6 Tips sa mabuting pagpapalaki ng anak

Hindi na bago sa kaisipan ng mga modernong pamilyang Pilipino na lumipas na ang panahon ng tradisyonal na pagpapalaki sa mga anak. Kung noon ay isang boses lamang ang nagdedesisyon sa isang pamilya at uso pa ang striktong pagdidisiplina sa mga anak, ngayon ay nag-iba na.

Maraming salik ang nakapagpabago sa paraan ng pamumuhay ng modernong pamilya sa ngayon. Bukod sa mga makabagong batas na nagbibigay proteksyon sa mga anak mula sa strikto at malupit na pamamaraan ng pagdidisiplina, ang matinding impluwensya ng teknolohiya sa mga anak ay hindi matatawaran..

Ngunit sa kabila ng pagbabagong ito sa paraan ng pamumuhay ng mga modernong pamilya, may ilan pa ring pamamaraan at stratehiya sa mabuting pagpapalaki ng mga anak ang nananatiling epektibo at ginagamit pa rin magpa sa hanggang ngayon. Ayon sa pagsasaliksik ng mga taga-Harvard University, ang mabuting pagpapalaki sa mga anak ay kailanman hindi magbabago.

Narito ang ilan sa mga subok nang tips sa mabuting pagpapalaki ng mga anak:

1. Bigyan ng oras ang sarili kasama ang mga anak.

Ang mahusay na paggamit ng oras kasama ang mga anak gaya ng simpleng pamamasyal, pagsisimba tuwing linggo, at maging ang pagkain ng sabay-sabay sa hapag, gayundin ang pagpapanatili na may bukas na komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak ay mahusay na paraan ng pagtatatag ng pundasyon ng mabuting relasyon sa pagitan ng bawat miyembro ng pamilya. Bukod sa kaalaman na matututunan ng mga anak mula sa mga magulang, ang mga magulang din naman ay marami ring matututunan sa kanilang mga anak gaya ng mga interes, at pag-uugali.

2. Bigyang pansin ang mabubuting katangian ng anak.

Ayon sa pagsasaliksik ng mga dalubhasa, ang mga mabubuting katangian ng mga anak ay himukin sa pamamagitan ng pagbibigay pansin sa mga ito. Ang simpleng pagpuri kapag may nakitang mabuting katangian gaya ng pagtulong sa kapwa, paglilinis ng kagamitan, at pagsisipag sa pag-aaral ay makatutulong nang malaki sa paghuhubog sa mabuting pagkatao ng anak.

3. Gabayan ang anak sa tamang paraan ng pagharap sa mga problema at pagdedesisyon.

Walang mabuting kahihinatnan ang padalosdalos na pagdedesisyon at pagpapairal sa init ng ulo sa pagharap sa mga problema. Makabubuting gabayan ang anak sa tamang paraan ng pagharap sa mga suliraning ito—mula sa pagtukoy sa ugat ng problema, pagsasaaalang-alang ng mga tao at bagay na maaaring maapektohan ng desisyon, hanggang sa mga resultang maaring kahinatnan sa huli.

4. Sanayin ang mga anak sa pagpapakita ng magagandang asal.

Ang pagiging matulungin, magalang, at pagtanaw ng pasasalamat ay ilan lamang sa magagandang asal na dapat ituro sa anak. Ang laging pagpapaalala sa anak ng pagsasabi ng “salamat” at pag-aalok ng tulong kung kinakailangan ay dapat sanayin sa lahat ng oras.

5. Punahin ang mga negatibong pag-uugali

Habang pinupuri ang kabutihang asal ng anak, mangyari din na punahin naman ang mga negatibong pag-uugali. Huwag hayaang masanay ang anak sa mga negatibong asal gaya ng pagiging madamot, tamad, at pagiging galit sa mga simpleng bagay sa pamamagitan ng tamang pagdidisiplina. Kausapin ng mahinahon ang anak at ipaliwanag nang husto kung saan may mali.

6. Ipakita sa anak ang mas malawak na pananaw sa buhay

Ang pagpapahalaga ng anak sa kanyang pamilya ay maaaring palawakin kung ituturo ng magulang sa anak ang iba pang aspeto sa buhay. Mas lalawak ang pananaw ng bata sa buhay kung sa maagang edad pa lamang ay ituturo na ang pagpapahalaga sa kultura, pamayanan, at kaganapan sa sa kanyang kapaligiran.

Mga Unang Senyales ng Pagbubuntis

Kung ang isang babae ay nagdududa na siya ay maaaring buntis, ang pinakamadaling paraan para ito ay makumpirma ay ang paggamit ng pregnancy test. Ngunit bago pa man makumpirma ng pregnancy test ang pagbubuntis, huwag kaligtaan na mayroon ding mga paunang senyales na mararanasan ang mga kababaihan sa kanilang pagbubuntis. Kung bibigyang pansin lamang ang mga senyales na ito, maaaring agad nang matiyak ang pagbubuntis.

buntis

1. Paglambot at pananakit ng suso

Isa sa mga pangunahing senyales ng pagbubuntis na mararanasan ng babae ay ang kakaibang pakiramdam sa kanyang suso. Ang suso ay parang lumalaki, mas malambot, at sumasakit. May pakiramdam din na parang bumibikat at mas siksik ang mga suso, at ang mga utong ay lumalaki din at mas umiitim.

Ang pagbabago sa suso ay konektado sa pagtaas ng lebel ng progesterone sa katawan ng babae sa kanyang pagbubuntis.

2. Madaling pagkapagod

Dahil sa pa rin sa mataas na lebel ng progesterone sa katawan, mas madaling napapagod ang nagbubuntis na babae. Madalas niyang naisin ang pagtulog nang mahabang oras.

3. Madaling pagkainis

Ang babaeng nagbubuntis ay madali ring mainis kahit sa mga simpleng bagay lang. Maging ang emosyon ng isang babae ay apektado pa rin kasi ng mga hormones sa katawan dulot ng pagbubuntis.

4. Madalas na pagkahilo

Ang madalas na pagkahilo ng nagbubuntis ay maaaring konektado sa hormones o kaya sa mababang presyon ng dugo na madalas maranasan ng buntis. Dapat pa ring ipahinga ang ganitong kondisyon at ikunsulta sa OB kung napapadalas ang pagkahilo.

5. Pagsusuka

Ang pagsusuka, bagaman mas madalas sa huling tatlong buwan ng pagbubuntis, ay maaari ding maranasan sa mga unang buwan ng pagbubuntis. Upang maiwasan ito, kinakailangan ang madalas na pag-inom ng tubig, at madalas ngunit kakaunting pagkain ng pagkaing mayaman sa protina.

6. Pagiging sensitibo sa mga pagkain

Sa pagbubuntis, mas nagiging matalas ang pang-amoy, kaya naman nagiging sensitibo sa mga pagkain. Bukod pa rito, maaaring magbago din ang panlasa ng buntis. Ito dahilan kung bakit nagiging mapili sa pagkain ang buntis.

7. Madalas na pag-ihi

Sa pagbubuntis din, mas tumataas ang produksyon ng ihi. Bukod pa rito, madalas ding maipit ang pantog ng mas malaking matres ng buntis. Dahil sa mga ito, di hamak na mas madalas ang pag-ihi na nararanasan ng buntis.

8. Pananakit ng puson

Ang pananakit ng puson o cramps ay maaaring maranasan sa unang 2 linggo ng pagbubuntis. Dahil ito sa pagkapit ng na-fertilize na itlog ng babae sa matres.

9. Spotting

Maaari makaranas ng spotting o patak-patak na dugo sa pagbubuntis, at ito ay normal lamang. Ang unang pagkakataon ay maaaring maranasan din kapag kumapit ang itlog ng babae sa matres.

10. Hindi dinatnan

Ang hindi pagdating ng buwanang dalaw o regla sa babae ay isang malaking senyales ng pagbubuntis. Kadalasan, ito ang pinaka unang napapansin at dahilan upang suriin ang sarili gamit ang pregnancy test. Ang paglaki ng bata sa sinapupunan ang dahilan kung bakit natitigil ang pagreregla sa loob ng siyam na buwan.

 

Nutrisyon ni Baby: Mga pagkain na mabuti para sa bagong silang na sanggol

Ang pagiging malusog at masigla ng bawat indibidwal ay nakasalalay sa mga pagkaing kinakain niya sa araw-araw. Sa pagkain kasi nagmumula ang nutrisyong kinakailangan ng katawan upang gumana nang maayos, manatiling malakas, at malayo sa sakit. Mula sa pagiging sanggol hanggang sa pagtanda, ang pangangailangan sa mahahalagang nutrisyon ay hindi nawawala, bagaman ito ay nag-iiba-iba depende sa antas ng buhay ng tao. Halimbawa, ang mga lumalaking bata ay nangangailangan ng mas maraming protina at calcium para matulungan ang kanilang lumalagong kalamnan at mga buto; ang mga matatanda naman na karaniwang humihina na ang mga buto ay may mataas naman na pangangailangan sa calcium upang maiwasan ang pagrupok ng mga buto.

Sa kabilang banda, ang mga bagong silang na sanggol ay may sarili ring pangangailangan na dapat matugunan ng kanilang mga magulang. Alamin sa Kalusugan.PH ang mga nutrisyon na tutugon sa pangangailangan ng mga sanggol sa kanilang paglaki at pagpapatibay ng kanilang resistensya.

sanggol

Ano ang mga sustansyang kinakailangan ng sanggol?

Ang nutrisyon na kinakailangan ng mga sanggol ay nakasentro sa kanyang paglaki, pagpapalakas ng resistensya, pagpapatibay ng mga buto, at pagkakaroon ng sapat na enerhiya.

  • Carbohydrates. Ito ang pangunahing pinagmumulan ng enerhiya na kailangan ng bata sa pagkilos sa bawat araw.
  • Protina. Ito naman ang tumutulong sa paglago ng mga kalamnan ng mga lumalaking sanggol;
  • Fiber. Ito ang tumutulong sa maayos na pagdaloy ng mga pagkain sa tiyan at bituka;
  • Lipids. Ito ay tumutulong sa mas maayos na pagsipsip ng ilang mga mahahalagang bitamina sa katawan.
  • Vitamin D. Upang mas maging matibay ang mga malalambot na buto ng sanggol.
  • Vitamin A. Mas malinaw na mata ang hatid ng bitaminang ito sa sanggol.
  • Vitamin C. Mahalaga ang vitamin c sa pagmementena ng mga connective tissue ng malalambot na katawan ng bata.
  • Vitamin B. Ang pagbuo ng mga bagong cells at tissue sa katawan ay tinutulungan ng vitamin B.
  • Calcium. Ito ang mineral na kinakailangan ng mga buto upang maging matibay.
  • Iron. Mahalaga ang iron sa mas maayos na pagdaloy ng dugo sa katawan ng bata.
  • Fluoride. Lalong mahalaga ang fluoride sa oras na magsimulang tumubo ang mga ngipin ng sanggol.
  • Tubig. Ang maayos na pagsipsip ng karamihan sa mga sustansyang kailangan ng katawan ay natutulungan ng tubig.

Paano ang tamang pagpapakain sa mga bagong silang na sanggol?

Ang nutrisyon ng sanggol sa unang 6 na buwan karaniwang nakukuha sa gatas ng ina. Kaya naman talagang napakahalaga ang pagpapasuso o breast feeding. Bukod sa mga sustansya at mineral na makukuha gatas ng ina, puno din ito ng mahalagang resistensya na lalaban maraming mga sakit. Matapos ang unang anim na buwan, saka pa lamang maaaring bigyan ng ibang pagkain ang sanggol. Narito ang tamang paraaan ng pagpapakain sa mga sanggol:

  • Ituloy pa rin ang pagpapasuso sa sanggol mula pagsilang hanggang umabot pa sa 2 taon ang bata.
  • Bigyan lamang ng pagkain ang sanggol kung kinakailangan. Huwag pupwersahing pakainin ang sanggol upang maiwasan ang pagsusuka.
  • Panatilihing malinis ang mga kagamitang ginagamit sa preparasyon ng pagkain.
  • Simulang pakainin ang sanggol pagsapit ng ika-6 na buwan. Simulan sa kakaunting pagkain lamang, at dagdagan kasabay ng pagtanda ng bata.
  • Pakainin ng 2-3 beses sa isang araw ang mga sanggol na 6-8 buwan, at 3-4 na beses naman sa mga batang 9-23 buwan.
  • Kung hindi sapat ang pagpapakain, tiyaking binibigyan formula milk na siksik sa mga nutrisyon na kailangan ng sanggol.
  • Kung may karamdaman ang sanggol, dagdagan ang pagpapainom ng tubig o pagpapasuso. Palitan din muna ng malalambot na pagkain ang kinakain.

Ano ang mga pagkain na maaaring ibigay sa baby?

Ang mga pagkaing maaaring ibigay sa mga sanggol ay kailangang siksik sa mga sustansya na kailangan niya sa kanyang paglaki. Ito rin ay naiiba-iba kasabay ng pagtanda ng bata.

Unang 6 na buwan.

Inirerekomenda ng mga eksperto ang pagpapasuso lamang sa mga sanggol sa unang 6 na buwan. Bukod sa mga sustansya at mineral na kailangan ng sanggol, ang gatas ng ina ay mayaman din sa mga resistensyang lalaban sa mga sakit.

Ika-6 na buwan

Maaring bigyan ng mga pagkaing mayaman sa fiber ang sanggol sa pagpasok niya sa ika-6 na buwan. Maaring bigyan ng cereal na tinunaw sa gatas o tubig.

Ika-7 hanggang 8 buwan

Ang sanggol na nasa ika-7 hanggang 8 buwan ay maaari nang simulang pakainin ng mga dinurog na prutas (mansanans, saging, abukado), gulay (karot, patatas, kalabasa), at maliliit na piraso ng karne ng manok o isda ang sanggol.  Tiyakin lamang na malinis at sariwa ang mga pagkain.

Ika-8 hanggang 10 buwan

Maaari nang bigyan ng mga prutas at gulay ang sanggol na nasa ganitong buwan. Hindi na rin kailangang durugin pa. Dapat lamang tiyakin na ang mga prutas at gulay ay malambot at kaya  niyang mangunguya. Maari ding bigyan ng pula ng itlog, keso, malambot na pasta, at cerial.

Ika-10 hanggang 12 buwan

Sa pagsapit ng ika-10 hanggang sa unang taon ng sanggol, maaari nang pakainin ng karamihan sa mga pagkaing kinakain natin basta’t kaya niya itong manguya. Iwasan lamang ang mga maliliit at matitigas na butil maaaring makabilaok sa sanggol.

Tamang pangangalaga sa batang may lagnat

lagnatMarahil isa sa mga nakakapagpaalala nang husto sa mga magulang ay ang pagkakaroon ng lagnat ng kanilang mga anak. Ang makita ang anak na nahihirapan at nanghihina dahil sa lagnat ay masakit para sa nagmamahal na magulang. Ngunit bago mag-panic at isugod sa ospital ang anak dahil sa simpleng lagnat, dapat alalahanin na ang sakit na ito ay pangkaraniwan lamang at madali namang malunasan.

 

Bakit nagkakaroon ng lagnat?

Ang lagnat ay isang paraan ng katawan upang depensahan ang sarili mula sa impeksyon ng mga mikrobyo. Ang pagtaas ng temperatura ng katawan ay normal lamang na nagaganap upang mapatay ang mga bacteria at iba pang mga hindi kanaisnais na mikrobyo na nakapasok sa katawan. Walang dapat ikabahala ng husto sapagkat ito ay normal na proseso lamang na kadalasang nawawala din naman nang kusa pagkalipas ng 72 oras. Basahin kung paano  makakaiwas sa iba’t ibang uri ng impeksyon na siyang sanhi ng pagkakaroon ng lagnat: Pag-iwas sa impeksyon.

Ano ang mga sintomas ng lagnat?

Ang pagkakaroon ng lagnat ay kadalasang nagdudulot ng ilang mga sintomas gaya ng sumusunod:

  • Temperatura na mas mataas kesa sa normal. Ang normal na temperatura ay 37°C.
  • Mabigat na pakiramdam
  • Pagkahilo
  • Pagsusuka
  • Pagkawala ng gana sa pagkain

Kailan dapat lumapit sa doktor upang magpatingin?

Bagaman ang lagnat ay pangkaraniwan lamang at kadalasang gumagaling naman nang kusa, may mga pagkakataon na maaaring kailanganin nang lumapit sa doktor upang ipatingin ang kondisyon.

  • Pabalik-balik na lagnat
  • Sobrang taas na temperatura, na humihigit sa 40°C.
  • Pagkakaranas ng pagkokombulsyon.
  • Pagkakaranas ng iba pang sintomas gaya ng pagtatae, pagdurugo, matinding pananakit ng ulo at mga kasukasuan.

Ano ang dapat gawin kung may lagnat ang bata?

Ang mga sumusunod na hakbang ay makatutulog upang mapangalagaan at mabilis na mapababa ang lagnat:

1. Pagpapainom ng paracetamol. Regular na painumin ng paracetamol ang bata hanggat mataas pa rin ang lagnat. Ang gamot na ito ay makatutulong upang mapababa ang mataas na temperatura. Siguraduhin ding tama ang paraan ng pag-inom ng gamot. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa gamot na paracetamol: Gamot: Paracetamol.

2. Paglalagay ng basang tuwalya (cold compress) sa noo. Makatutulong din ang paglalagay ng basang tuwalya sa noo ng batang may lagnat sa pamamagitan ng pagpapababa ng mataas na temperatura.

3. Painumin ng maraming tubig ang bata. Iwasang ma-dehydrate ang bata sa pamamagtian ng pagpapainom ng maraming tubig dito. Basahin ang kahalagahan pag-inom ng tubig: Kahalagahan ng pag-inom ng tubig.

4. Punasan ang buong katawan ng bata (spong bath). Upang mapanatiling malisin pa rin ang pangangatawan ng bata at mapreskohan ang katawan, mainam na punasan ang buong katawan ng bata gamit ang tuwalya na binasa ang maligamgam na tubig.

5. Panatilihing presko ang suot na damit ng bata. Huwag pasusuotin ng makapal na damit o babalutin ng makapal na kumot ang bata kahit pa may panginginig itong nararanasan. Mas mainam pa rin na ang suot ng bata ay manipis lang, presko at komportable.

Ano ang mga hindi dapat gawin kung may lagnat ang bata?

1. Iwasang painumin ng gamot na aspirin ang bata. Ang aspirin ay maaaring may hindi mabuting epekto sa kalusugan ng bata kung ipaiinom upang mapababa ang lagnat. Ang paracetamol ang mas mainam na gamot para sa mga bata.

2. Huwag paiinumin ng iba’t ibang gamot para sa ibang karamdaman. Hanggat hindi pinapayo ng doktor, huwag basta-basta magbibigay ng gamot na para sa trangkaso, sipon, o ubo.

3. Iwasan pagpapaligo ng malamig na tubig o pagpupunas ng alcohol. Maaari lamang lumala ang kondisyon ng lagnat ng bata kung gagawin ang mga nabanggit.

4. Huwag magpapalit-palit ng pinaiinom na gamot. Hanggat hindi rin pinapayo ng doktor ang pagpapalit ng iniinom na gamot, iwasang palitan ang rekomendadong iniinom na gamot.

5. Iwasang balutin ng makapal na kumot ang bata. Mas mahalaga na mapanatiling komportable ang pakiramdam ng bata.

Adolescence Period: Panahon ng pagbabago sa pagkatao

Ang panahon ng adolescence ay isang bahagi sa buhay ng tao kung kailan nagaganap ang pinakamalaki at pinakamabilis na mga pagbabago sa maraming aspeto ng pagkatao. Ang mga pagbabagong ito ay napakahalaga at tiyak na makaaapekto sa buhay ng isang indibidwal at sa pakikitungo niya sa lipunan na kanyang ginagalawan. Sa panahong ito din pinakamabilis na nahuhubog ang personalidad, mga kakayanan at kaalaman, at pag-angkop sa mga kaganapang emosyonal.

Kailan nagaganap ang mabilis na pagbabago ng pagkatao?

Walang ispesipikong panahon na maiuugnay kung kailan magaganap ang mabilis na pagbabago sa pagkatao ng bawat indibidwal. Ang panahon ng mga pagbabagong pisikal, emosyonal, sekswal, at sa iba pang apeto ay naiiba-iba sa bawat tao. Ang edad ay isa lamang sa maaaring pagbasehan ng pagsisimula ng mga pagbabago sapagkat ang kultura ng isang lipunan na kinabibilangan at ang pakikisalamuha sa iba pang indibidwal ay mga salik din sa pagtupad ng mga pagbabago sa pagkatao.

Ano ang mga pagbabagong pisikal na nagaganap sa panahong ito?

Isa sa mahahalagang pagbabago na nagaganap sa adolescence period ay ang pagbabago sa hubog ng pangangatawan ng isang indibidwal mula sa pagiging bata patungo sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga. Ang mga panahong ito na tinatawag din na puberty stage ay binubuo ng mga sumusunod na pagbabagong pisikal:

  • Pagtubo ng mga buhok sa ilang bahagi ng katawan gaya ng kilikili, mukha na partikular sa mga kalalakihan, at sa maseselang bahagi ng katawan sa parehong kasarian.
  • Mabilis na pagtangkad
  • Paglapad ng balikat sa mga kalalakihan, at balakang sa mga kababaihan.
  • Paglalim ng boses ng mga kalalakihan
  • Paglaki ng dibdib ng mga kababaihan
  • Pagsisimula ng menstrual cycle o buwanang dalaw sa mga kababaihan

Ang mga pagbabagong ito ay dulot ng pagtaas ng mga lebel ng hormones: testoserone sa mga lalaki, at estrogen sa mga babae.

Ano naman ang mga pagbabago sa mentalidad ng bawat indibidwal sa panahong ito?

Malaki rin ang pagbabago sa kaisipan ng bawat isa sa panahong ito na maiuugnay din sa pagbabago sa lebel ng hormones sa katawan. Dahil dito, maaaring magbago ang kakayanan ng isang tao sa pagdedesisyon, pagpaplano sa buhay, emosyon sa bawat kaganapan sa buhay, at mga bagay na ikaliligaya. Sa madaling salita, maaaring magkaroon ng mga pagbabago sa personalidad ng isang tao sa panahong ito.

Pagbabago sa pakikisalamuha (social), at paraan ng pag-iisip (psychological)

Ang pagbabago sa lebel ng hormones at mentalidad ng isang tao ay maaaring makaapekto rin sa mga pagbabago sa pakikisalamuha at paraan ng pag-iisip ng isang tao. Nagbabago ang kakayanan ng isang tao na matuto ng mga bagong kaalaman at kakayanan, gayundin ang pagbibigay ng rason, lohika, at maging pananaw sa buhay. Ang impluwansya ng kultura at lipunan ay mahalagang salik din sa pagbabagong ito.

 

 

 

Kaalaman tungkol sa pagkalaglag ng ipinagbubuntis (miscarriage)

Ang pagkalaglag ay tumutukoy sa hindi pagtuloy ng pagbubuntis ng isang ina kung saan ang pagbubuntis ay umaabot lamang ng hanggang 20 na linggo (4 na buwan). Ang kondisyong ito ay maaaring maranasan dahil sa ilang mga dahilan na maaaring sinadiya (abortion) o hindi sadiya.

Ano ang mga sintomas ng pagkalaglag ng ipinagbubuntis?

Maaring dumanas ng mga sumusunod na sintomas at senyales ang inang nalaglagan ng dinadalang bata:

  • pagdurugo na maaring patak patak o umaagos.
  • pananakit ng tiyan (cramps)
  • lagnat
  • paglabas ng mga laman mula sa matres.

Ang nagbubuntis na dumanas ng mga nabanggit na sintomas ay kinakailangang magpatingin kaagad sa doktor o obstetrician. Ang ganitong kondisyon ay maituturing na medical emergency na nangangailangan ng agarang atensyong medikal.

Ano ang mga maaaring dahilan ng pagkalaglag?

Maraming dahilan ang maaaring ituro sa pagkalaglag ng dinadalang bata. Kung ito ay naganap sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis, ang kadalasang tinuturong dahilan ng pagkalaglag ay abnormalidad sa pagkakabuo ng bata (chromosomal abnormality). Ang pagkalaglag dulot ng ganitong kondisyon ay nagkakataon lamang at walang kaugnayan sa kalusugan ng parehong magulang.

Ang mga karaniwang dahilan naman ng pagkalaglag ay ang sumusunod:

  • impeksyon sa katawan
  • pagkakalantad sa mga nakasasamang elemento gaya ng radiation at lason.
  • problema sa hormones
  • abnormalidad sa matres
  • ‘di inaasahang pagbuka ng kuwelyo ng matres (cervical abnormalites)
  • paninigarily, pag-inom ng alak o paggamit ng ipinagbabawal na gamot
  • abnormalidad sa immune system ng katawan
  • malalang sakit sa bato
  • sakit sa puso
  • malalang kondisyon ng diabetes
  • problema sa thyroid
  • mga iniinom na gamot
  • malalang kondisyon ng malnutrisyon

Ang posibilidad ng pagkalaglag ng ipinagbubuntis ay tumataas kasabay ng edad. Ang mga babaeng nasa edad na 20s ay may tsana na malaglagan nang 12% hanggang 15%, habang ang mga babaeng nasa edad na 40s ay may tsansang malaglagan nang 25%.

Paano paggagamot pagkatapos ng pagkalaglag?

Agad na tinutukoy sa ospital kung talagang ang dinadalang bata ay nalaglag. Kinukumpirma ito sa pamamagitan ng ultra sound. Kung natukoy na nga ang pagkalaglag ng bata, maaaring raspahin (D&C) ang matres upang maalis ang laman nito. Kung hindi ninanais ang pagraraspa, maaari ding painumin ng gamot upang maalis ang laman ng bahay-bata. Pagkatapos nito’y kakailanganin na lamang ang pagpapahinga upang manumbalik ang lakas.

Maaari pa bang magbuntis pagkatapos malaglagan?

Maaari pa ring magbuntis ang babaeng nakaranas na ng pagkalaglag. Halos 85% ng mga kababaihang dumanas na ng pagkalaglag ng ipinagbubuntis ang nagkaroon pa rin ng pagkakataon na magbuntis at manganak pa rin nang normal. Walang kaugnayan ang pagkalaglag ng ipinagbubuntis sa kakayahan ng babae na magbuntis. Gayunpaman, ang babae na dumanas ng dalawang magkasunod na pagkalaglag ay maaaring mangahulugan na kakaibang sakit kung kaya’t mas makabubuting huwag na lamang magbuntis sa tulong ng mga birth control methods.

Kailan maaaring magbuntis muli pagkatapos ng pagkalaglag?

Makatutulong ang tuloy-tuloy na konsultasyon sa obstetrician matapos ang pagkalaglag ng ipinagbubuntis upang mabantayan kung kailan muli maaaring magbuntis. Ngunit kadalasan, kinakailangan munang palipasin ang 3 ikot ng buwanang dalaw (menstrual cycle) bago pa muling subukang magbuntis.

Paano maiiwasan ang pagkalaglag?

Ang pagkalaglag ng ipinagbubuntis ay kadalsang hindi maiiwasan o mapipigilan lalo na kung ang dahilan ay abnormalidad sa pagbubuntis. Nunit ang ibang mga dahilan na maaaring makasama sa pagbubuntis gaya ng pag-inom ng mga gamot, paggamit ng sigarilyo at alak, at iba pa, ay maaari namang maiwasan.

Mga Kaalaman Tungkol sa Raspa (Dilation & Curettage)

Ano ang raspa at para saaan ito?

Ang raspa, o dilation and curettage (D&C), ay isang pamamaraan na isinasagawa upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman mula sa loob ng matres. Isinasagawa ito ng mga doktor upang matukoy at magamot ang ilang kondisyon sa matres, gaya ng sobrang pagdudrugo, o kaya naman ay malinis ang loob ng matres pagkatapos malaglag ng ipinagbubuntis. Ginagamitan ito ng instrumentong bakal na kung tawagin ay curette na maaaring may talim sa dulo o panghigop (suction).

raspa

Kanino at kailan isinasagawa ang raspa?

Ang pagraraspa ay maaaring isagawa sa sinumang kababaihan na dumadanas ng kondisyon sa kanyang matres. Maaaring irekomenda ng doktor ang pagpaparaspa kung mayroong abnormal na pagdurugo sa matres, kung dumadanas ng pagdurugo kahit lumipas na ang menopause, o kung natukoy ang pagkakaroon ng mga bukol na maaaring may kaugnayan sa cervical cancer. Isinasagawa din ang pagraraspa upang alisin ang mga natirang laman sa loob ng matres matapos ang pagkakalaglag ng ipinagbubuntis at maiwasan ang impeksyon at patuloy na pagdurugo.

Paano isinasagawa ang raspa?

Ang pagraraspa ay isinasagawa sa ospital o klinika sa rekomendasyon ng isang doktor. Ang proseso ay mabilis lamang na karaniwang tumatagal lamang 15 hanggang 30 minuto. Ang pasyente ay maaring bigyan ng general anesthesia kung saan makakatulog habang isinasagawa ang pagraraspa, o kaya ay spinal anesthesia kung saan kalahati lamang ng katawan ang mamamanhid. Ipinapasok ang instrumentong curette sa loob ng matres upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman. Ang laman na nakuha ay pag-aaralan naman sa laboratoryo. Matapos isagawa ang pagraraspa, maaring dalhin muna sa recovery room ang pasyente habang hinihintay ang resulta.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng raspa?

Ang resulta ng raspa ay depende sa kaso o paghihinala ng mga doktor. Maaaring isagawa ito nang agaran at makuha na ang resulta sa mismong araw na isinagawa ang operasyon, o kaya ay magtagal pa ito nang hanggang 3 araw.

Ano ang mga sakit na ginagamitan ng raspa para matukoy?

Sa tulong ng raspa, maaaring matukoy ang ilang kondisyon sa matres gaya ng kanser, pagtubo ng mga polyps, at pangangapal ng mga gilid ng matres. Sa tulong din nito, maaaring maiwasan ang impeksyon at patuloy na pagdurugo pagkatapos malaglag ng ipinagbubuntis.

May epekto ba sa katawan ang raspa?

May ilang epekto na karaniwang nararanasan matapos mawalan ng bisa ang anestisya. Maaaring dumanas ng pananakit sa bahagi ng matres (cramping), o kaya ay dumanas ng patak patak na dugo (spotting). Ang mga epektong ito ay hindi naman seryoso at hindi dapat ikabahala. Ang mga komplikasyon, bagaman bibihira lamang mangyari ay posible pa rin. Ang mga posibleng komplikasyon ng operasyon ay patuloy na pagdurugo, lagnat, umiigting na pananakit, at mabahong pagtulo sa puwerta. Agad na magpatingin sa doktor kung dumanas ng komplikasyon.

Kaalaman sa Tuli o Circumcision

Ang tuli o circumcision ay isang uri ng operasyon na isinsasagawa sa mga kalalakihan kung saan ang balat na bumabalot sa dulo ng ari ay tinatanggal. Ito ay karaniwang isinasagawa sa maraming lugar sa buong mundo kabilang na ang Pilipinas. Maaari itong isagawa sa mga bagong silang na sanggol ngunit pinakamadalas ay sa mga kabataang nasa edad 9-13 bilang tanda ng kanilang pagbibinata.

circumcision

Bakit isinasagawa ang pagtutuli?

Ang pagtutuli ay matagal nang tradisyon na nag-ugat pa sa kultura ng mga Hudyo at Muslim, pati na ang ilang mga katutubong tribo sa Africa at Australia. Maaaring ito rin ay tradisyong pinapasa ng bawat pamilya sa bawat henerasyon, o kaya ay nagsisilbing ring paraan ng pagpapanatili ng pansariling kalinisan (personal hygiene). Bukod pa rito, maaari din itong kailanganing talaga para sa ilang kondisyong medikal.

Ano ang mga benepisyo ng pagpapatuli?

Ang pagpapatuli ay may ilang mga benepisyo na maaaring idulot sa lalo na sa kalusugan ng mga lalaki gaya ng mga sumsunod:

  • Pansariling kalinisan (Personal Hygiene). Mas madaling linisin ang ari ng mga lalaki kung sila’y magpapatuli lalo na ang bahagi na dating natatakpan ng balat..
  • Mas maliit na posibilidad ng pagkakaroon ng impeksyon sa daluyan ng pag-ihi (UTI). Ang pagkakaranas ng impeksyon sa daluyan ng ihi ay mas mababa sa mga kalalakihang nagpatuli.
  • Mas maliit na posibilidad ng pagkakahawa sa mga Sexually Transmitted Disease. Napatunayan ng ilang mga pag-aaral na mas mababa ang panganib ng pagkakahawa sa mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik sa mga kalalakihang nagpatuli.
  • Pag-iwas sa mga problema sa ari ng lalaki. May ilang pagkakataan na ang balat na nakabalot sa dulo ng ari ng lalaki ay mahirap ibuka o iurong upang mapalabas ang ulo ng ari. Ang ganitong kondisyon ay maaaring magtulot ng pamamaga sa ari ng lalaki na sadiyang nakakabahala. Mas mapapababa din ang posibilidad ng kanser sa ari ng lalaki kung siya ay magpapatuli.

Nakaaapekto ba ang pagpapatuli sa kakayahan ng lalaki na makabuntis?

Bagaman may mga benepisyo ang pagpapatuli, ito’y hindi naman talaga kailangan lalo na kung normal naman na nabubuka ang balat. Hindi rin totoong makaaapekto ito sa kakayanan ng mga lalaki na makabuntis. Wala rin itong koneksyon sa abilidad ng lalaki sa pakikipagtalik sa kanyang kapareha.

Ano ang mga maaaring panganib na dulot ng pagpapatuli?

Ang pangunahing problema na maaaring maidulot ng pagpapatuli ang ang pagkakaroon ng impeksyon o malalang sugat. Ito ay partikular sa mga sumasailalim sa tradisyonal na pamamaraan ng pagpapatuli. Halimbawa sa Pilipinas, ang tradisyonal na paraan ay ang de-pukpok na pagtutuli na kadalasang isinasagawa sa mga tabing-ilog ng matanda sa isang lugar. Hindi ito rekomendado ng ahensyang pangkalusugan ng Pilipinas, ang DOH, sapagkat maaari nga itong humantong sa impeksyon o kung mas malala pa ay tetano.

Saan maaaring magpatuli ang mga kabataang lalaki?

Ang pagpapatuli ay maaaring isagawa saan mang ospital sa bansa sa buong taon. Ngunit taon-taon, lalo na sa buwan ng Abril at Mayo, maraming programa ang pamahalaan at iba pang mga pribadong sektor na nagbibigay ng libreng tuli. Ang nasasagawa nito ay kadalasang mga doktor, mga nag-aaral pa lamang ng medisina, at mga nurse.

 

 

Kahalagahan ng Newborn Screening

Ang newborn screening ay isang simple ngunit mahalagang pamamaraan na isinasagawa sa mga bagong silang na sanggol upang makita kung mayroong sakit o anumang kondisyon na kinakailangang gamutin. Sa tulong nito, maaring maagapan ang ilang mga sakit na nakukuha sa kapanganakan at maging ang kamatayan sa mga bagong silang na sanggol (neonatal death) na isa sa sampung pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa.

Layunin ng pamamaraang ito na mabigyan ng normal na pamumuhay ang lahat ng bagong silang na sanggol at matiyak na maaabot ang kabuuang potensyal ng bata.

newborn screening

Paano isinasagawa ng Newborn Screening?

Sa tulong ng newborn screening na isinasagawa sa mga ospital at mga lugar panganakan, maaaring matukoy ang sakit at agad itong malunasan. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng sumusunod na hakbang:

1. Ang screening sa bagong silang na sanggol ay isinasagawa sa loob ng 48 na oras mula nang mainanganak ang bata, o kaya ay sa loob ng 24 oras ngunit hindi sa pagkalipas ng 3 araw. Kung ang sanggol ay itinalaga sa Intensive Care Unit ng ospital, maaaring hindi agad suriin at palipasin ang 3 araw, ngunit dapat pa ring isailalim sa screening sa pag-apak nito sa edad na 7 araw.

2. Tintutusok ang sakong ng bata at dito’y kumukuha ng ilang patak ng dugo.

3. Ang nakuhang dugo ay inilalagay sa isang espesyal na uri ng card at pinapatuyo nang apat na oras.

4. Ang newborn screening ay maaaring isagawa ng nurse, doctor, komadrona, o medical technologist sa ospital o lugar panganakan.

5. Kung sakaling magpositibo sa anumang kondisyon ang inisyal na screening, maaaring ipasa ang kaso sa mga doktor upang agad na mabigyan ng lunas.

 

Pag-inom ng Cortal bilang contraceptive at pampalaglag, totoo nga ba?

Dahil pa rin sa kakulangan ng sapat at wastong kaalaman tungkol sa pakikipagtalik at pagbubuntis, marami pa rin ang may maling kaisipan tungkol sa proseso ng pagkakabuo ng bata sa sinapupunan. Dagdag pa rito ang napapadalas na kaso ng unplanned pregnancy na minsan ay humahantong sa pagpapalaglag ng bata o aborsyon. Ito ay pinakamadalas sa mga kabataang mapupusok ngunit hindi pa talaga handang pangatawanan ang responsibilidad ng pagiging magulang. Madalas din ito sa mga biktima ng pangmomolestiya at rape, gayun din ang mga kababaihang nagtatrabaho bilang prostitute.

Kaakibat ng isyung ito ay ang mga luma at walang basehan na paniniwala ukol sa pag-iwas sa pagbubuntis (contraception) at pagpapalaglag ng bata sa sinapupunan. Halimbawa na lang ay ang paggamit ng gamot na Cortal bilang isang contraceptive o kaya’y pampalaglag ng bata.

Ayon sa popular na paniniwala, ang gamot na Cortal daw ay iniinom ng pagkatapos makipagtalik upang hindi daw mabuntis. Minsan pa, iniinom ito ng maramihan o kaya ay ipinapasok mismo ang gamot sa puwerta ng babae. Bukod pa rito, ginagamit din daw ito bilang pampalaglag at sinasabayan pa ng pag-inom ng coke. Totoo nga ba ang mga paniniwalang ito? Ating alamin.

Ano ang Cortal?

Ang Cortal ay isang brand name ng apirin, isang gamot na mabisa para sa mga pananakit na nararanasan sa katawan na dulot ng pamamaga. Ito ay madalas inirereseta para sa mga pananakit ng mga kalamnan, at pananakit ng dibdib dahil sa karamdaman sa puso. Pinapanipis ng gamot na ito ang dugo at pinipigilan ang pamumuo ng dugo (blood clotting).

Epektibo ba ang Cortal bilang contraceptive?

Dahil ang gamot na Cortal ay mura at madaling nabibili sa mga butika, ginagamit ito ng ilan bilang contraceptive. Iniinom ito pagkatapos ng pagtatalik o kaya naman ay pinapasok sa mismong puwerta ng babae. Ngunit ito ay walang basehan at hindi maaasahan. Ang paggamit nito ay hindi pinapayo ng mga doktor sapagkat ang maling paggamit ng Cortal ay maaaring magdulot ng ilang epekto sa katawan.

Ano ang epekto ng Cortal sa nagbubuntis?

Ang pag-inom ng aspirin sa mga nagbubuntis ay isang delikadong hakbang para sa bata sa sinapupunan. Ito ay maaaring magdulot ng pagdurugo sa batang ipinagbubuntis na kapag nagpatuloy ay maaaring mauwi sa pagkalaglag ng bata. Ito ang dahilan kung bakit madalas itong ginagamit ng ilan bilang pampalaglag. Ngunit dahil ang gamot na ito ay hindi talaga pampalaglag ng bata, wala ring garantiya na agad na malalaglag ang bata sa pag-inom lamang ng Cortal.

May side effects ba ang pag-inom ng Cortal?

Sa pagnanais na malaglag ang bata o mapigilan ang pagbubuntis, ang ilang babae ay umiinom ng sobrang gamot na Cortal. Tandaan na ang pag-inom ng sobrang gamot ay maaaring humantong sa pagka-overdose na tiyak namang may hindi mabuting epekto sa katawan. Ang sobrang pag-inom ng gamot na Cortal ay maaaring magdulot ng ilang side effects na gaya ng pagkahilo, pangangasim ng tiyan, pananakit ng ulo, pagiging antukin, pagkalito, pagkokombulsyon, matinding pagsusuka, pagliliyo, pagdurugo sa dumi, sa suka, o sa ubo, at hindi nawawalang lagnat na humihigit ng 3 araw.