Benepisyo ng mabuting Family Planning at Kontrasepsyon

Ang Pilipinas ang isa sa mga bansang may mataas na bilang ng populasyon. Sa nakalipas na taong 2014, lumampas sa 100 milyon ang bilang ng mga Pilipino. Kaya naman, hindi katakataka na naisabatas na sa wakas ang kontrobersyal na Reproductive Health Law na naglalayong kontrolin ang patuloy na pagtaas ng bilang ng populasyon sa bansa. Isa sa mga mabubuting nilalaman ng mahalagang batas na ito ay ang pagtatalakay ng Family Planning sa mga Pilipino, lalo na sa mga naghihirap at patuloy na lumalaking pamilya.

Ang Family Planning ay tumutukoy sa pagdedesisyon ng mag-asawa sa pagbuo ng kanilang pamilya. Dito’y maaaring pagplanuhan nila ang bilang ng kanilang magiging anak, pati na ang agwat sa pagitan ng kanilang magiging mga anak. Siyempre, malaki ang papel ng paggamit ng iba’t ibang pamamaraan upang mapigilan ang pagbubuntis (contraception) upang maisakatuparan ito.

Benepisyo ng Family Planning at Kontrasepsyon

Ang mabuting pagpaplano ng pamilya ay makatutulong hindi lamang sa ikabubuti ng kalagayan ng kababaihan kundi pati na rin sa pag-unlad ng kanyang pamilya. Kaya’t mahalaga na mabigyan ang mga magkapareha ng nararapat at ligtas na paraan ng kontrasepsyon. Narito ang mga benepisyong hatid ng mahusay at epektibong pagpaplano sa mga pamilya:

Mas mababang panganib sa kalusugan sa pagbubuntis ng mga kababaihan

Direktang makaaapekto sa kalusugan ng isang babae kung magkakaroon siya ng pagkakataon na pumili at magdesisyon kung kailan siya mabubuntis. Maiiwasan ang ‘di inaasahang pagbubuntis pati na ang padalos-dalos na desisyon ng delikadong pagpapalaglag ng bata.

Ayon pa sa pag-aaral, ang pagkakaroon ng higit sa 4 na anak ay maaaring mangahulugan ng mas mataas na panganib sa kalusugan ng nagbubuntis na ina.

Mas mababang kamatayan ng mga sanggol

Sa Pilipinas, isa sa sampung pangunahing dahilan ng pagkamatay ay sa mga bagong silang na sanggol. Ang ganitong problema ay maaaring masolusyonan sa pamamagitan ng mahusay na pagpapalano sa pamilya. Ang paglalagay ng sapat na panahon sa pagitan ng pagbuo ng bawat anak ay makatutulong nang malaki sa pag-iwas sa kamatayan ng mga sanggol.

Pag-iwas sa pagkalat ng HIV/AIDS

Ang paggamit ng proteksyon sa pakikipagtalik ay malaking hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit na HIV/AIDS. Sa tulong nito, mas mapapababa ang bilang ng mga sanggol na ulila sa magulang at mga sanggol na apektado ng sakit.

Pagbaba ng bilang ng maagang pagbubuntis

Ang mga kabataan ay likas na mapusok at handang subukan ang lahat ng bagay sa mundo maging ang pakikipagtalik. Bunga nito, nagkakaroon ng “teenage pregnancies” na hindi mabuti para sa kalusugan ng bata. Ang mga sanggol na isinilang ng mga batang ina ay kadalsang may mas mababang timbang at may mas mataas na panganib ng pagkamatay sa kapanganakan. Bukod pa rito, maaaring kailanganing ipagpaliban din ang pag-aaral ng batang ina, at maapektohan pa angĀ  kalagayan niya sa lipunan.

Pagbagal ng paglago ng populasyon

Ang bilang ng populasyon ay nakaaapekto sa ekonomiya, kapaligiran, ang pangkabuuang pag-unlad ng isang bansa. At ang susi upang makontrol ang paglago ng populasyon ng isang bansa ay ang pagpapatupad ng mahusay na pagpaplano sa pagbuo ng mga pamilya.

 

 

 

Benepisyong Pangkalusugan ng Reproductive Health Law

Matapos ang labinlimang taon ng pakikibaka, sa wakas ay naisabatas na ang kontrobersyal na Reproductive Health Bill (RH Bill). Matatandaan na ilang beses itong isinulong sa kongreso mula pa noong taong 1997 ngunit paulit-ulit ding nababasura dahil sa pagkontra ng ilang mga sektor. Pero nito lamang taong 2012, tuluyan na itong naisabatas sa bisa ng lagda ni Pangulong Aquino. Ang bagong batas ay pinagtibay pa ng Korte Suprema noong Abril 2014 nang ideklara itong naaayon sa konstitusyon. Sa ngayon ay naghihintay na lamang ng sertipikasyon mula sa Food and Drugs Authority (FDA) na ang mga gagamitin at bibilhing contraceptives para sa mga programa ng batas na ito ay ligtas at hindi makapagpapalaglag ng bata sa sinapupunan.

Ano nga ba ang RH Law?

Ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (Republic Act No. 10354), na mas kilala bilang Reproductive Health Law ay naglalayong maikalat ang kaalaman tungkol sa Reproductive Health, tulungang maipaabot nang mas madali ang mga ligtas at modernong pamamaraan ng contraception, tulungan ang mga pamilya sa mas maayos na pagpaplano ng pagbuo sa pamilya, at pangangalaga sa kalusugan ng mga ina.

Sinu-sino ang makikinabang sa RH Law?

Ayon sa bagong batas, ang mga Pilipinong kababaihan at mga kabataan ang higit na makikinabang sa mga benepisyo ng RH Law, lalo na ang mga kabilang sa sektor ng mahihirap. Ayon sa pag-aaral ng United Nations Population Fund, 21% lamang ng mga kababaihan ang may sapat na kaalaman o malayang nakakagamit ng mga modernong pamamaraan ng kontrasepsyon. Mataas din ang bilang ng mga kababaihang nanganib ang buhay o kaya ay namamatay dahil sa kakulangan ng sapat na kalinangan ukol sa reproductive health. Ngunit dahil sa mga probisyon ng bagong batas, inaasahang mas tataas pa ang bilang ng mga kababaihang makakagamit ng modern birth control methods, at mapapababa ang bilang ng pagkamatay sa mga kababaihan.

Anu-ano ang mga benepisyo ng RH Law?

Malaki ang magiging papel ng batas na ito sa reproductive health ng mga ina, kabataan at sa pagbuo ng mga pamilya. Narito ang ilan sa mga benepisyong hatid ng Reproductive Health Law sa bawat pamilyang Pilipino.

1. Mas madaling pagpapaabot ng moderno at ligtas na kontrasepsyon sa lahat, lalo na sa mahihirap.

Sa pamamagitan ng batas na RH Law, mas madaling maaabot ng mga pamilyang Pilipino ang mga pamamaraang makatutulong sa pagkontrol ng panganganak. Ang mga gamot na iniinom (birth control pills), konsultasyon ukol sa reproductive health, at ilan pang komplikadong pamamaraan gaya ng pagkakabit ng IUD ay dadalhin sa mga barangay health center upang mas mapalapit sa mga pamilya. Ang mga serbisyong ito ay tinitiyak na makukuha sa mas murang halaga at abot-kaya ng lahat kahit pa ang mga pamilyang hirap sa buhay.

2. Pababain ang bilang ng mga kaso ng aborsyon.

Dahil sa kakulangan ng kaalaman tungkol sa reproductive health, marami ang nakakaranas ng hindi inaasahang pagbubuntis. At dahil dito, marami ang humahantong sa desiyon ng aborsyon o pagpapalaglag ng bata. Layunin ng RH Law na pababain ang mga kaso ng hindi inaasahang pagbubuntis, gayundin ang mga kaso ng aborsyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang kaalaman at mas madaling pagpapaabot ng ligtas at modernong kontrasepsyon.

3. Pagpapaigting ng suporta sa mga kumadrona, nars at doktor na mangangalaga sa kalusugan pamilya.

Dadagdagan ang suporta sa mga taong kumakalinga sa reproductive health ng bawat pamilya. Dadalhin din ang kanilang mga serbisyo sa mga barangay health center upang mas mapalapit sa mga pamayanan at siyempre pa, ay abot-kaya ng mga mahihirap na pamilya.

4. Pangangalaga sa kalusugan at buhay ng mga ina.

Higit ding binibigyang importansya ang kalusugan ng mga ina sa batas na ito. Layunin ng batas na mapababa ang mga kaso ng komplikasyon ng pagbubuntis at kamatayan na dahil sa pagbubuntis o panganganak na maaari naman sanang maagapan. Matutulungan at mabibigyan ng tamang kalinga ang mga ina mula sa kanilang pagbubuntis hanggang sa sila ay manganak.

5. Pagligtas sa buhay ng mga sanggol.

Hatid din ng batas ang kaligtasan at pagkalinga sa kalusugan ng mga sanggol. Tumataas ang bilang ng pagkamatay ng mga sanggol (mortality rate) dahil sa maling pagpaplano ng mga mga magulang sa pagbuo ng mga anak. Tutulungan ng batas na ito na magabayan ang mga mag-asawa sa tamang pagpaplano ng pag-aanak nang sa gayon ay mabigyan sila ng mas maayos na kinabukasan.

6. Kabawasan sa mga kaso ng mga STD.

Tutulungan din ng batas na ito na mapababa ang mga bilis ng pagkalat ng mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Ang mga sakit gaya ng HIV/AIDS, genital warts, tulo, at iba pa, na mataas sa mga mahihirap at mga kabataan, ay maaaring maiwasan kung mabibigyang linaw ang kaalaman tungkol sa ligtas na pakikipagtalik na mas madali naman maipapahatid ng batas na RH Law.

7. Paggabay sa mga nagnanais ng mas maliit na pamilya.

Ayon sa mga pag-aaral, mas marami na ngayon ang nagnanais ng mas maliit na pamilya (2 hanggang 3 anak lamang) ngunti marami ang hirap na makamit ang pagnanais na ito dahil pa rin sa kakulangan ng sapat na suporta sa reproductive health ng mga pamilya. Ang problemang ito ay higit na mataas sa mga pamilyang kabilang sa sektor ng mahihirap na lalo pang naghihirap. Upang maiwasan ang ganitong mga kaso, binibigyan ng RH Law ng sapat na gabay ang mga nagnanais ng mas maliit na pamilya.

8. Tiyak at mas malawak na kaalaman tungkol sa Sex Education para sa mga kabataan.

Maraming kabataan ang maaagang nakabubuo ng pamilya o nagkakaanak ng wala pa sa hustong edad dahil pa rin sa kakulangan ng tamang kalinangan sa reproductive health. At bunga nito, marami ang nasisirang plano, pangarap, kinabukasan, at karera sa buhay. Marami rin ang kaso ng mga kababaihang nanganganib ang buhay dahil sa maagang pagbubuntis. Ang mga kasong ito ay tiyak na mapapababa kung mabibigyan lamang ng tama at sapat na kaalaman ang mga kabataan ukol sa sex education. Ito rin naman ginagarantiya ng batas na RH Law.

Mga Kondisyon at Sakit na Nauuso sa Panahon ng Bagyo

Dahil ang Pilipinas ay likas na dinadaanan ng mga bagyo sa buong taon, dapat ay malinang ng lahat ang kahalagahan ng pag-iwas at prebensyon sa mga sakit at kondisyon na nauuso sa mga panahon na ito. Sa panahong ito, nagaganap ang pagbaha, kontaminasyon ng mga pagkain at inumin, kakulangan ng mga pangkain, at hawaan ng mga sakit sa mga evacuation centers na posibleng umabot sa epidemya. Pero ano nga ba ang mga kondisyon at sakit na madalas nating naririnig sa tuwing may dadaan na bagyo sa mga lugar? Narito ang ilan sa mga mga ito:

 

Leptospirosis

Ang isa sa mga pinakausong sakit na nararansan sa panahon ng tag-ulan at bagyo ay ang sakit na Leptospirosis. Ito ay ang sakit na nakukuha mula sa ihi ng daga na humahalo sa tubig baha. Maaari magkasakit nito kung ang kontaminadong tubig-baha ay makapasok sa sugat.

Paano ito maiiwasan: Hanggat maaari, huwag lumusong sa baha lalo na kung may sugat. Kung hindi naman maiwasan, siguraduhing may proteksyon sa paa gaya ng bota.

 

Pagtatae o Diarrhea

Hindi rin maiiwasan na mauso ang sakit na pagtatae. Dahil sa kakulangan ng suplay ng mga pagkain, maaaring makontamina ang natitira pang pagkain na hindi naman maiwasang hindi kainin. Mahalagang maagapan ang sakit na ito upang maiwasan ang dehydration ng katawan na maaaring makamatay.

Paano ito maiiwasan: Umiwas sa mga pagkain na may posibilidad ng kontaminasyon. Lutuin din ng husto ang mga pagkain, at initin ang mga tirang pagkain. Salain at pakuluan ng hindi bababa sa isang minuto ang inuming tubig.

 

Ubo, Sipon at Trangkaso

Ang mga karaniwang sakit na dulot ng impeksyon ng virus ay nauuso rin sa panahon ng pagbagyo at pag-ulan. Kadalasang kumakalat ito sa mga evacuation centers na puno ng mga tao lumikas mula sa pananalasa ng bagyo. Ang pagsasama-sama ng mga tao ay nakapagpapataas ng posibilidad ng hawaan ng mga ganitong sakit.

Paano ito maiiwasan: Ugaliin ang paghuhugas ng kamay at palakasin ang resistensya ng katawan. Kumain ng masusustansyang pagkain o kaya ay uminom ng bitamina.

 

Alipunga

Madalas din ang mga kaso ng alipunga lalo na kung mabababad ang paa sa maduming tubig o laging nakapaa sa mga pampublikong lugar. Ang alipunga ay ang impeksyon ng fungi sa paa na nagdudulot ng matinding pangangati at mabahong amoy sa paa.

Paano ito maiiwasan: Kung sakaling mababad ang paa sa baha, hugasan ito ng maigi gamit ang sabon at malinis na tubig. Iwasan din na magpaa kung maglalakad sa mga pampublikong lugar.

 

Malnutrisyon

Sa panahon ng delubyo, may posibilidad na kumonti ang suplay ng pagkain. At dahil dito, lumiliit ang nutrisyon na nakukuha ng bawat isa. Ang sintomas ng malnutrisyon at ang malaking kabawasan ng timbang at kawalan ng sigla.

Paano ito maiiwasan: Bago pa man dumating ang bagyo, tiyakin na may sapat na pagkain na naitabi para sa buong pamilya na maaaring magtangal ng hanggang isang linggo. Tiyakin din na makakakain pa rin ng 3 beses sa isang araw.

 

Dengue

Dahil din sa pag-uulan, maaaring dumami ang lamok sa mga napabayaang imbak ng tubig. Ang pagdami ng lamok ay maaaring magdulot ng pagkalat ng sakit na dengue lalo na sa mga masisikip na evacuation center. Ang pagkakaroon ng dengue ay dapat ikabahala sapagkat kung mapapabayaan, maaari itong makamatay.

Paaano ito maiiwasan: Linisin ang mga lugar na maaaring pagpugaran ng lamok. Gumamit din ng kulambo lalo na sa pagtulog sa gabi.

 

Cholera

Malaki ang posibilidad ng kontaminasyon sa mga inuming tubig dahil sa mga dumadaan na bagyo. Isa sa mga sakit na maaaring idulot ng kontaminasyon na ito ay Cholera. Ang pagkakaroon ng cholera ang makapagdudulot ng tuloy-tuloy na pagtatae na kung mapapabayaan ay maaaring magdulot ng dehydration.

Paano ito maiiwasan: Tiyaking malinis ang iniinom na tubig. Salain at pakuluan ang inuming tubig ng hindi bababa sa isang minuto upang mamatay ang mga mikrobyo. Maghugas din parati ng mga kamay.

 

Typhoid

Gaya ng cholera, ang sakit na Typhoid ay nakukuha rin sa mga kontaminadong inumin at pagkain. Sa pagkakaroon ng sakit na ito, nararanasan din ang tuloy-tuloy na pagtatae na may kasama pang mataas na lagnat. Dapat ding agad na madala sa pagamutan ang taong nakakaranas ng sakit na ito sapagkat maaari din itong makamatay kung isasawalang bahala.

Paano ito maiiwasan: Tiyaking malinis ang iniinom na tubig. Salain at pakuluan ang inuming tubig ng hindi bababa sa isang minuto upang mamatay ang mga mikrobyo. Maghugas din parati ng mga kamay.

 

Iba pang impeksyon sa sugat at balat

Ang pananatili sa mga evacuation center ay maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit kung sakaling mapapabayaan madumi ang kapaligiran. Ang ilan sa mga sakit na maaaring makuha ay ang impeksyon sa sugat gaya ng tetano at ilan pang impeksyon sa balat kaya ng pigsa at galis. Maaari din magkaroon ng hawaan ng kuto sa ulo.

Paano ito maiiwasan: Para makaiwas sa mga impeksyon sa sugat, siguraduhing malilinis at malagyan ng gamot. Gawin itong regular hanggat hindi pa gumagaling ang sugat. Kung malala ang sugat, ipatingin ito sa klinika o ospital. Para naman maiwasan ang mga impeksyon sa balat, dapat ay panatilihing malinis ang kapaligiran.

 

Iba pang sakit na dulot ng virus

Dahil nga sa masikip at kadalang siksikan ang ang mga tao sa evacuation centers, mahirap maiwasan ang hawaan ng mga sakit na dulot ng impeksyon ng virus. Ang ilan pang madalas kumalat na mga sakit sa mga evacuation centers ay ang tigdas, sore eyes, bulutong at beke.

Paano ito maiiwasan: Mahirap maiwasan ang mga sakit na dulot ng virus lalo na kung nagsimula na itong humawa-hawa sa mga tao sa evacuation centers. Ang tangi lamang magagawa ay ang paratihang paghuhugas ng mga kamay. Maaari din itong maagapan kung umpleto sa pagpapaturok ng bakuna.

Listahan ng mga HIV/AIDS support group sa Pilipinas

Ang mga sumusunod ay mga NGO at iba’t ibang grupo na nagbibigay suporta sa mga taong nangangailangan ng tulong patungkol sa HIV o AIDS:

Action for Health Initiatives, Inc. (ACHIEVE)

162-A Scout Fuentebella Extension, Barangay Sacred Heart, Quezon City 1103 Philippines
(+632) 426-6147 / 414-6130

AIDS Society of the Philippines, Inc. (ASP)

2F OTM Building, No. 71 Scout Tuazon Street, Barangay South Triangle, Quezon City, 1103 Philippines
(+632) 376-2541 / 410-0204

Health Action Information Network (HAIN)

26 Sampaguita Ave. Mapayapa Village II, Barangay Holy Spirit, Quezon City 1127 Philippines
(+632) 952-6312, 952-6409

Joint United Nations Programme on HIV/AIDS – Philippines (UNAIDS-Philippines)

29F Yuchengco Tower, RCBC Plaza, 6819 Ayala Avenue corner. Sen Gil Puyat Avenue, Makati City 1226 Philippines
(+632) 901-0412, 901-0414, 901-0415

Philippine National AIDS Council (PNAC)

3F, Bldg 15, Department of Health, San Lazaro Compound, Sta. Cruz, Manila, Philippines
(+632) 338-6440, 743-0512

Pinoy Plus Association, Inc. (PINOYPLUS)

1805 P. Guevarra Street, Sta. Cruz Manila
(+632) 743-7293
Positive Action Foundation of the Philippines, Inc. (PAFPI)
2613 Dian Street, Malate, Manila 1004 Philippines
(+632) 528-4531, 404-2911

Remedios AIDS Foundation (RAF)

1066 Remedios St., Malate, Manila
(+632) 524-4507, 522-3431

Tropical Disease Foundation (TDF)

2F APMC Building, 136 Amorsolo corner P. Gamboa Streets, Legaspi Village, Makati City 1229 Philippines
(+632) 8170489; +632-8400714; +632-8129183

Youth AIDS Filipinas Alliance (YAFA)

c/o Adolescent RH Center, Social Hygiene Clinic, Manila Health Department, 208 Quiricada Street, Sta. Cruz, Manila
(+632) 711-6942