Balitang Kalusugan: Kemikal na nagdudulot ng kanser, nakita sa usok ng E-Cigarette

electronic cig

Nakumpirmang positibo sa ilang uri kemikal, gaya ng formaldehyde at acetaldehyde, ang usok na nagmumula sa e-cigarette. Pinaniniwalaang ang mga ito ay may nakapagdudulot ng kanser lalo na’t sobra-sobra ang lebel ng kemikal na nakita sa usok. Ito ay ayon sa pag-aaral na isinagawa ng Center for Environmental Health (CEH), isang environmental NGO sa California.

Base sa kanilang pag-aaral, kung saan sinuri nila ang 97 na electronic cigarette devices mula sa 24 na iba’t ibang kumpanyang nagbebenta ng electronic cigarette, masyadong mataas ang konsentrasyon ng mga kemikal at lubhang mapanganib para sa kalusugan.

Kaugnay ng pag-aaral na ito, inihayag ng grupo ang panganib na maaring hatid ng patuloy na paggamit sa electronic cigarette na magpasahanggang ngayon ay wala pang katiyakan kung talaga nga bang ligtas sa kalusugan. Kailangan daw maregulisa at mabigyan ng proteksyon ang lahat, lalo na sa mga kabataang nahuhumaling na rin sa paggamit ng electronic cigarette.

 

Balitang Kalusugan: Madalas na pagkain ng Instant Noodles, maaaring magdulot ng sakit sa puso at stroke

instant noodles

Mas mataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng karamdaman sa puso at pagkakadanas ng stroke sa mga taong madalas kumain ng instant noodles. Ito ang lumalabas sa isang pag-aaral na isinagawa sa Bayer at Harvard University, mga pangunahing eskuwelahan sa Estados Unidos.

Ito’y dahil daw umano sa sangkap na taglay ng karamihan sa mga instant noodles na TBHQ o tertiary-butylhydroquinone. Ang TBHQ ay isang uri ng preservative na hinahalo sa maraming uri ng pagkain upang ito ay magtagal. Napag-alaman ng pag-aaral na ang sangkap na ito ay walang benepisyo sa kalusugan at hindi rin kayang tunawin ng katawan.  At dahil dito, maaaring maapektohan ang metabolismo ng isang indibidwal na maaari namang humantong sa pagkakaroon ng sakit sa puso, stroke at iba pang mga sakit.

Ayon pa sa kanilang pag-aaral, ang mga bansang may pinakamataas na bilang ng kumakain ng instant noodles gaya ng South Korea, Estados Unidos, India, Japan, China, at Vietnam ay may mataas din na bilang ng taong dumaranas ng sakit sa puso at obesity o sobrang timbang.

Dagdag pa ni Hyu Shin, isa sa mga may-akda ng pag-aaral, bagaman pinapadali ng mga instant food ang buhay ng tao, ang mga sangkap nito gaya ng sodium, saturated fats, at iba pa ay maaaring may masamang epekto sa kalusugan lalo na kung mapaparami at matagal na ang pagkonsumo sa mga ito.

 

Balitang Kalusugan: Contraceptive pill, nakatulong na maiwasan ang sakit na kanser

Isang pag-aaral na nailathala sa medical journal na The Lancet Oncology ang nagsasabing napigilan umano ng paggamit ng contraceptive pill ang tinatayang 200,000 kaso ng kanser sa matres sa nakalipas na isang dekada sa mga mayayamang bansa.

Sinasabing ang pag-inom ng “pills” sa loob ng tinakdang panahon ay kayang makapagbigay ng proteksyon mula sa pagkakaroon ng endometrial cancer, o kanser sa matres, na nakakaapekto sa mga kababaihan. Ang maganda pa, ang proteksyong ito ay kayang magtagal hanggang sa pagsapit sa edad na 50 na taon pataas, kahit pa itinigil na ang pag-inom ng pills sa edad na 20-25.

Ayon sa kanilang mga datos, kayang pababain nang 25% ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na kanser kung tuloy-tuloy na iinom ng contraceptive pills sa loob ng 5 taon. Kung kaya’t mapapababa sa kalahati na lamang ang tsana ng pagkakasakit ng kanser kung iinom ng gamot sa loob ng 10 taon.

Ngunit sa kabila ng pag-asang hatid ng pag-aaral na ito, maaga pa raw para sabihing tunay ngang mabisa ang paggamit ng pills para makaiwas sa sakit na kanser. Mangangailangan pa nang mas konkretong pag-aaral bago simuang irekomenda ang paggamit nito bilang pang-iwas sa kanser.

Bukod kasi rito, may ilang pag-aaral na isinagawa noon ang nagsasabing maaaring may koneksyon ang paggamit ng pills sa pagkakaroon ng karamdaman sa puso, kabilang na ang atake sa puso at stroke. Habang may isa pang pag-aaaral ang nagsasabi namang tumataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa suso dahil sa pills.

 

Balitang Kalusugan: Mga taong may HIV, mas mapapahaba ang buhay dahil sa isang gamot

UNAIDS

Mas mapapahaba nang halos 20 taon ang buhay ng mga taong positibo sa HIV dahil sa mga mas mura at mas epektibong antiretroviral na gamot na mabibili ngayon sa mga pamilihan. Ito ay ayon sa ulat ng UNAids, isang sangay ng United Nations na tumutugon sa laban sa sakit na HIV/AIDS.

Kung noon ay inaasahang hanggang 36 na taon lamang ang itatagal ng buhay ng isang taong positibo sa HIV, nadagdagan na ito ng 19 pang taon sa pagsapit ng taong 2001. Ang pagbagsak ng presyo ng gamot, at ang mas pinaigting na pagpapakalat sa gamot sa nakalipas na 10 taon ang naging susi sa tagumpay na ito. Mas madali nang naaabot ng tao ang gamot para sa sakit.

Ayon sa ulat ng UNAids, tinatayang umaabot na sa 15 milyong katao ang nakakaabot sa mas murang antiretroviral na gamot sa taong 2015. Ito’y malayo sa 700,000 lamang na mga indibidwal na nakakapaggamot noong taong 2000.

Ang isang taong gamutan sa HIV noong taong 2000 ay tinatayang umaabot sa $14,000 o halos P630,000; ngunit ngayon bumagsak na ang isang taong gamutan sa halos $100 na lamang, o halos P4,500.

Sa kabila nito, nagbabala ang UNAids na kinakailangan pa rin ang masigasig na suporta ng mga pamahalaan sa labang ito sa loob ng 5 taon. Mahalaga ang karagdagang pondo at mas lalo pang pagpapalawig ng pagpapakalat sa gamot.

Ang pakikibaka sa HIV/AIDS ay bahagi ng Millennium Development Goals (MDGs) na nilalayon ng mga nagkakaisang bansa (UN).

Balitang Kalusugan: Pagkalat ng MERS sa South Korea, unti-unti nang humuhupa

Ayon sa mga huling ulat ng pamahalaan ng South Korea ukol sa pagkalat ng sakit na MERS, unti-unti nang humuhupa ang pagkalat ng sakit sa bansa. Isa na lamang ang naitalang bagong kaso ng sakit noong Biyernes, ang pinakamaliit na bilang sa nakalipas na dalawang linggo.

Bumaba na rin sa 5,930 ang bilang ng naka-quarantine sa bansa, mas mababa nang 12% mula sa pinakamataas na bilang ng sumailalim sa quarantine na naitala. Isang bayan naman ang muli nang binuksan noong Biyernes matapos itong isara dahil sa pagsasailalim sa quarantine, habang isa pang bayan ang inaasahan ding magbubukas na ngayong Lunes.

Ang paghupa ng pagkalat ng sakit ay kinumpirma naman ng health minister ng South Korea, ngunit sa kabila nito, patuloy pa rin daw silang magbabantay sa mga posibleng bagong kaso ng sakit sa mga ospital.

Sa ngayon, ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa sakit ay 166. Mula sa bilang na ito, 24 na ang namatay, at 30 naman ang gumaling na at pinalabas na sa ospital.

Balitang Kalusugan: 3 pang kaso ng pagkamatay sa South Korea dahil sa MERS-CoV, naitala

Sa pinakahuling ulat ng health ministry ng South Korea ukol sa patuloy na paglaganap ng sakit na MERS-CoV sa bansa, umabot na sa 19 ang bilang ng mga namatay dahil sa sakit nitong Martes.

Ayon pa sa ulat, umabot na sa 154 ang mga kaso ng nagpositibo sa sakit, 17 pa lamang ang gumaling at napauwi na. Sa nalalabing 118 na patuloy pa ring ginagamot sa mga malalaking ospital sa Seoul, 16 ang malala pa rin at nanganganib ang buhay. Ang bilang naman ng isinailalim sa quarantine ay umabot na sa 5,500 na katao, habang 3,500 naman ang nakalaya na. Ito na ang pinakamalaking pagkalat ng MERS sa labas ng bansang Saudi Arabia kung saan pinaniniwalaang nagsimula ang sakit.

Sinasabing ang pagkalat ng sakit na MERS ay nagmula sa mga malalaking ospital sa Seoul kung kaya’t marami dito ang nagsara na muna noong Linggo.

Sa kabilang banda, nakitaan na ng bahagyang paghupa sa bilang ng mga bagong kaso ng sakit. Mula sa 12 na bagong kaso ng sakit na naitala noong Biyernes, bumaba na sa 4 ang naitalang bagong kaso ngayong Martes.

 

Balitang Kalusugan: Mga OFW sa South Korea, pinayuhan ng DOH na mag-ingat mula sa kumakalat na MERS

Bagaman wala pang nilalabas na babala ang World Health Organization (WHO) sa pagbyahe papunta at palabas sa bansang South Korea, pinag-iingat na ng embahada ng Pilipinas sa South Korea ang lahat ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa doon mula sa patuloy na kumakalat na Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) sa bansa.

Inabisuhan nila ang lahat ng nakatira at nagtatrabaho sa bansang S. Korea, partikular sa mga nagtatrabaho sa mga pagamutan sa bansa, na sundin ng lahat ng protocol upang maiwasan ang pagkakahawa sa sakit.

Dapat umano’y paratihang maghugas ng kamay, at magtakip ng ilong at bibig kung uubo o babahing. Pinaiiwas din ang lahat sa pag-hawak sa mga hayop na maaring apektado ng MERS virus, at sa mga taong pinaniniwalaang may sakit. Kung sakaling masama naman ang pakiramdam o may karamdaman sa daluyan ng paghinga, mas makabubuti daw na manatili na lamang sa bahay at isailalim ang sarili sa quarantine o kaya’y agad na magpatingin sa malapit na pagamuntan.

Ang MERS-CoV ay isang sakit sa daluyan ng paghinga na kahalintulad ng SARS at karaniwang sipon ngunit ito ay mas mabagal makahawa. Nagmula ang sakit sa bansang Saudi Arabia at nakaapekto na sa 16 na mga bansa kabilang na ang South Korea kung saan ito ngayon kumakalat ng husto.

 

 

Balitang Kalusugan: Bilang ng namatay sa S. Korea dahil sa MERS, umabot na sa 6

Naitala na sa bansang South Korea ang ika-anim na namatay dahil sa sakit na MERS, ngayong Lunes,  June 8, 2015, habang 23 naman ang naitalang bagong kaso ng sakit. Ang bilang ng mga kaso ay patuloy pa ring tumataas na ngayon ay umabot na sa 87 mula nang magsimula itong kumalat may apat na linggo na ang nakalipas.

Ang huling kaso ng pagkamatay ay isang matandang lalaki na namatay umaga ng Lunes sa isang ospital sa Daejon.

Lalong ikinabahala ng publiko ang patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng may sakit. Ngayon ay umaabot na sa 2,300 ang sumailalim sa quarantine, habang ang bilang ng mga eskwelahan na sinara ay umabot na sa 1,900.

Ayon sa mga ulat, karamihan sa kaso ng may sakit na MERS ay nasa loob ng ospital, at naipapasa lamang sa mga pasyente, kanilang mga kamag-anak at sa mga nagtatrabaho sa loob ng ospital.

Kaugnay ng patuloy na lumalalang sitwasyon sa South Korea, pinayuhan ng gobyerno ang lahat na maging maagap at isailalim ang mga sarili sa quarantine. Dahil pa rin sa MERS, kinansela na ang maraming mga aktibidades sa eskwelahan at mga pampublikong kaganapan maraming lugar sa bansa lalo na sa malaking syudad na Seoul at sa paligid ng Gyeonggi province.

.

Balitang Kalusugan: 2 Patay sa patuloy na pagkalat ng MERS Virus sa South Korea

Nagbabala na ang World Health Organization sa patuloy na pagkalat ng MERS virus sa South Korea. Ayon sa huling bilang na kinumpirma ng Korean Centers for Disease Control and Prevention, umabot na sa 35 ang bilang ng mga may sakit, at 2 na ang namatay, habang umabot na sa 1,369 ang bilang ng mga kaso ng naka-quarantine ngayon sa mga apektadong lugar. Ito na ang pinakamalaking pagkalat ng sakit sa labas ng bansang Saudi Arabia kung saan pinaniniwalaang nag-umpisa ang mga kaso ng sakit.

Ang unang kaso ng MERS o Middle East respiratory syndrome sa bansa ay naitala noong May 20 nang magkasakit ang isang lalaki na umuwi sa South Korea matapos maglakbay mula Saudi Arabia, UAE, Qatar, at Bahrain.

Ang MERS ay kahalintulad din ng sakit na SARS (severe acute respiratory syndrome) na pumutok sa maraming bansa sa nakalipas na dekada, ngunit ‘di tulad ng SARS, ang MERS ay hindi madaling maipasa sa ibang tao. Kaya naman, marami ang nasorpresa sa mabilis at patuloy na pagkalat ng MERS virus sa bansa.

Buhat nito, nagpulong na ang pamahalaan ng South Korea para tugunan ang lumalalang kaso ng MERS. Sinara na rin ang halos 700 eskuwelahan sa South Korea upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng sakit

Balitang Kalusugan: Iba’t ibang isyung pangkalusugan, tinalakay sa World Health Assembly

Sa kakalipas pa lamang na 68th World Health Assembly, tinalakay ang ilang mahahalagang isyung pangkalusugan na nagaganap sa mundo. Ayon sa director general ng Wold Health Organization na si Margaret Chan, ang kakalipas pa lamang na pagpupulong pinakamatagumpay sa lahat ng mga lumipas na pagpupulong.

Bahagi ng mga napagpasayahan sa kakatapos pa lang na pagpupulong noong Mayo 18-26 ay ang planong aksyon laban sa umiigting na resistensya ng mga sakit sa mga gamot, pagpapalakas ng bakuna laban sa mga sakit, mga stratehiya na tatalakay sa pangkalusugan ng publiko sa buong mundo, pagpapaigting ng pagsasaliksik sa mga napabayaang sakit, paghahanda laban sa sakit na influenza, pagresponde sa mga sakit gaya ng Ebola, at ang pakikitungo ng WHO sa mga may mabubuting loob na tumutulong sa kanilang adhikain.