Complete Blood Count

“Ano?! Kukuhanan na naman ng dugo?” Ito ang kalimitang reklamo ng mga pasyenteng nako-confine o nagpupunta sa ospital. Karamihan sa mga diagnostics o pagsusuring laboratoryo ay nangangailangan ng sample ng dugo. Marami maaring malaman tungkol sa kalagayan ng isang tao mula lamang sa masusing pagsusuri ng mga elemento sa dugo. Ang iba-ibang eksaminasyon na nangangailangan ng blood sample ay maaring mangailangan ng magkakaibang bote o lalagyan. Depende sa kaso o sakit ng pasyente, maaring ulitin ang ilang eksaminsayon na higit sa isang beses sa loob ng isang araw. Maari kasing magbago ang mga resulta sa loob ng ilang oras, halimbawa dito ay matapos ang ilang oras masalinan ng dugo. May ilang parameters o sukatan din naman na kailangan lamang sukatin matapos ang ilang araw, ilang linggo, o buwan.

“Hindi ba ako mauubusan ng dugo dyan?” Karaniwang depensa ng ilang pasyente ang takot na baka maubusan na sila sa kakauha ng sample. Para sa ating kaalaman, ang isang karaniwang tao ay tinatayang may 5 litro ng dugo sa kanyang katawan. Para sa mga laboratoryo, may ilang nangangailangan lamang ng 0.5mL, ngunit minsan mayroon ding kailangang 5mL (halos kasing dami ng isang kutsarita) para sa isang pagsusuri. Hindi sapat ang ordinaryong eksaminasyon upang maubusan ng dugo ang pasyente.

Ating bibigyang paliwanag ang ilang sa mga karaniwang laboratoryong pinapagawa ng inyong doktor.

Read More

Complete Blood Count o CBC

Isa ito sa pinaka madalas ipagawang eksaminasyon dahil ito ay basic o pinakasimpleng lab exam ngunit mula rito ay maraming impormasyon ang makukuha. Ibig sabihin ng Complete Blood Count, lahat ng pangunahing elemento o cells ng dugo ay bibilangin upang malaman kung ito nasa normal na bilang. May tinatawag tayong range o sakop na bilang sa bawat elemento kung saan maaring pumatak ang resulta ng CBC. ·Ilan sa mahahalagang parameters o sukatan ng CBC ay ating bibigyang linaw.

  • Hemoglobin – Dito malalaman kung may anemia o kulang sa pula ng dugo ang isang tao. Ang hemoglobin ay nakikita sa Red Blood Cells (RBC) at ito ang naghahawak ng oxygen sa loob ng RBC. Ito rin ang nagbibigay ng kulay na pula sa dugo. Kapag mababa sa normal ang bilang nito, madalas nakakaramdam ng pagkahilo at panghihina ang pasyente. Kakikitaan din ng pamumutla at pagkatamlay ang mga anemic. Kapag mataas naman sa normal ang hemoglobin, ilang dahilan rin ang maaring sanhi gaya ng pagkasira ng elementong RBC sa dugo. Ito ay tinatawag na hemolysis (“hemo-”-dugo, “-lysis”- pagkasira). Maari rin namang kulang sa tubig o dehydrated ang pasyente noong siya ay kinuhanan ng dugo.
  • Hematocrit – ito ang porsyentong binubuo ng RBC sa pangkalahatang elemento ng dugo. Sa kaso ng dengue, kalimitang mataas ang tala ng hematocrit. Ang pagtaas o pagbaba ng hematocrit ay maaring may kinalaman din sa hydration ng pasyente, o sakit sa bato (Kidney disease).
  • White Blood Cells (WBC) – Ito ang mga elemento na lumalaban sa mga impeksyon kung kaya’t pag mataas ang bilang nito, nangangahulugan ito ng aktibong impeksyon. Kung masyadong mababa ang bilang, ito ay nakasasama dahil ibig sabihin, mas madaling kapitan ng sakit ang pasyente kasi kaunti lamang ang elementong panlaban ng katawan. Tinatawag natin ang mga pasyenteng masyadong mababa ang WBC na immunocompromised— ibig sabihin may kahinaan ang resistensya ng pasyente na labanan ang mga mikrobyo kaya madali siyang mahawahan ng sakit. Kung masyado naman mataas ang WBC, bukod sa impeksyon, maari rin itong dahil sa isang uri ng kanser sa dugo, Leukemia.
  • Platelet Count – ang platelet ay isang elemento na tumutulong sa pagpapamuo ng dugo. Ang halaga nito ay mas makikita kung ang isang tao ay nasugatan. Platelet ang siyang dahilan kung bakit tumitigil ang pagdaloy ng dugo sa sugat at kalaunan ay namumuo. Kapag masyadong mababa ang bilang nito, mas madaling duguin at magkapasa ang pasyente. Kalimitang kakikitaan ang pasyente ng pulang “rashes” sa ilang bahagi ng katawan. ·Platelet count rin ang isang parameter na binabantayan kapag may dengue. Kung masyado namang mataas ang platelet, ibig sabihin ay mas mataas ang tyansang mamuo ang dugo kahit sa loob ng katawan. Maaari itong magkumpol at mamuo ng blood clots na sanhi ng pagbabara sa daluyan ng dugo (blood vessel).

Marami pang mga bagay ang sinusukat sa CBC at ang bawat isa ay makakatulong upang malaman ang kalagayan ng pasyente. Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa pinakapangunahing tinitignan tuwing pinapagawa ang laboratoryong ito. Ang CBC ay maaring ipaulit madalas depende sa karamdaman. Maari rin namang ilang parameter lamang ang hilingin ng inyong doktor sa ibang pagkakataon gaya ng hematocrit, hemoglobin, at platelet kapag nagsususpetsa o nagmomonitor ng dengue. Mahalaga ang CBC upang masubaybayan ang pagbuti o pagsama ng kalagayan ng isang pasyente. Maraming impormasyon ang makukuha rito. Kung may mga katanungan sa ilang numero o resulta, huwag mahiyang itanong sa doktor ang ibig sabihin ng mga ito. Malugod na maipapaliwanag ng inyong doktor ang resulta ng CBC para sa ikakapanatag ng inyong isip.

Prothrombin Time at Partial Thromboplastin Time (PT/PTT)

Bago sumailalim sa isang operasyon, kalimitang pinapagawa ang eksaminasyong PT at PTT maliban pa sa CBC. Ngunit ito rin ay ipinapagawa sa ilan pang sitwasyon, halimabawa na ay kung may sakit sa atay, may hinalang problema sa pagdurugo, o kung may iniinom na gamot na maaring makaapekto sa pamumuo ng dugo.

Read More

Prothrombin Time (PT)

Ang Prothrombin Time na mas kalimitang tawaging PT ay sumusukat sa bilis at kakayanan ng dugong mamuo. Ito ay para malaman kung madaling duguin ang isang pasyente—importanteng bagay na malaman, lalo na kung sasailalim sa malaking operasyon. Ang kalimitang normal na resulta ay ang pamumuo ng dugo sa loob ng 10-12 segundo ngunit ang pamantayang ito ay maaring magbago sa iba’t ibang laboratoryo. Ilang bagay na maaring makaapekto sa resulta ng PT ay ang mga sumusunod: kakulangan sa bitamina K, pag gamit ng oral contraceptives, pag inom ng warfarin (isang gamot na pumipigil sa pamumuo ng dugo), problema sa atay, at problema sa dugo.

Partial Thromboplastin Time (PTT)

Sinusukat ng lab exam na ito ang “labnaw” o “lapot” ng dugo. Kalimitan itong pinapagawa sa mga pasyenteng gumagamit ng heparin. Ang heparin ay nakakapagpalabnaw ng dugo (blood thinning) kung kaya hindi kaagad namumuo ang dugo kung sakali masugatan. Makikita rin sa PTT kung may problema sa pagdurugo ang isang tao. Hinihingi rin ang pagpapagawa nito kapag sasailalim sa operasyon ang pasyente. Ang kalimitang normal na resulta ng PTT ay pumapatak sa pagitan ng 30-45 segundo ngunit maari rin itong magbago ng bahagya depende sa· laboratoryong pinagpagawaan.

Blood Chemistry

Depende sa pag gagamitan ng dugo at sa uri ng eksaminasyon, iba-iba ang lalagyang paglalagyan ng nakolektang dugo. Ang uri ng vial o lalagyan ay maaring maglaman ng ilang kemikal na siyang dahilan ng kanilang pagkakaiba.· Kung ang CBC ay nakalagay sa lalagyang may kulay ubeng takip, ang PT/PTT ay ginagamitan ng lalagyan na may asul o bughaw na takip. Ang isang vial o lalagyan na walang halong kemikal ay mayroong pulang takip. Tinatawag rin itong plain vial. Mahalagang malaman ang kulay ng takip, uri ng lalagyan, at kaukulang eksaminasyon na gagawin upang hindi magtaka kung saan ilalagay o kung ano ang pag gagamitan ng dugong kinukuha sa inyo. Muling paalala, ang dami ng dugong kailangan ay depende rin sa uri ng lab exam na gagawin. Ngunit isang mahalagang aspeto rin ay ang laki o kapasidad ng vial o lalagyan na mayroon. Halimbawa, sa merkado, mayroong 5mL (halos kasing dami ng isang kutsarita) 3mL, 2mL, at 0.5mL na lalagyan ng dugo (vial) para sa CBC. Ang dami ng dugo na kukunin sa pasyente ay kasing dami rin ng nakatakdang sukat sa vial. Ito ay upang maiwasan ang maling resulta dahil sa kakulangan ng nakatakdang dami ng sampol.

Blood Chemistry

Maraming elemento ang nasa ating dugo. Maraming masusukat mula sa mga kemikal na nasa dugo. Mula sa resultang makukuha sa Blood Chemistry, malawak na impormasyon ang maibibigay nito sa inyo at sa inyong doktor.

  • Electrolytes – Sabihin na lamang natin na ito ang “asin” sa ating katawan. Ilan sa kalimitang electrolytes an sinusukat ay ang Sodium (Na), Potassium (K), at Chloride (Cl), Calcium (Ca). Mahalaga ang electrolytes dahil ito ang tumutulong upang maisagawa ng ating katawan ang mga dapat gampanang trabaho gaya ng pag galaw ng kalamnan, paglinis ng katawan, pagtibok ng puso, at marami pang iba. Mula sa resulta nito, maari ring malaman ang hydration status ng katawan (kung kulang o sobra ang tubig), at kung may problema sa bato kidney) ang isang tao.
  • Liver Enzymes – Alam nating mahalaga ang ating atay. May mga kemikal dito na nangangalaga sa ating pangkabuuang kalusugan dahil ito ang nagsisilbing taga “linis” ng ating katawan. Ang mga liver enzymes na ito ay ang ALT (SGPT) at AST (SGOT). Ang mataas na ALT (Alanine Aminotransferase) o AST (Aspartate Aminotransferase) ay maaring dulot ng alkohol, pag inom ng gamot, problema sa dugo, impeksyon, tumor, o hepatitis.
  • Blood Urea Nitrogen (BUN), Creatinine – ang mga eksaminasyong ito ang sumusukat sa kakayanan ng bato na linisin ang katawan. Sa mga may problema sa kidney, makikitang mataas ang resulta nito.
  • Kolesterol – Kasama ang eksaminasyong ito sa tinatawag na Lipid Profile. May tinatawag tayong masamang uri ng cholesterol o bad cholesterol. Ang medikal na tawag dito ay Low Density Lipoprotein (LDL). Ang mataas na LDL ay sinasabing kaugnay ng mga atake sa puso. Mainam na mas mababa pa sa 100 mg/dL ang LDL. Ang good cholesterol o mabuting klase ay tinatawag na High Density Lipoprotein (HDL). Makatutulong upang makaiwas sa sakit sa puso ang mataas na HDL. Ang target na resulta sa HDL ay higit pa sa 40mg/dL.
  • Glucose – Glucose ang tawag sa asukal sa dugo. Ang glucose ang siyang sinusukat upang malaman kung may diabetes ang isang tao. Kapag masyadong mataas, maaring may problema sa lapay o may sakit na diabetes ang pasyente. Maari rin namang kinuha ang Glucose Test ilang minuto pa lamang matapos kumain ng marami. Hindi rin maganda kung masyadong mababa ang glucose level. Maaring manghina ang isang indibidwal na mas mababa pa sa normal ang asukal sa dugo. Para sa mga Pilipino, mainam na ang Fasting Blood Glucose (FBS) ay nasa 70-100 mg/dL ngunit depende pa rin ito kung may di magandang sintomas na nararamdaman. Isangguni sa doktor ang inyong nararamdaman upang malaman kung ang target na FBS ay tama lamang sa inyo.

Karagdagang kaalaman: Ang Fasting Blood Glucose at Lipid profile ay nangangailangan ng hindi bababa sa walong oras na pagaayuno sa kahit anong pagkain o inumin maliban na lamang kung tubig. Ito ang tinatawag na NPO o nullas per orem. Ibig sabihin, bawal ang kahit anong dadaan sa bibig gaya ng pag inom ng juice, kape, cola o pagkain. Kahit ang pagnguya ng bubble gum o pagsipsip ng kendi ay hindi dapat gawin bago makuhanan ng dugo kung nangangailangan ng fasting.

Fecalysis (Stool Exam)

Fecalysis o stool exam ang tawag sa pagsusuri ng dumi ng tao. Kalimitan itong ipinapagawa kung may pangangayayat, pagdurugo ng dumi, pagtatae, at pananakit ng tiyan o puson. Dahil sa ang ating kinakain ay dumaraan sa tiyan, bituka, at maglaon, ay nagiging dumi, malaki ang maitutulong ng fecalysis upang mabigyang linaw kung anong problema sa ·loob ng katawan na kadugsong ng bituka (gastrointestinal tract). Kailangan lamang ng maliit sa sampol upang magawa ang pagsusuri. Una, ihanda ang maliit at malinis na lalagyang may takip, spatula o maliit na patpat (maari ring ihanda ang cotton buds), malinis na gwantes (gloves). Linisin muna ang puwitan. Suotin ang gwantes, buksan ang maliit na lalagyan, at kumolekta ng sampol gamit ang spatula o maliit na patpat. Isarado kaagad ang lalagyan at ipadala sa laboratoryo. Huwag kalimutang maghugas ng kamay matapos dumumi at makolekta ang sampol.

Mula sa fecalysis, maraming impormasyon ang makukuha. Kalimitan kapag may impeksyon, mataas ang White Blood Cells (WBC) o may nana. Kung may pagdurugo naman sa daluyan ng pagkain, makikita ito sa bilang ng Red Blood Cells (RBC). Makikita at malalaman kung anong klase ng bulate o parasito ang nasa dumi. May ilang kemikal o elemento ring makikita na magbibigay ng karagdagang kaalaman ukol sa pasyente.

Urinalysis (Pagsusuri sa Ihi)

Ang ihi ay mahalagang eksaminasyon. Makikita dito kung may problema sa bato o impeksyon sa daluyan ng ihi. Malalaman dito mula rito kung may problema sa pagbabalanse ng kemikal o elemento ang katawan gaya ng pagkakaroon ng asukal (glucose), albumin (isang uri ng protein), o dugo sa ihi. Madalas ipagawa ang urinalysis o eksaminasyon ng ihi sa mga sumusunod na pagkakataon:

  • Hirap o madalas na pag-ihi
  • pamamanas ng katawan
  • kapag buntis
  • pananakit ng tiyan, likod, o balakang
  • kapag may dugo o nana sa ihi
  • habang sumasailalim sa gamutan (lalo na sa kanser)
  • kapag mananatili sa ospital

Paano nga ba ang tamang pagkolekta ng ihi para sa urinalysis? Una, siguraduhing malinis ang pwerta o ari. Ihanda ang malinis at may takip na lalagyan ng ihi. Kolektahin ang panggitnang ihi at huwag ang mga unang patak ng ihi upang maiwasan ang kontaminasyon. Takpang maigi ang sample at ibigay sa laboratoryo.

Maraming bagay ang maaring makita sa urinalysis. Sinusuri dito ang kulay, mga elemento, kemikal, reaksyon, at kung anu-ano pa. Kalimitan, kapag may impeksyon sa daluyan ng ihi, mataas ang tinatawag nating White Blood Cells (WBC) dahil ito ang elementong lumalaban sa mga mikrobyo. Kapag mataas ang bilang nito, ibig sabihin, may aktibong impeksyon na nilalabanan ang katawan. Makikita rin dito ang mataas na bacterial count.

Sa ilang pagkakataon, maaring kakitaan ng Red Blood Cell (RBC) ang ihi. Sa mga babaeng walang buwanang dalaw (menstruation) o sa mga lalake, hindi ito normal kung kaya’t maaring mangailangan ng karagdagang pagsusuri. Ang ilang abnormal na resulta ay ang pagkakaroon ng glucose (asukal), albumin, mataas na kristal, maulap/malabong ihi, at masyadong mataas o mababang specific gravity.

Ang urinalysis ay maaring ipagawa ng madalas kung may minomonitor sa ihi. Maari rin itong ipagawa matapos ang gamutan, halimbawa, sa impeksyon ng ihi. Sa simpleng eksaminasyon na ito, malaki ang maitutulong nito upang malaman ng doktor kung ano ang problema ng pasyente.