Ano ang nararamdaman ng isang pasyente na may high blood?

Q: anu anu po ba ang nararamdamn ng isang high blood patient?

A: Sa madaling salita, gusto mong malaman kung ano-ano ang sintomas ng hypertension o high blood. Uunahin ko ang mahalagang sabihin: maaaring wala. Oo, hindi ibig-sabihin na high blood ay may sintomas. Maraming beses, wala kang mararamdaman, high blood ka na pala. Kaya nga kailangang ma-monitor ng BP apparatus o pangkuha ng BP ang isang pasyente na ‘high blood’

KSubalit ang ibang mga pasyente naman ay may nararamdaman rin. Kabilang dito ay sakit ng ulo o batok tuwing tumataas ang BP. Pwede ring makaramdam ng pagod at hilo. Kung apektado ang puso, pwede ring makaramdan ng kabigatan sa dibdib.

Dahil maraming sintomas ang high blood, at maaari ring wala, dapat masuri ang sino mang may-high blood upang makita ang ebidensya ng high blood hindi lamang sa sintomas, kundi pati sa mismong pag-sukat ng ‘blood presssure’ at iba pang mga laboratoryo. Marami namang pwedeng gawin upang mapigilan ang paglala ng high blood, at kabilang dito ang pag-iwas sa matataba at maaalat na pagkain, at ang pag-eehersisyo ng regular.

Alzheimer’s Disease: Mga Kaalaman

Ang Alzheimer’s Disease ay isang karamdaman na nagdudulot sa pagiging malimutin, pagkalito, pagbabago ng ugali, at ibang sintomas, at kung lumala pa, ito’y nagdudulot din na kawalan ng kontrol sa katawan. Sa pangkasalukuyan, wala pang natutuklasan na lunas sa Alzheimer’s, bagamat may mga iba’t ibang gamot na inaaral para dito. Ang pinaka-solusyon sa Alzheimer’s ay pag-aalaga at pag-aaruga, sapagkat mabigat ang pangangailangan ng isang may karamdamang ganito.

Ito’y karaniwang nangyayari sa mga nakakatanda. Dahil dito, maraming naniniwala na ito’y katumbas na tinatawag natin na “ulyanin”. Subalit, hindi lahat ng tinatawag na “ulyanin” ay may Alzheimer’s. Ang pagiging ulyanin ay maaaring dulot ng katandaan bilang isang natural na kaganapan, at mga pagkakaron ng stroke ay isa ring maaaring sanhi nito – isang kondisyo na tinatawag na “vascular dementia”.

Ang sanhi ng Alzheimer’s ay hindi pa lubos na naipapaliwanag. Wala paring lubos na maiugnay na mga maaaring konektado dito; karamihan ng mga kaso ng Alzheimer’s ay wala sa lahi at hindi masasabing “nasa dugo” o “nasa pamilya”.