Ano ang urinalysis at para saaan ito?
Ang pagsusuri sa ihi o urinalysis ay isang pamamaraang medikal kung saan sinusuri at pinag-aaralan sa laboratoryo ang ihi ng tao. Ito ay mabisang paraan ng pagtukoy sa maraming uri ng sakit na nararanasan ng isang indibidwal. Dito’y ineeksamin ang anyo, kulay, konsentrasyon, at mga kemikal na bumubuo sa ihi. Anumang abnormalidad o kaibahan sa normal na bilang at sukat ay maaring mangahulugan ng karamdaman o kondisyon sa katawan.
Kanino at kailan isinasagawa ang urinalysis?
Maaaring isagawa ang pagsusuri sa ihi sa kahit na sinong tao lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Maaaring ito ay para matukoy ang sanhi ng nararanasang sintomas o abnormalidad sa katawan, o kaya naman ay para lamang makasiguro na ang katawan ay nasa normal na kondisyon. Mahalaga rin ang urinalysis sa pagmomonitor ng mga kaganapan sa katawan. Bukod sa mga nabanggit, maari din isagawa ang urinalysis para matukoy ang pagbubuntis ng isang babae, o sa pagsasagawa ng drug screening.
Paano isinasagawa ang urinalysis?
Ang pagkolekta sa ihi na gagamitin sa pagsusuri ay maaaring isagawa sa bahay o kaya sa klinika ng sumusuring doktor. Ang ihi na inilalagay sa isang plastic na lalagyan na bigay ng doktor ay ipapadala sa laboratoryo upang doon pag-aralan. Ang ihi ay maaaring haluan ng ilang kemikal, silipin sa ilalim ng microscope, at isailalim pa sa ilang mga pamamaraan.
Anu-ano ang mga tinitignan sa urinalysis?
Ang karaniwang pagsusuri ng ihi na ginagawa sa laboratoryo ay maaaring makapagbigay ng resulta gaya ng sumusunod:
- Acidity (pH). Isa sa mga tinitignan sa sinusuring ihi ay ang acidity nito. Ang abnormalidad sa acidity ng ihi ay maaaring mangahulugan ng problema sa bato o sa daluyan ng ihi.
- Concentration. Tinitignan din ang konsentrasyon ng ihi upang matukoy kung sapat ang tubig na tinatanggap ng katawan sa araw-araw.
- Protein. Tinitignan din ang lebel ng protina sa ihi. Ang mababang lebel nito ay nangangahulugang normal lamang, habang ang pagtaas sa lebel ng protina ay maaaring mangahulugang may problema sa bato.
- Sugar. Ang normal na ihi ay kadalasang hindi namang nakikitaan ng asukal. Ngunit kung mayroong asukal sa ihi, maaaring mangailangan ng follow-up check up para sa diabetes.
- Ketones. Ang pagkakaroon din ng ketones sa ihi ay maaaring mangahulugan ng diabetes.
- Bilirubin. Ang pagkakaroon naman ng bilirubin sa ihi ay senyales ng pagkakaroon ng sakit sa atay.
- Impeksyon. Maaaring masilip din sa ihi ang ilang ebidensya ng impeksyon sa daluyan ng ihi (UTI) gaya ng white blood cells
- Dugo. Ang pagkakaroon naman ng dugo sa ihi ay nangangahulugan ng problema sa bato o pantog.
Gaano katagal bago makuha ang resulta ng urinalysis?
Ang resulta ng urinalysis ay karaniwang nakukuha isang araw pagkatapos maipasa sa laboratoryo ang sample ng ihi. Ngunit sa ibang pagkakataon lalo na kung kinakailangan ang agarang resulta ng pagsusuri, maaring makuha ang resulta pagkatapos lamang ng ilang oras.
Ano ang mga sakit na maaaring matukoy sa pamamagitan ng urinalysis?
Ang pagsusuri ng ihi ay hindi naman nakapagbibigay ng siguradong diagnosis, bagkus nagbibigay lamang ng paunang mga ebidensya para sa sakit. Ang mga ebidensyang ito naman ang pagbabasehan ng doktor kung kakailanganin pa ang karagdagan pagsusuri o follow-up check up. Sa tulong ng urinalysis, maaaring masilip ang pagkakaroon ang paunang ebidensya ng pagkakaroon ng karamdaman o kondisyon sa bato at daluyan ng ihi gaya ng UTI, kidney stones, kanser sa bato at pantog, at iba pa. Maaari din itong makapagbigay ng ebidensya sa sakit na diabetes, at sakit sa atay. Ang pagkumpirma sa pagbubuntis at paggamit sa ipinagbabawal na gamot ay natutukoy din gamit ang urinalysis.
May epekto ba sa katawan ang urinalysis?
Dahil ang ihi na ginagamit sa pagsusuri ay madali namang nakukuha nang walang aparato na ipinapasok o itinutusok sa katawan, o kaya ay gamot na pinapainom sa pasyente, kadalasan ay wala namang epekto sa kalusugan ang pamamaraang ito.