Balitang Kalusugan: 2 Ospital sa Maynila, inihahanda para sa ispesipikong paggagamot

Dalawa sa pangunahing ospital sa Maynila ang inihahanda ngayon upang maging espesyal na pagamutan. Ang isa ay inihahanda bilang espesyal na ospital para sa bato (kidney, dialysis), habang ang isa pa ay para naman sa mga kondisyon sa puso (cardiology).

Ayon sa pahayag ni Mayor Joseph Estrada, ang alkalde ng lungsod, ang Ospital ng Sta. Ana ang tinitignan upang maging sentrong pagamutan ng mga sakit sa puso, habang ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo ang pinaplano namang maging sentrong pagamutan ng mga sakit sa bato. Dagdag pa rito, ang Ospital ng Maynila ang mananatili pa ring pangunahing ospital ng lungsod.

Inaasahang mapapasinayaan na ang mga pagbabago sa Ospital ng Maynila sa susunod na buwan matapos ang P200 milyong  pagpapagawa dito. Magkakaroon ng bagong gusali at karagdagang mga kwarto at higaan para sa mga pasyente.

Taong-taon, halos sangkatlo ng kabuuang budget ng lungsod ang napupunta sa mga gastusin sa anim na ospital sa bawat distrito. Ito ay tinatayang P200 hanggang P300 milyon.

Sa kasalukuyan, ang Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital ay mayroon nang 64 na bagong makina na pang-dialysis, at ito ay madadagdagan pa ng 36 na bagong makina upang makumpleto ang bilang na 100 na makina sa ospital.

Nilalayon din ng pamahalaang lungsod ng Maynila na pag-igtingin ang suporta sa 59 na health center sa lungsod, at 12 na mga klinikang paanakan. Ang lahat din ng serbisyo sa mga ospital sa lungsod ay mananatiling libre para sa lahat ng residente ng Maynila.

Balitang Kalusugan: 17% na pagtaas ng kaso ng HIV, resulta ng ‘di ligtas na pagtatalik

Patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng kaso ng nagkakasakit ng AIDS/HIV sa ating bansa. Ngayong taon, umakyat na sa 17% ang bilang ng nagpositibo sa HIV mula Agosto sa nakalipas na taon hanggang Agosto sa taong kasalukuyan. At dagdag pa ng Department of Health (DOH), ito ay dahil umano sa hindi ligtas na pakikipagtalik.

Pagtatalik ang nangungunang paraan ng pagpasa ng sakit na AIDS/HIV. Ayon sa datos ng DOH, 94.64% sa mga bagong kasong naitala ngayong taon ay dahil daw sa hindi ligtas na pakikipagtalik. Ang bilang na 469 o 83% ng mga bagong kaso ay nakuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki o men having sex with men.

Kaugnay nito, hinihikayat ng DOH ang lahat na mas paboran ang ligtas na pamamaraan ng pakikipagtalik. Kabilang dito ang paggamit ng condoms sa pakikipagtalik, pati na ang pananatili lamang sa iisang kapareha.

 

Balitang Kalusugan: Pagsasabuhay ng 4S, solusyon sa lumalalang kaso ng Dengue

Ayon kay Health Secretary Janette Garin, hindi lang dapat memoryahin ang mga hakbang laban sa lumalalang dengue, bagkus dapat ay isabuhay din. Sa ganitong paraan, mas magiging epektibo ang mga programa ng DOH kontra dengue.

Simple lamang daw ang mga hakbang na nais ipatupad ng DOH. Dapat lamang makiisa sa programa ng mga barangay kaugnay ng Aksyon Barangay Kontra Dengue (ABKD) at tandaan din ang 4S: (1) Search & destroy mosquito breeding places o pagkalap at pagsira sa mga lugar na itlugan ng mga lamok, (2) use Self-protection measures o pagsusuot at paggamit ng mga proteksyon laban sa nangangagat na lamok, (3) Seek early consultation for fevers lasting more than 2 days o agad na pagpapatingin sa doktor kung may lagnat na higit na sa 2 araw, at pang-huli, (4) Say yes to fogging when there is an impending outbreak o pagsuporta sa  pagpapa-usok sa lugar na may napapabalitang paglaganap ng dengue.

Dagdag pa ni Sec. Garin, ang tagumpay ng pakikibaka laban sa dengue ay nagsisimula sa mga tahanan. Dapat panatilihin ang kalinisan sa bawat bahay sapagkat hindi lamang ang pamilya ang makikinabang kundi ang buong komunidad.

Balitang Kalusugan: Isang Saudi national, namatay sa Pilipinas matapos makitaan ng sintomas ng MERS

Isang 63 anyos na lalaki na taga-Saudi ang namatay noon pang Setyembre 29, 2015 sa isang pribadong ospital sa Pilipinas. Sinasabing nakitaan ng sintomas ng impeksyon ng Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus (MERS-CoV) bago siya namatay. Ang lalaki ay namatay matapos ang dalawang linggong pagbabakasyon sa Pilipinas.

Ayon kay Health Secretary Janette Garin, hindi na nagawang masuri pa ng Department of Health (DOH) ang katawan ng namatay sapagkat tapos nang ma-embalsamo ito nang alertohin ang kanyang ahensya.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng DOH ang kaso mula sa kanyang pagdating sa bansa noong Setyembre 17. Sinasabing nanatili lamang sa hotel ang matanda hanggang sa nagkasakit at makitaan ng sintomas noong Setyembre 26. Dinala lamang siya sa ospital noong Setyembre 28, at agad namang binawian ng buhay noong Setyembre 29. Patuloy pa ring inaalam ang lahat ng taong nakasalamuha ng namatay na Saudi national.

Wala pang kompirmasyon mula sa DOH kung ito nga ang unang kaso ng pagkamatay sa bansa dahil sa MERS.

Balitang Kalusugan: Probinsya ng Bulacan, isinailalim sa State of Calamity dahil sa dengue

Ideneklara na din ang State of Calamity sa lalawigan Bulacan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue.

Ayon sa Bulacan Provincial Epidemiology Surveillance Unit, umabot na sa 4,700 ang bilang ng nagkasakit mula pa noong Enero ngayong taon. At 11 mula sa bilang na ito ang namatay.

Lubos na nabahala ang pamahalaan ng Bulacan sapagkat mas mataas nang 230 porsyento ang bilang ng nagkasakit ngayong taon, kumpara sa nakaraang taon. Pinakamataas ang bilang ng nagkasakit sa mga kabataang may edad na 11 hanggang 20.

Bilang pagtugon sa ideneklarang state of calamity, naglaan ang lokal na pamahalaan ng 39-milyon na budget para mapigilan ang patuloy na pagkalat ng sakit. Gamit ang pondong ito, makapagbibigay ng libreng pagpapa-ospital at gamot sa mga bagong kaso ng nagkasakit. Pag-iigtingin din lalo ng Pamahalaan ng Bulakan ang pagpapakalat ng kaalaman sa publiko kung paano mapipigil ang pagkalat ng sakit.

Balitang Kalusugan: World Rabies Day, ginunita ng DOH

Bilang suporta sa pakikibaka ng iba’t ibang organization sa buong mundo, kabilang na ang World Health Organization, laban sa patuloy na bilang ng mga namamatay dahil sa impeksyon ng rabies, ginunita noong Setyembre 28 ang World Rabies Day. Ang Department of Health ay nakikiisa rin sa kampanyang ito.

Ayon sa datos ng DOH, 300 hanggang 400 ang namamatay na Pilipino taon-taon dahil sa impeksyon ng rabies. At karamihan dito ay mula sa kagat ng aso. Ngunit sa kasalukuyang bilang, umaabot pa lamang sa 162 ang namatay sa Pilipinas dahil sa impeksyon ng rabies virus mula Enero hanggang Agosto ngayong taon. Mas mababa ito nang 21% kaysa sa naitalang bilang sa kaparehong buwan sa nakalipas na taon.

Bilang pakikisa sa kampanya kontra sa rabies, nagpaalala ang DOH sa mga lugar na may mataas na panganib ng rabies virus. Pinaalalahanan nila ang lahat, lalong-lalo na ang mga magulang ukol sa kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa rabies virus hindi lamang para sa kanilang mga anak, kundi pati na rin sa mga alagang hayop.

Nagpaalala din ang DOH na may librang bakunang inaalok sa mga lokal na klinika at mga baranggay health centers.

Balitang Kalusugan: Kaso ng dengue sa Pilipinas, tumaas nang 16.5%

Lubos na nababahala ang Department of Health sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng nagkakasakit ng dengue sa buong kapuluan ng Pilipinas. Tinatayang nahigitan na nang 16.5% ang bilang ng nagkasakit sa taong 2015, kumpara sa bilang noong taong 2014.

Ayon sa pinakahuling datos ng Department of Health-Epidemiology Bureau, umabot na sa 78,808 ang bilang ng nagkasakit mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon. Ito ay mas mataas nang 16% sa bilang na 67,637 noong nakalipas na taon sa kaparehong buwan. At mula sa bilang na ito, 233 ang naitalang namatay.

Pinakamataas na bilang na naitala ay mula sa Calabarzon kung saan may 11,894  na bilang ng kaso, sinundan ng Central Luzon na may 11,806, NCR na may 8,099, Ilocos Region na may 6,501, at Central Mindanao na may 5,795.

Kaugnay nito, muling hinimok ng DOH ang publiko na labanan ang pagkalat ng dengue sa isang lugar. Naghanda na rin ang Red Cross sa posibleng pagtaas ng pangangailangan sa dugo.

 

 

 

 

Balitang Kalusugan: Lalawigan ng Cavite, isinailalim sa state of calamity dahil sa dengue

Aedes_aegypti_feeding

Isinailalim na sa state of calamity ang probinsya ng Cavite matapos biglaang tumaas ang bilang ng nagka-dengue fever sa pagpasok ng ikalawang linggo ng Setyembre.

Ayon kay Dr. George Repique ng Provincial Health Office ng lalawigan, umabot na sa halos 4,000 ang bilang ng nagkasakit, habang 16 naman mula sa bilang na ito ang namatay. Naitala ang bilang na ito mula Enero hanggang Setyembre 12 ng kasalukuyang taon.

Dagdag pa ni Dr. Repique, tumaas nang 200 porsyento ang bilang na ito kung ikukumpara sa nakalipas na taon.

Ang may pinakamataas na bilang ng nagkasakit ay sa lungsod ng Dasmariñas, na sinundan naman ng mga bayan ng General Trias at Trece Martires. May mataas din na bilang na naitala sa Imus at Bacoor.

Balitang Kalusugan: 13 estudyante, naospital matapos uminom ng bitamina

Labing-tatlong estudyante sa Iloilo ang sinugod sa ospital matapos makaramdam ng pananakit ng tiyan dahil sa ininom na Vitamin C tablet. Ayon sa isang estudyante na nakaramdam ng pananakit ng tiyan, ininom nila ang nangunguyang tableta pagkatapos magtanghalian, at kasunod nito ay naramdaman na nila ang matinding pananakit ng tiyan.

Ayon sa municipal nurse ng San Enrique Rural Health Center na si Leizyl Omena, ang ininom na tableta ng mga estudyante ay hindi pa expired, bagaman napansin nilang basa ang mga tableta. dagdag pa niyan, posibleng epekto ng acid reflux ang pananakit na kanilang naramdaman.

Agad naman pinauwi ang mga estudyante matapos mabigyan ng paunang lunas. Ang mga tableta naman na kanilang ininom ay pinadala na sa Porvincial Health Office upang masuri.

 

Balitang Kalusugan: 2 Pinay Nurse, nakalabas na ng ospital matapos mag-negatibo sa MERS-CoV Infection

Nakalabas na ng ospital ang 2 Pinay nurse na na-confine sa isang ospital sa Riyadh, Saudi Arabia matapos mag-negatibo sa Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus (MERS-CoV) infection. Ito ang kinumpirma ng tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs na si Ginoong Charles Jose noong Martes. Ngunit sa kabila nito, may naiwan pa ring dalawa Pilipinong sa Intensive Care Unit ng ospital at patuloy pa rin na inoobserbahan.

Tiniyak naman ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh na nabibigyan ng kinauukulang pagkalinga ang dalawang Pilipinong nurse na naiwan pa rin sa ospital sa Riyadh. Siniguro din nila na napagpapaalaman ang mga pamilya nila na naiwan sa Pilipinas.

Ang pagkakaroon ng sakit na MERS ay makapagdudulot ng mataas na lagnat, ubo, at hirap sa paghinga. Ayon sa datos ng World Health Organization, higit 1000 na ang nagkaroon ng sakit na ito, at daan-daan na rin ang namatay mula nang magsimulang pumutok ang sakit noong 2012.