Isang virus na kumakalat sa North at South America ang Zika virus. Ito’y kinakabahala ng mga awtoriddad sapagkat ito’y naiugnay sa mga komplikasyon sa pagbubuntis gaya ng microcephaly o pagiging maliit ng ulo ng sanggol na bagong panganak.
Heto ang mga mahalagang kaalaman tungkol sa virus na ito:
Ano ang Zika Virus disease (Zika)?
Ang Zika ay isang sakit na dulot ng Zika virus, isang virus na hatid ng isang uri ng lamok (Aedes).
Ano ang mga sintomas ng Zika?
Ang mga sintomas ng Zika ay lagnat, rashes, pananakit ng kasukasuan, at pamumula ng mata na parang sore eyes. Ang mga sintomas na ito ay karaniwang tumatagal ng ilang araw hanggang isang linggo.
Mahalagang tandaan na ang mga sintomas ng Zika ay kagaya rin ng ibang mga virus na dala ng lamok gaya ng dengue, at maaari rin itong mapagkalamang trangkaso.
Isa pa, maliit na porsyento lamang ng mga tao na na-impeksyon ng virus ang magkakaron ng mga sintomas; maaaring magkaron ng Zika virus ng hindi nalalaman.
Paano nahahawa o nakukuha ang Zika virus?
Gaya ng dengue, ito’y nakukuha sa kagat ng lamok na may taglay na Zika virus. Ang mga sintomas ay kadalasang lumalabas pagkatapos ng 2 hanggang 7 mula sa pagkakakagat ng lamok. Maaari ring mahawa ng isang buntis ang kanyang dinadalang sanggol.
Anong mga bansa o lugar ang may Zika virus?
Ayon sa CDC ng Estadios Unidos, ang Zika ay matatagpuan sa mga bansa sa South America gaya ng Brazil, Bolivia, Cape Verde, Columbia, Paraguay, Venezuela, at iba pa.
Paano makakaiwas sa Zika virus?
Kung nakatira ka o magbabyahe ka sa ibang bansa, alamin kung may Zika virus sa bansang ito at kung saan ito matatagpuan. Iwasan ang mga lugar na ito, o kung kailangan mong talagang magpunta, gumamit ng insect repellant para makaiwas sa mga lamok.