ng mga virus, maaari rin itong sintomas ng mas malalang sakit na dala ng bacteria. Lumapit sa inyong pediatrician o doktor upang magabayan ng ayos.

Panghuli: Kung nais niyong siguraduhin ang kalusugan ng inyong baby, siguraduhing kompleto ang kanyang mga bakuna. Tingnan ang artikulong ‘Mga mahalagang bakuna para sa mga sanggol at bata’ sa Kalusugan.PH para sa kaalaman tungkol dito.

Mga sanhi at solusyon sa pag-iyak ng baby

Lalo na sa mga bagong mommy at daddy, ang pag-iyak ng inyong baby ay isang malaking sanhi ng stress sa buong pamilya. Ngunit kailangan ba talagang mag-alala tuwing umiiyak ang sanggol? Ayon sa mga pag-aaral ng mga doktor, ang pag-iyak ng mga baby ang isang normal na proseso lamang, at hindi dapat ikabahala. Ang pag-iyak rin ng mga sanggol ay kanilang paraan upang makipag-usap sa inyo, dahil hindi pa sila marunong magsalita. Tulad ng mga salita’t pangungusap, at mahalaga ay alam ninyo kung ano ang kahulugan ng kanilang mga iyak at luha.

Narito ang karaniwang mga sanhi ng pag-iyak ng mga baby – at mga posibleng solusyon:

Mga sanhi at solusyon sa pag-iyak ng baby

1. Gutom lang yan. Isa sa pinaka-madalas na sanhi ng pag-iyak ng baby ay gutom, lalo na sa unang anim na buwan ng buhay. Ilang beses nyo ba siyang pinapasuso o pinapakain? Sa umpisa 8-12 beses sila dapat pasusuhin, at pag nagtagal, ito’y pwedeng maging mas madalang. Subukang pasusuhin ang baby upang tumahan.

2. Hinahanap-hanap ang haplos at yakap. Bawat tao ay naghahanap ng makakayakap, ngunit lalong lalo na ang inyong baby. Bakit hindi nyo sya iduyan, lambingin, o i-helehele hanggang ito’y tumahan o mahimbing sa pagtulog. Alam nyo ba ng ‘yakap ng ina’ ay may benepisyong medikal rin? Napag-alaman na sa mga bagong panganak, mas maganda ng ‘immune system’ at mas protektado sa pagkakasakit ang mga sanggol na kaagad naidikit sa kanilang mga ina at agad ring naumpisahan ang pagsuso.

3. Pagod na si baby. Lalo na kung maraming bisita, o medyo naglaro ito ng matagal-tagal, napapagod din ito at maaaring umiyak. Ang solusyon dito ay siya’y lambingin lamang hanggang makatulong.

4. Nilalamig, naiinitan, nasisikipan. Kung hindi komportable ang inyong baby, pag-iyak rin ang kanyang paraan upang ipaalam ito sa inyo. Masyado bang malamig sa kanyang silid? Baka sa kanya napatapat ang electric fan, at dapat iiwas sa kanya ito. Masyado bang maiinit? Pwede rin. Ang mga baby ay mas sensitibo sa pagbabago sa temperatura. Kung masyadong masikip ang diaper o damit nya, baka umangal rin ito sa pamamagitan ng pag-iyak.

5. Hinahanap-hanap si mommy. Ang mga sanggol na ilang buwan pa lamang ay may tinatawag na “separation anxiety” o pagkabahala kung napahiwlay sila sa kanilang ina. Iiyak talaga ito kapag na-realize nya na napawalay na pala siya. Subalit paglaki ng baby, ito’y mawawala rin at siyang magiging komportable rin na kasama ang iba’ t ibang miyembro ng pamilya, pati mga kamag-anak.

6. Wala lang yan! Alam nyo na ba na may pag-iyak ang mga baby na bagamat normal na normal lang ay walang dahilan? Lalo na kung ito’y nangyayari kung hapon o gabi. Ang mahalaga kapag ito’y nangyayari ay huwag mabahala ang pamilya.

7. Iugnay ang pag-iyak sa ibang pagbabago. Ang baby nyo ba ay nilalagnat, nawawalan ng ganang kumain, o may iba pang pagbabago? Kung oo, at hindi maawat ang kanyang pag-iyak, pwedeng indikasyon ito ng pagkakasakit. Kung ganito ang kaso, magpatingin na sa kanyang pediatrician o doktor. Ngunit tandaan na karamihan ng pag-iyak ay normal lang, at hindi lahat ng pag-iyak ay dapat ikabahala.

Mahirap talagang intindihan ang mga baby, ngunit pagtagal ay nagiging eksperto narin ang mga magulang, lalo na ang mga nanay, sa pag-unawa kung ano ang nais iparating ng kanilang mga munting anak.

Masakit na ngipin sa batang may ITP

dr. masakit po ang ngipin ng anak kung 6years kaya lang may I.T.P sya atisa pa puro bulok na kasi ang ngipin po nya. ano po ba ung first aid ng masakit na ngipin?

Dahil ay ang anak ay may Idiopathic Thrombocytopenic Purpura o ITP, ako’y nag-aalinlangan magbigay ng partikular na payo sapagkat mas maganda kung ang kanyang doktor mismo ang makakapagbigay ng kanyang opinyon tungkol dito. Halimbawa, may mga gamot gaya ng Aspirin at Ibuprofen na bawal sa mga pasyenteng may ITP. Hindi ko rin alam kung ang iyong anak ba ay natanggalan na ng spleen o lapay, o hindi pa.

Mas maganda rin kung magpatingin na kayo sa dentista, at dapat ipaalaman ninyo sa dentista na may ITP ang bata. Kung okay naman ang platelet count, kalimitan ay wala namang itong problema at pwede parin namang gawin ng dentista ang anumang dapat nyang gawin sa ngipin.

Sa pangkasalukuyan, pwedeng subukan ang mga ‘home remedies’ gaya ng pagmumumog ng maligamgam na tubig na may asin, paglalagay ng cold compress sa ibabaw ng apektadong ngipin, at pag-iwas sa pagnguya at pagkain ng matitigas o magaganit na pagkain.

Tunghayan ang artikulo sa Kalusugan.PH tungkol sa bulok na ngipin. Muli, gusto kong idiin na dahil sa ITP na iyong anak, mahalagang makipag-ugnayan sa inyong hematologist o iba pang doktor tuwing iinom ng gamot o sa mga bagay na pangkalusugan.