Mga kaalaman tungkol sa Zika virus

brazil-zika-birth-defects_b887e1f6-b446-11e5-9860-1d91036943d1Isang virus na kumakalat sa North at South America ang Zika virus. Ito’y kinakabahala ng mga awtoriddad sapagkat ito’y naiugnay sa mga komplikasyon sa pagbubuntis gaya ng microcephaly o pagiging maliit ng ulo ng sanggol na bagong panganak.

Heto ang mga mahalagang kaalaman tungkol sa virus na ito:

Ano ang Zika Virus disease (Zika)?

Ang Zika ay isang sakit na dulot ng Zika virus, isang virus na hatid ng isang uri ng lamok (Aedes).

Ano ang mga sintomas ng Zika?

Ang mga sintomas ng Zika ay lagnat, rashes, pananakit ng kasukasuan, at pamumula ng mata na parang sore eyes. Ang mga sintomas na ito ay karaniwang tumatagal ng ilang araw hanggang isang linggo.

Mahalagang tandaan na ang mga sintomas ng Zika ay kagaya rin ng ibang mga virus na dala ng lamok gaya ng dengue, at maaari rin itong mapagkalamang trangkaso.

Isa pa, maliit na porsyento lamang ng mga tao na na-impeksyon ng virus ang magkakaron ng mga sintomas; maaaring magkaron ng Zika virus ng hindi nalalaman.

Paano nahahawa o nakukuha ang Zika virus?

Gaya ng dengue, ito’y nakukuha sa kagat ng lamok na may taglay na Zika virus. Ang mga sintomas ay kadalasang lumalabas pagkatapos ng 2 hanggang 7 mula sa pagkakakagat ng lamok. Maaari ring mahawa ng isang buntis ang kanyang dinadalang sanggol.

Anong mga bansa o lugar ang may Zika virus?

Ayon sa CDC ng Estadios Unidos, ang Zika ay matatagpuan sa mga bansa sa South America gaya ng Brazil, Bolivia, Cape Verde, Columbia, Paraguay, Venezuela, at iba pa.

Paano makakaiwas sa Zika virus?

Kung nakatira ka o magbabyahe ka sa ibang bansa, alamin kung may Zika virus sa bansang ito at kung saan ito matatagpuan. Iwasan ang mga lugar na ito, o kung kailangan mong talagang magpunta, gumamit ng insect repellant para makaiwas sa mga lamok.

Airsickness: Nagkakasakit tuwing sumasakay ng eroplano

Q: Hi doc.isa po akong seaman.kasalukuyan, dito po ako ngayun sa barko sa bansang jeddha.nais ko lng pong itanong na kng bakit po pag sumasakay nako sa airplane nakakaramdam ako ng parang maraming laman ng hangin ang sikmura ko, at minsan kng makakaiglip ako bigla lang akong magigising dahil parang kinakapos ako sa pag hinga, ano po ang sakit na meron ako sana po mabigyan nyo ng kasagutan ang dinaramdam ko.salamat po.

A: Maaaring ang iyong nararamdaman ay ang tinatawag na ‘airsickness’, isang uri ng motion sickness na nararanasan ng mga pasahero sa eroplano. Ito ay dahil sa pagkalito ng iyong utak sa iyong posisyon at paggalaw, dahil ang pagsakay sa eroplano ay isang kakaibang karanasan para sa utak ng tao.

Para makaiwas sa airsickness, ito ang ilan sa mga paraan na maaari mong gawin:

  • 1. Uminom ng gamot para sa motion sickness o pagkaliyo gaya ng Meclizine
  • 2. Pumili ng window seat, at tingnan ang lupa o mga ulap habang bumabyahe kung kava
  • 3. Iwasan ang pag-inom ng alak o anumang inuming may alcohol bago o habang nasa eroplano

Kung, sa kabila ng mga hakbang na ito ay patuloy mo paring nararanasan ang mga sintomas na iyong nabanggit, magpatingin na sa doktor para masuri ng maayos kung anong posibleng sanhi nito.

Mga kaalaman tungkol sa Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV)

Saan nagmula ang Middle East coronavirus o MERS?

Gaya ng SARS at bird flu noon, may panibagong virus na kumakalat sa mundo ngayon at may potensyal na lumaganap at maging sanhi ng pagkamatay. Ang virus na ito ay ang Middle East coronavirus o MERS, na pinaghihinalaang nagmula sa Gitang Silangan (Middle East) at ngayo’y may mga ilang kaso narin na naiulat sa ibang mga bansa gaya ng Italy, France, at England. Pinakamarami parin ang mga kasong mula sa bansang Saudi Arabia, na may higit sa kalhati ng mga kaso. Bagamat wala pa sa 100 ang lahat ng kaso ng MERS sa buong mundo, ang mga eksperto sa kalusugang pandaigdig na naaalarma sapagkat higit pa sa kalhati ng mga nakakakuha ng sakit na ito ay namamatay, at wala pang natutuklasang lunas dito.

Paano nahahawa ng Middle East coronavirus o MERS?

Ayon sa WHO, lahat ng kaso ng MERS-CoV ay naganap sa isang ospital o klinika, o di kaya dahil sa mga kapamilya o iba pang malapit na tao. Wala pang napag-alamang kaso na nakakuha ng sakit na ito ng wala sa ganitong konteksto. Subalit, hindi na natitiyak ang paraan ng pagkakahawa o mode of transmission.

Anong dapat gawin upang maka-iwas sa Middle East coronavirus o MERS?

Sa ngayon, wala pa namang mahalagang aksyon na dapat gawin ngunit dapat maging alerto sa mga panawagan ng inyong gobyerno patungkol sa virus na ito. Kung ikaw ay nagtatrabaho sa ospital, o kailangang magpunta sa opsital sa isang lugar kung saan may mga kompirmadong kaso ng Middle East coronavirus, sundin ang mga panukala ng mga ospital na ito, gaya ng pagsusuot ng mask, pag-iwas sa pagpunta sa ospital kung hindi naman kailangan, at iba pa.

Paano ko malalaman na ako ay may Middle East coronavirus?

Ang mga sintomas ng sakit na ito ay parang pulmonya at trangkaso: may ubo, sipon, lagnat, at maaari ring magkaron ng sakit ng tiyan, sakit ng ulo, pagtatae. Ang mga sintomas na ito ay maaaring sanhi ng napakaraming sakit at dahil dito, hindi mo basta basta malalaman na may ganito ka. Sa ngayon, napakaliit ng probabilidad. Subalit kung ikaw ay nagbyahe sa Middle East o alin man sa mga bansang may kompirmadong kaso, magpatingin kaagad sa doktor upang masuri ang iyong kalalagayan.

Ano-anong bansa ang may kompirmadong kaso ng MERS–CoV?

Ayon sa WHO, ang mga sumusunod ay may kompirmadong kaso ng MERS subalit ay mayoridad ay nasa Saudi Arabia: Jordan, Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates (UAE),France, Germany, Italy, Tunisia at United Kingdom (England).

Dapat ko bang ikansela o ipagpaliban ang plano kong magpunta sa Middle East?

Hindi naman. Dahil nga konting kaso pa lamang ang naiulat at mukhang hindi naman mabilis kumalat ang virus (limitado lamang sa mga kalapit na tao o sa ilang mga ospital) ay walang rekomendasyon na baguhin ang mga plano. Muli, sa ngayon, ang ating rekomendasyon ay maging alerto lamang sa mga balita tungkol sa virus na ito.

Safe na ba ako kung negative ang HIV test?

Q: nag pa hiv test ako after 10days ko maramdaman ung sintomas sa tingin nyo po sure na un na safe ako,,, dito po ako nag pa hiv sa uae kasi andito me now.

A: Una sa lahat, tingin ko maganda yung ginawa mo na nagpa-HIV testing. Ito ay mahalagang gawin lalo na kung may pangamba ka tungkol sa iyong HIV status.

Sa HIV testing, may tinatawag tayong ‘window period’ – ito ang pagitan mula sa araw na nakuha mo ang HIV (halimbawa, araw na nakipag-sex) at sa araw na kaya nang ma-detect ang HIV ng HIV testing. Kalimitan, ito ay tumatagal ng 3-6 na buwan. Kaya kung ikaw ay may ginawang high-risk activity gaya ng unprotected sex at hindi pa lumilipas ang 6 na buwan bago ka nagpa-HIV test, hindi tayo 100% na safe ka na.

Sa anumang oras, at anumang status mo, mahalagang iwasan ang pakikipagsex sa hindi kakilala, lalo na ang paggawa ng mga ‘high-risk’ na gawain gaya ng unprotected anal o vaginal sex o kaya pakikipagtalik sa lalaki o babae ng hindi gumagamit ng condom.

SARS-like virus: Bagong epidemiko?

Naiulat ng World Health Organization (WHO) na noong nakaraang buwan ay may natuklasang isang sakit na kapamilya ng SARS o Severe Acute Respiratory Syndrome, na siyang kumalat sa daigdig noong 2002 at 2003 at nagdulot ng mahigit sa walong libong kaso at mahigit 900 na pagkamatay. Ang bagong nadiskubreng virus ay tinaguriang “SARS-like virus” o kaya “Novel Coronavirus 2012”, dahil nga ang anyo nito ay parang SARS rin.

Kung ang SARS ay nagmula sa China at madaling kumalat sa ibang bansa, dahil narin sa bilis ng pagbyahe gamit ang eroplano, ang “SARS-like virus” ay unang nakita sa Saudi Arabia, kung saan dalawang tao ang kompirmadong apektado nito. Ang isa sa kanila ay namatay, at isa naman ay naging malala ang kondisyon.

Ang mga pinaka-karaniwang sintomas ng “SARS-like virus”, gaya ng SARS at iba pang uri ng flu o trangkaso, ay ubo, lagnat, at pagiging hirap huminga.

Bagamat dalawa lamang ang kompirmadong kaso nitong SARS-like virus, ang WHO at ang mga otoridad sa buong daigdig ay bihilante at mapagmatyag sa virus na ito, at dahil ilang linggo pa lamang, hindi pa alam kung ito ba’y magiging bagong epidemiko, o mawawala ng kusa.

Sa mga Pinoy sa Middle East, lalo na sa Saudi Arabia, sa ngayon, walang dahilan upang mag-alala. Ayon sa WHO, mukha namang hindi ganong kabilis makahawa ang SARS-like virus, hindi gaya ng SARS. At kung kayo ay nagkaron ng trangkaso, ito’y malamang na ordinaryong trangkaso lang at hindi konektado sa bagong sakit na ito. Ngunit kung kayo ay magkaron ng mga sintomas na malalang ubo, mataas na lagnat, at hirap huminga, magpatingin narin sa doktor upang mabigyan ng kaukulang abiso at gamot. Magsuot rin ng ‘mask’ upang hindi makahawa sa ibang tao. Maging alerto rin sa mga bali-balita sa inyong lokal na komunidad. Pero muli, hindi kelangang mag-panic ang ay ganitong mga sintomas sapagkat malamang ito’y karaniwang trangkaso lamang.

Sa Pilipinas, wala pang naiulat na kaso nitong SARS-like virus, ngunit gaya ng ibang bansa, ang mga otoridad natin ay magiging mapag-matyag rin.

Pruritus vulvae: Makating-makati ang ari ng babae

Q: My ngyari po saakin na kakaiba saaking ari … Nung unang dalawang bwan ko po dito sa japan ay madalas na kumakati ang labas ng aking ari o sa gilid ng aking mani .. Habang tumatagal lalo itong pakati ng pakati .. Etong nakaraan linggo ay may nakapa po akong magaspang na parang kalyo at itoy mahapdi .. Ang ipinagtataka ko lang po ay kung saan ko nakuwa ito dahil wala pong gumagamit saakin. Nag search po ako sa google at nakakakilabot ang aking mga nakita .. Anu po ba ang pwede kong gawin ? Dahil po sa twing umiihi ako ay mahapdi . Sana po ay matulungan nio po ako . Salamat po

A: Mahirap matukoy kung ano ba talaga yang iyong nararamdaman sapagkat hindi kita ma-examine, ngunit base sa iyong kwento, ang iyong karamdaman ay isang sintomas na tinatawag na ‘pruritis vulvae’ o pangangati ng ari ng babae.

Marami itong maaaring sanhi, kabilang na hindi ang mga impeksyon, STD man o hindi, gaya ng kurikong na makating-makati. Ang paggamit ng anumang pinapahid sa ari, gaya ng mga lotion, wash, sabon, at iba pa ay maaari ring maka-irita ng balat sa may ari, at mag-sanhi ng pangangati. Pwede rin itong isang uri ng allergy. May mga pagbabago ka bang ginawa sa iyong ari, gaya ng pagpapalit ng bagong sabon, o bagong panty? Lahat ng ito’y mahalagang balikan upang matuklasan ang sanhi, gayundin, may mga sakit na maaaring maging sanhi nito.

Dahil maraming pwedeng pagmulan ang pangangati sa ari, ang payo ko ay magpatingin ka sa doktor diyan sa Japan upang matukoy kung ano ba talaga ang sanhi nito, para magamot ito. Mareresetahan ka rin niya ng cream na pwedeng ipahid (o kaya gamot na pwedeng inumin) upang mabawasan ang pangangati.

Ano ang pwedeng gamot sa almoranas?

Q: tanung lang po. ano ang pwede gawin gamos sa almoranas? kc mukhang d pa ako maka punta sa doctor…. kc ng trabaho pa ako sa barko. dito na ako ng karo-on ng almoranas… anong pwede gawin para mawala..

A: Tingnan ang mga pahina tungkol sa almoranas sa Kalusugan.PH para sa kaalaman tungkol sa karamdamang ito. At dahil ikaw ay nasa barko ngayon, heto ang ilan sa mga maaari mong gawin:

  • Kumain ng mga prutas at gulay na mataas sa fiber. Kailangang kasi, mabawasan ang pwersa habang dumudumi kaya dapat panatilihing malambot ang dumi.
  • Iwasan ang pag-iri habang dumudumi, sapagkat nakakataas rin ito ng presyon sa puwitan.
  • Upang ma-relax ang mga ugat, ang paliligo sa maligamgam o mainit-init na tubig ay iniuulat rin na may positibong epekto sa almoranas.
  • Tingnan ang mga karaniwang tanong tungkol sa almoranas sa Kalusugan.PH

    Magpatingin sa doktor sa lalong madaling panahon – o kaya paglapag ng barko – upang ma-suri kung kailangan bang operahan ang almoranas. Ngunit huwag mabahala: Sa pamamagitan lamang ng mga hakbang na ating nabanggit, marami nang almoranas ang kusang nawawala.

May pag-asa pa bang mag-abroad kung may Hepatitis B?

Q: Ano po ba ang gamot sa Hepatitis B? May pag-asa pa ba na makapag-abroad ako?

Ang Hepatitis B ay isang virus na maaaring makuha sa iba’t ibang paraan, katulad ng pakikipagsex o kung nasalinan ka ng dugo na may Hepatitis B. Madali lang iwasan ang Hepatitis B sa pamamagitan ng bakuna na Hepatitis B vaccine, ngunit marami paring mga Pilipino ang apektado ng Hepatitis B.

Sa ngayon, walang gamot na maaaring magpa-alis ng Hepatitis B sa iyong katawan o magpababa ng level ng HbsAg para ikaw ay tawaging HbsAg negative – isang proseso na tinatawag rin na ‘seroconversion’. May mga makabagong gamot na maaaring ibigay upang masupil ang virus sa katawan, subalit napakamahal ng mga gamot na ito at walang kasiguruhan na ito ay gagana. Sa kabilang banda, may mga tao rin na kusang nawawala ang Hepatitis B as kanilang katawan ng walang iniinom na gamot.

Dahil requirement nga ang Hepatitis B test sa pagtatrabaho, at dahil marami tayong kababayan na hindi matanggap sa abroad dahil dito, maraming mga nag-aalok ng di-umano’y mga gamot para sa Hepatitis B. Kabilang na dito ang mga ‘alternative’ o ‘herbal’ na gamot. Sa ngayon, walang ebidensya na ang mga ito’y epektibo. Maging ma-ingat at huwag magpa-uto. Muli, walang gamot sa ngayon sa Hepatitis B maliban sa mga mamahaling gamot na hindi rin tiyak kung eepekto. Kung gusto niyong subukan ang mga gamot na ito, makipag-ugnayan sa inyong doktor.

Ngunit may “good news” tayo. Parami ng parami ang mga tao at bansa sa mundo na kinikilala na isang kamalian ang itakwil ang kapwa tao dahil lamang sa pagiging positibo sa HbsAg test o kaya sa Hepatitis B. Dumadami na ang mga bansa na ang patakaran ay hindi mag-discriminate o hindi tanggihan sa trabaho ang mga tao na may Hepatitis B. Ipagtanong at alamin kung aling mga bansa ay may ganitong mga patakaran.