Balitang Kalusugan: Pabago-bagong oras ng paggising sa umaga, maaaring maka-kontribyut sa pagkakaroon ng diabetes, sakit sa puso

Kinumpirma ng isang pag-aaral na inilabas sa Journal of Clinical Endocrinology & Metabolism na ang pagbabago sa nakagisnang oras ng paggising sa umaga ay nakakontribyut o nakadaragdag sa panganib ng pagkakaroon ng abnormalidad sa metabolismo ng katawan. Dahil dito, tumataas din ang posibilidad ng pagkakaranas ng mga sakit o kondisyon na may kaugnayan sa metabolismo, tulad ng diabetes, sobrang timbang o obesity, at mga karamdaman sa puso.

Ayon sa pag-aaral na isinagawa sa University of Pennsylvania, sa Estado Unidos, ang mga taong gumigising nang maaga dahil sa trabaho ay nakapagdudulot ng pagbabago sa circadian rhythm o nakagisnang takbo ng oras na nakakaapekto naman sa normal na paggana ng metabolismo ng katawan. Dagdag pa nila, isa ito sa mga itinuturong dahilan ng pagtaas ng bilang ng taong nakararanas ng diabetes at pagkakaroon ng sobrang timbang.

Isinagawa ang pag-aaral sa 447 na mga indibidwal na may regular o full-time na oras ng trabaho. Sila ay may edad 30 hanggang 54, at binubuo ng 53% na mga kababaihan. Sa buong haba ng panahon ng pagsasaliksik, binatayan ang kanilang pagkain, mga gawain, at oras ng pagtulog at paggising sa bawat araw.

Walumpu’t limang porsyento (85%) sa mga indibidwal na binantayan ay nakitaan ng pabago-bagong oras sa kanilang pagtulog at sila’y binansagang “social jet lag”. Ang mga indibidwal na ito ay nakitaan ng iba’t ibang ebidensya ng abnormalidad sa metabolismo gaya ng pagtaas sa lebel ng cholesterol sa dugo, paglaki ng sukat baywang, pagtaas na timbang, at pagtaas din ng resistensya sa insulin, kumpara sa 15% ng mga indibidwal na may maayos na tulog.

Ang resulta ng kanilang pag-aaral ay maaaring maging basehan ng mga susunod pang pag-aaral sa hinaharap na nagtatalakay din sa kaugnayan ng pagbabago sa circadian rhythm ng tao at normal na takbo ng kanyang metabolismo.

 

 

Antibiotics Awareness Week: Gamitin nang wasto ang antibiotics

Ang antibiotics ay mga gamot na tumutulong labanan ang iba’t ibang uri ng impeksyon sa katawan. Tumutulong itong puksain ang iba’t ibang uri ng bacteria at maliliit na organismo na nakapasok sa katawan. Ngunit kung ang mga antibiotic ay gagamitin nang mali, maaaring makasama lamang ito imbes na makatulong.

Maaaring magkaroon ng “drug resistance” ang mikrobyo sa katawan at sa kalaunan ay hindi na tatalaban pa ng kahit na anong gamot. At dahil dito, ang sakit ay mas lulubha at maaaring hindi na gumaling.

Paano ito maiiwasan ang drug resistance sa mga mikrobyo?

  1. Huwag basta-basta uminom ng antibiotic. Magpakonsulta muna sa doktor kung hindi mabuti ang pakiramdam.
  2. Inumin ang antibiotic ayon sa payo ng doctor at pharmacist. Kumpletuhin ang inirisetang gamutan. Huwag itigil ang gamutan kahit makaramdam ng pagbuti sa mga unang araw ng pag-inom ng antibiotics.
  3. Bumili lamang ng antibiotics sa mga lisensyadong botika ng FDA upang makasiguro na dekalidad ang iinuming gamot.
  4. Huwag manghiraman o gumamit ng reseta na hindi laan sa iyo.

Sa darating na Nobyembre 16-22, gugunitain ang Antibiotics Awareness Week sa pangunguna ng WHO Regional Office for the Western Pacific. Layunin nitong ikalat ang impormasyon tungkol sa responsableng paggamit ng antibiotic at ang panganib na hatid sa lahat ng lumalaganap na antibiotic resistance.

Balitang Kalusugan: Pagtaas ng kaso ng dengue, konektado sa nararanasang El Niño

Lumalabas sa isang pag-aaral na isinagawa ng University of Pittsburgh Graduate School of Public Health na ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng dengue ay maaaring konektado sa nararanasang El Niño phenomenon sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya.

Ayon kay Willem G. van Panhuis, M.D., Ph.D., ang punong may-akda ng pag-aaral na isinagawa, may matinding epekto ang mainit na panahon na dulot ng El Niño sa biglaang pagtaas ng mga kaso ng dengue. Sinasabing ang mainit na panahon kasi ay pabor para sa masmabilis na pagdami ng mga lamok na maaaring magkalat ng sakit dengue sa mga pamayanan, lalo na sa mga urbaninad kung saan patuloy ang pagpasok ng mga tao.

Pinapakita din sa pag-aaral na ang mga pinakamatataas na kaso ng dengue sa buong rehiyon ng Timog-Silangang Asya ay sa mga taong 1997 at 1998 kung saan mayroon ding naganap na matinding El Niño.

Layon ng kanilang pag-aaral na mpabatid ang pattern ng pagkalat ng sakit ng dengue hindi lamang sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya, kundi sa lahat ng mga bansa sa mundo na nasa rehiyong Tropiko. Layon din ng pag-aaral na makatulong sa paghahanda sa mga susunod pang paglaganap ng dengue at agad na matugonan ang mga pangangailangan at mga kakulangan.

Itinuturing na pinakamatinding El Niño sa nakalipas ng dalawang dekada ang nararanasang matinding init ngayon sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya. At kasabay nito ay tumaas naman nang higit 16% ang kaso ng dengue sa Pilipinas.

Sakang o Piki? Kaibahan ng mga Depormasyon sa Binti

Ang mga binti ang sumusuporta sa buong itaas na bahagi ng katawan kapag nakatayo ang isang tao. Kaya naman nararapat lamang na ang pares ng binti ay manatiling tuwid, matibay, at malakas. Ngunit sa kasamaang palad, may mga pagkakataon na ang mga buto sa binti ay kumukurba at nagkakaroon ng depormasyon dahil sa ilang mga kondisyon at pagkukulang sa nutrisyon. At ito ay nagreresulta sa pagiging piki (knock-knee) o sakang (bow-legged) ng mga binti.

sakang

Sakang (Bow-leggedness)

Ang pagiging sakang, o genu varum sa terminong medikal, ay ang kondisyon kung saan ang mga binti ay kumukurba palabas na tila pana (bow). Kadalasan, ito ay dulot ng karamdaman o kakulangan ng nutrisyon sa katawan na pumipigil sa pagtigas ng mga buto sa binti. Sa kalaunan, ang buto ay bumabaluktot at humahantong sa pagiging sakang.

Piki (Knock-knee)

Ang pagiging piki, o genu valgum sa terminong medikal, ay ang kondisyon naman na tumutukoy sa pagbaluktot ng binti paloob at kadalasang nagdidikit ang mga tuhod. Ito din ay dulot ng karamdaman o kakulangan ng nutrisyon sa katawan na pumipigil sa pagtigas ng mga buto sa binti.

 

ABKD (Aksyon Barangay Kontra Dengue)

Bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa, inilabas ng Department of Health ang ilang mga hakbang para maiwasan ang pagdami ng lamok na maaaring may dalang dengue sa mga barangay. Ang ABKD (Aksyon Barangay Kontra Dengue) ay kampanya ng DOH para malinis ang mga lugar na maaring pamugaran ng lamok na may dengue.

Ang mga sumusunod na hakbang ay makatutulong na labanan ang pagdami ng lamok.

1. Butasan, biyakin o kaya ay lagyan ng lupa ang mga gulong upang hindi maipunan ng tubig at pangitlugan ng lamok.

2. Takpan ang mga drum, timba at iba pang ipunan ng tubig upang hindi pamahayan ng kiti-kiti at linisin ito minsan isang linggo.

3. Palitan ang tubig ng plorera o flower vase minsan isang linggo.

4. Linisin at alisin ang tubig sa paminggalan o lalagyan ng mga plato.

5. Itapon ang iba pang bagay na maaring pag-ipunan ng tubig at pangitlugan ng lamok tulad ng lata, bote at tansan.

6. Linisin ang alulod ng bahay upang hindi maipunan ng tubig at pamahayan ng kiti-kiti.

GAWING DENGUE-FREE ANG INYONG BARANGAY.

ABKD

Ang Traffic Ay Nakakamatay

Ang Kamaynilaan ay isang malaking urbanidad kung saan bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao ang pagkakaipit sa traffic. Ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), umaabot sa P2.4 bilyon na halaga ang nawawala sa ekonomiya ng bansa dahil dito. Ngunit bukod sa epekto nito sa ekonomiya ng bansa, ang pagkaka-ipit ng mga Pilipino sa matinding traffic ay may masasamang epekto rin sa kalusugan, lalo na kung ito ay magpapatuloy nang magtatagal na panahon.

Ayon sa pag-aaral ng mga dalubhasa sa Toronto, ang madalas na pagkakaranas ng stress dahil sa traffic gayundin ang pagkakalantad sa polusyon sa lansangan ay magkakaparehong may masamang epekto sa kalusugan ay maaaring humantong sa mga nakakamatay na sakit.

traffic

1. Kanser

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang lansangan ay nababalot ng usok mula sa mga sasakyan. At ang maiitim na usok na ito na nagmumula sa mga tambutso ng sasakyan ay may mga nakakasamang kemikal, gaya ng carbon monoxide, na carcinogenic o nakapagdudulot ng kanser. Kaya naman, ang pagkakaipit nang matagal sa trapiko, partikular sa mga pasahero ng jeep na lantad sa usok ng lansangan, ang makapaghahatid sa panganib na ito.

2. Epekto sa pag-iisip

Ang abilidad ng tao na makapag-isip nang maayos ay apektado rin kung palagiang naaabala sa mahabang traffic. Mas nagiging mainit ang ulo ng mga nagmamaneho at nagiging iritable kahit sa simpleng pagsisiksikan sa masikip na kalsada. Ito ang kadalasang pinag-uugatan ng karahasan at krimen sa kalsada na ikinamatay na rin nang marami.

3. Altapresyon

Malimit ding maranasan ng mga taong naiipit sa trapiko ang pagtaas ng presyon ng dugo dahil sa stress na hatid ng hindi pag-usad ng sasakyan. Ito ay mas lalong nararanasan kapag nagmamadali na o may emergency na pupuntahan. Alam naman natin na ang altapresyon ay may masamang dulot sa kalusugan at maaaring humantong sa seryosong komplikasyon gaya ng atake sa puso at stroke.

4. Kakulangan ng tamang nutrisyon

Dahil naman sa pagmamadali para lang maiwasan ang matinding traffic sa pagpasok sa opisina sa umaga, o kaya naman kung maiipit nang matagal sa traffic habang pag-uwi sa gabi, madalas ay nakakaligtaan na ang sapat, masustansya, at kumpletong almusal at hapunan. Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon sa loob ng matagal na panahon, maaaring magkulang sa tamang nutrisyon na kinakailangan sa pang-araw-araw.

5. Matinding stress

Ang matinding stress na hatid ng sobrang traffic ay matagal nang napatunayan na may masamang epekto sa kalusugan. Isa rin ito sa mga itinuturong dahilan o risk factors na nakaka-kontribyut sa pagkakaroon ng ilang mga nakamamatay na sakit. Ayon sa mga pag-aaral, mas matindi ang nararanasang stress ng isang indibidwal na naiipit sa trapiko nang 3 hanggang 4 na beses sa isang linggo.

Mga palatandaan ng pagka-adik sa cellphone

Adik ka ba sa pagtetext at paggamit ng cellphone? Ayon sa pagsasaliksik ng mga eksperto, lumalabas na patuloy na tumataas ang bilang ng mga taong nakakaranas ng pagka-adik sa cellphone sa iba’t ibang bahagi ng mundo. At ang adiksyon ito ay may mga senyales tulad ng sumusunod:
  1. Balisa kung wala ang cellphone sa tabi mo. Ang mga taong adik sa cellphone ay sinasabing dumaranas ng “separation anxiety” kung matagal na hindi mahawakan ang kanilang cellphone. Nararansan din ito kung low bat o walang charge ang cellphone, o kaya walang load.
  2. Panay ang gamit mo ng cellphone kahit na may mga kasama kang tao.
  3. Hindi mo magawa ang mga gawain gaya ng pagtatrabaho o pagkain nang hindi lumilingon sa cellphone.
  4. Nakakatulog at nagigising ka na nakatingin sa iyong cellphone.
  5. Dala-dala mo ang cellphone kahit saan – kahit sa banyo.
  6. Nahuhuli mo ang sarili na nakatitig sa cellphone kahit wala naman talagang ka-text o partikular na ginagawa.
cell phone
Ang pagka-adik sa cellphone ay may mga maaaring hindi kanais-nais na epekto, gaya ng pagkalabo ng mata, pananakit ng kamay at leeg, at syempre, maaaring maka-apekto ito sa iyong trabaho at pakikisama sa ibang mga tao. Narito ang mga hakbang na maaaring gawin upang maiwasan ang adiksyon sa cellphone:
  1. Magpahinga paminsan-minsan. Subukan na kahit isang araw sa isang linggo o sa isang buwan na huwag gumamit ng cellphone.
  2. Huwag isama kung may mga kasama. Kung may mga okasyon na kasama mo ang mga pamilya, kaibigan, o ibang mahal sa buhay, pwede mong i-silent mode o patayin ang cellphone para hindi ka ma-distract.
  3. Magtalaga ng oras ng paggamit. Pwede mo ring ugaliin na pagkatapos ng 10 ng gabi (o anumang oras) ay tama na ang paggamit ng cellphone.
  4. Maghanap ng ibang magagawa. Bagaman tayo’y nasa “modernong” panahon na, huwag nating kalimutan ang iba’t ibang aktibidad na makakatulong sa ating kalusugan at kasiglahan, gaya ng sports, pag-eehersisyo, pagbabasa ng libro, at mas delakidad na oras ng pakikipag-usap sa ating mga mahal sa buhay.
Ang cellphone ay naging bahagi na ng ating buhay, ngunit ika nga, “too much of anything can’t be good” kaya dapat lang na siguraduhin natin na hindi tayo masosobrahan.

Kaalaman tungkol sa substansyang Melamine

Ano ang melamine?

Ang melamine ay isang organikong kemikal na ang hitsura ay maputing malapulbos na kristal. Ito ay may mataas na lebel ng nitogen.

Para saan ang melamine?

Ang melamine ay ginagamit sa paggawa ng mga produktong plastic, pandikit, at whiteboard.

Bakit nagkakaroon ng melamine sa mga produktong gatas?

Ang presensya ng melamine sa mga produktong gatas ay resulta ng pandaraya sa mga produktong gatas sa bansang Tsina. Ito ay nagsisimula sa pagdaragdag ng tubig sa gatas na nakakapagpababa sa lebel ng mahalagang protina sa gatas. At upang makapasa ang produktong gatas sa mga pagsusuri na nagsasabing ito ay may sapat na dami ng protina (tinitignan ang lebel ng nitrogen sa produko upang masabi na may sapat na protina), dinaragdagan ito ng melamine.

Ang pagdaragdag ng melamine sa mga produktong gatas ay hindi aprubado ng FAO, WHO at iba pang mga awtoridad na nagsusuri sa kaligtasan ng mga iniinom at kinakaing produkto.

Saan pang mga pagkain maaaring makita ang melamine?

Sa pagputok ng isyu tungkol sa paggamit ng melamine noong taong 2007, napag-alamang dinaragdag din ang kemikal na ito sa mga produktong harina at bigas na ginagamit sa paggawa ng mga pagkain ng alagang hayop.

Ano ang mga maaaring epekto ng melamine sa kalusugan?

Sinasabing maaaring magdulot ng pagkakaroon ng bato sa bato (kidney stones) ang sobrang pagkonsumo ng produktong may melamine. Ang mga namuong kristal ng melamine ay maaari ding magdulot ng pagbabara sa maliliit na tubo sa bato at humarang sa dadaluyan ng ihi. Ang pinakamalalang problemang maidudulot nito ay ang pagkasira mismo ng mga bato.

Ano ang mga sintomas na may kaugnayan sa pagkakalason ng melamine?

Ang pangunahing sintomas na maaaring maranasan dahil sa pagkonsumo ng melamine ay hirap sa pag-ihi, pagdurugo sa pag-ihi, at mataas na presyon ng dugo.

Paano magagamot ang problema sa bato na dulot ng melamine?

Kinakailangan ang agarang pagpapasuri sa kondisyon ng bato. Sa pagtukoy sa kalagayan ng kalusugan ng mga bato nakasalalay ang gamutan na kakailanganin. Maaaring painumin ng ilang mga gamot na tutulong sa pagtunaw ng mga namuong bato, o kaya naman ay isailalim sa operasyon upang agad na maalis ang namuong bato.

Balitang Kalusugan: Pagtayo nang dalawang oras sa bawat araw, makabubuti sa kalusugan

Sa nakalipas na mga taon, ilang pagsasaliksik ang nagsasabing maaaring makasama sa kalusugan ang matagal na pagkakaupo at kawalan ng aktibong pamumuhay. Ito ay maaaring maiugnay sa pagbigat ng timbang, pagkakaroon ng sakit sa puso at kanser, pati na ang maagang pagkamatay.

Kaya naman, isang pag-aaral ang isinagawa ng mga eksperto sa pampublikong kalusugan at kanila itong nailathala sa British Journal of Sports Medicine. Ayon sa kanilang pamantayan, makatutulong daw na malayo ang sarili sa mga karamdaman na dulot ng pag-upo nang matagal kung tatayo ng hindi bababa sa 2 oras sa sa bawat araw. Sa paglaon, ang 2 oras ay dapat doblehin pa  o kaya’y sabayan pa ito ng karagdagang pagkilos.

Mababasa din sa kanilang pamantayan na ang mga indibidwal na pinakamatagal kung umupo ay silang may pinakamataas din na panganib ng pagkakaroon ng Type 2 diabetes at sakit sa puso. Mas mataas din nang 13% ang panganib ng pagkakaroon ng kanser, at 17% na posibilidad ng mas maagang pagkamatay. Mas mataas din ang kanilang panganib na dumanas ng pananakit sa mga kasukauan at buto sa likod.

Payo ng mga eksperto, dapat ikonsidera ng mga kompanya ang kalusugan ng kanilang mga empleyado at bigyan sila ng sapat na oras ng pagpapahinga at makatayo paminsan-minsan.

Balitang Kalusugan: Regular na pag-inom ng kape, makabubuti sa puso

Pagpapabuti ng daloy ng dugo, at pagpapababa ng posibilidad ng pagbabara sa mga ugat, iyan ang sinasabing mabuting maidudulot ng pag-inom ng kape araw-araw. Ito ay ayon sa bagong pag-aaral na isinagawa ng mga batang siyentipiko sa bansang Korea.

kape

Ayon sa kanila, ang mga taong umiinom ng 3 hanggang 5 tasa ng kape bawat araw ay may mas mababang posibilidad ng pagkakaroon ng baradong coronary artery dulot ng namuong calcium sa loob ng mga ito. Ang coronary arteries ang siyang nagsusuplay ng dugo sa puso, kaya’t ang pagbabara nito ay tiyak na konektado sa pagkakaroon ng mga karamdaman sa puso.

Ang pag-aaaral na ito ay taliwas sa paniniwala noon na ang pagdaragdag ng caffeine sa katawan ay maaaring maka-kontribyut sa pagkakaroon ng sakit sa puso.

Ang pag-aaral ay isinagawa sa Kangbuk Samsung Hospital sa Seoul, South Korea  sa pamumuno ni Dr. Eliseo Guallar kung saan kumalap sila ng impormasyon sa 25,000 na katao na ang edad ay naglalaro sa 41 taong gulang.

Binantayan ang lebel ng calcium sa mga ugat ng mga rumesponde at napag-alaman na ang mga taong umiinom ng 3 hanggang 5 tasa ng kape bawat araw ay mas mababa ng 40 porsyento sa lebel ng calcium kung ikukumpara sa mga taong hindi uminom ng kape.

Bukod sa pag-aaral na ito, mayroon nang mga naunang ulat at pag-aaral na nagsasabi rin na may benepisyong maaaring makuha sa regular na pag-inom ng kape, ngunit sinasabing ang pag-aaral na isinagawa ni Dr. Guallar at mga kasama niya ang pinakamalaking pag-aaral sa relasyon ng kape at kalusugan ng puso.