HIV/AIDS sa Pilipinas: 9,264 na kaso naitala noong 2016

Ayon sa Department of Health (DOH), sa taong 2016 ay may 9,264 na kaso ng HIV na naitala. Sa buwan lamang ng Disyembre ay may 750 na kaso – ang pinakamataas na naitalang sa isang buwan sa buong kasaysayan ng bansa. Sa mahigit na 9,000 na kaso, 1,113 dito ay ganap na AIDS (ibig-sabihin, naging isa nang lubos na sakit na dulot ng virus na HIV) at 439 ang namatay.

Ang mga datos na ito ay nagpapakita na bagamat ang HIV/AIDS ay bumababa na sa maraming bahagi ng mundo, ito’y pataas parin ng pataas sa Pilipinas. At maraming doctor ang nagsasabi ang numerong 9,264 ay hindi pa ang kabuuan ng larawan sapagkat ang karamihan ay hindi nagagawan ng HIV testing.

Ayon sa DOH, kabilang sa mga hakbang na ginagawa upang malutasan ang pagtaas ng HIV ang pamimigay ng condom sa mga grupong mataas ang posibilidad na magkaron ng HIV, at ang pagkakaron ng mas maraming oportunidad para magsagawa ng HIV testing.

Para naman sa mga Pilipino, ang ang maaaring gawin upang makasiguro patungkol sa HIV/AIDS?

(1) Gawin ang mga iba’t ibang hakbang upang maka-iwas sa HIV. Basahin: Paano maka-iwas sa HIV/AIDS

(2) Tiyakin ang iyong HIV status (positive o negative) sa pamamagitan ng HIV testing. Basahin: Paano malaman kung may HIV/AIDS 

(3) Kung ikaw ay HIV positive, siguraduhing ikaw ay may tamang gamot, at iwasang ibahagi ang virus sa ibang tao. Basahin: Ano ang gamot sa HIV/AIDS?

 

Temperatura sa Maynila, umabot ng 34.7 C! Narito ang mga health tips ngayong tag-init

HeatStroke

Tag-init na naman at pataas ng pataas ang temperatura sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas! Ayon sa PAGASA, ang temperatura sa Kamaynilaan ay umabot na ng 34.7 C.

Narito ang mga iba’t ibang paraan upang manatiling mabuti ang lagay ng kalusugan sa kabila ng init:

  • Uminom ng mas maraming tubig upang mapanatiling hydrated ang katawan.
  • Iwasan ang sobrang nakakapagod na mga gawain sa tanghaling tapat at sa kainitan ng araw.
  • Iwasan ang pag-inom ng inuming may alcohol (halimbawa, alak) o caffeine (halimbawa, kape) sapagkat maari nitong palalain ang dehydration o kawalan ng tubig.
  • Ang paliligo o pagbabanlaw sa tubig ay nakakatulong sa pagpapababa ng temperatura ng katawan.
  • Magpahinga at matulog ng sapat upang maka-recover ang katawan sa pagod at panghihina.
  • Kumain ng masusuntansyang pagkain gaya ng prutas at gulay. Ito’y nakakatulong panlaban sa dehydration.
  • Magsuot ng mga damit na magaan sa pakiramdam. Gumamit ng saklob o payong kung kinakailangan. Sa mga magbababad sa labas, rekomendado din ang paggamit ng sunblock.

DOH, naghahanda na laban sa Zika virus

Zika_0978

Ayon kay DOH Secretary Janette Garin, ang gobyerno ay naghahanda na upang matugunan ang panganib ng dulot ng Zika virus. Ito’y bilang tugon sa naiulat na kaso ng Zika na di umano’y nakuha ng isang Amerikanong babae sa ating bansa – at sa panawagan mula sa mga doktor na bigyang-pansin ang virus na ito.

Panawagan ni Garin sa publiko ang ang pagsasagawa ng stratehiyang 4S: ang (1) pagsupil sa mga lamok at sa mga hindi dumadaloy na tubig kung saan nangingitlog at lumalaki ang mga lamok, (2) pag-protekta sa sarili sa pamamagitan ng insect repellant, pagsusuot ng mahahabang damit at pag-iwas sa mga malamok na lugar, (3) pag-konsulta ng maaga, at (4) ang paggamit ng “fogging” o pag-spray laban sa lamok kung kinakailangan lamang.

Dagdag ni Garin ang apila sa mga Pinoy na iwasan ang pagbyahe sa mga bansa sa South America na may kompirmadong mga kaso ng Zika hangga’t maaari.

Mga kaalaman tungkol sa Zika virus

brazil-zika-birth-defects_b887e1f6-b446-11e5-9860-1d91036943d1Isang virus na kumakalat sa North at South America ang Zika virus. Ito’y kinakabahala ng mga awtoriddad sapagkat ito’y naiugnay sa mga komplikasyon sa pagbubuntis gaya ng microcephaly o pagiging maliit ng ulo ng sanggol na bagong panganak.

Heto ang mga mahalagang kaalaman tungkol sa virus na ito:

Ano ang Zika Virus disease (Zika)?

Ang Zika ay isang sakit na dulot ng Zika virus, isang virus na hatid ng isang uri ng lamok (Aedes).

Ano ang mga sintomas ng Zika?

Ang mga sintomas ng Zika ay lagnat, rashes, pananakit ng kasukasuan, at pamumula ng mata na parang sore eyes. Ang mga sintomas na ito ay karaniwang tumatagal ng ilang araw hanggang isang linggo.

Mahalagang tandaan na ang mga sintomas ng Zika ay kagaya rin ng ibang mga virus na dala ng lamok gaya ng dengue, at maaari rin itong mapagkalamang trangkaso.

Isa pa, maliit na porsyento lamang ng mga tao na na-impeksyon ng virus ang magkakaron ng mga sintomas; maaaring magkaron ng Zika virus ng hindi nalalaman.

Paano nahahawa o nakukuha ang Zika virus?

Gaya ng dengue, ito’y nakukuha sa kagat ng lamok na may taglay na Zika virus. Ang mga sintomas ay kadalasang lumalabas pagkatapos ng 2 hanggang 7 mula sa pagkakakagat ng lamok. Maaari ring mahawa ng isang buntis ang kanyang dinadalang sanggol.

Anong mga bansa o lugar ang may Zika virus?

Ayon sa CDC ng Estadios Unidos, ang Zika ay matatagpuan sa mga bansa sa South America gaya ng Brazil, Bolivia, Cape Verde, Columbia, Paraguay, Venezuela, at iba pa.

Paano makakaiwas sa Zika virus?

Kung nakatira ka o magbabyahe ka sa ibang bansa, alamin kung may Zika virus sa bansang ito at kung saan ito matatagpuan. Iwasan ang mga lugar na ito, o kung kailangan mong talagang magpunta, gumamit ng insect repellant para makaiwas sa mga lamok.

May nabubuntis ba kahit walang sex?

Q: Doc may nabubuntis ba kahit walang sex or should I call mutual finger lang?

A: Walang nabubuntis sa mutual finger, oral sex, anal sex, o sa anumang paraan maliban sa pagpasok ng titi o ari ng lalaki sa pwerta o ari ng babae.

Pagkakaron ng tulo at pagkakaron ng HIV/AIDS: May koneksyon?

Q: Totoo po ba na kapag nagkaroon ka po ng tulo ay siguradong may HIV/Aids ka na rin?

A: Hindi ito totoo, subalit mas tumataas ang posibilidad na magkaron ng HIV/AIDS ang mga taong may ibang STD gaya ng tulo. Bilang balik-aral, ang HIV/AIDS ay nakukuha sa unprotected sex, kalimitan sa vaginal o anal intercourse o pagpasok ng ari ng lalaki sa pwerta ng babae o sa pwet ng babae o lalaki. Sa kabilang banda, bukod dito, maaari ding makuha ang tulo sa oral sex, o anumang sexual contact sa bibig, ari ng lalaki, ari ng babae, o pwetan). Kaya bukod sa pag-iwas sa HIV/AIDS, dapat ding iwasan ang pagkakaron ng tulo. Nakakabawas, ngunit hindi nakakaiwas, ang paggamit ng condom sa pagkakaron ng tulo. Pag-iwas sa sex at pagiging matapat sa iisang kapartner ang tanging siguradong paraan para maka-iwas sa tulo.

Lumalabas na parang sipon sa aking titi: Ano ito?

Q: Ano po b ung lumalabas na parang sipon s aking titi dahil po b ako’y my sipon sana po matulungan niyo ko.

A: Kung ikaw ay sexually active o nakipagtalik/nakikipagtalik sa sino man, babae o lalaki, maaaring ikaw ay may tulo, isang sakit na nakukuha sa pakikipag-sex o isang STD. Magpatingin kaagad sa doktor pang ito’y makompirma at mabigyan ka ng angkop na antibiotics para dito. Para sa karagdagang kaalaman, basahin ang artikulong “Ano ang gamot sa tulo ng lalaki” sa Kalusugan.PH

Normal po bang lumalawlaw ang bayag kapag ang temperatura ay mainit?

Q: Normal po bang lumalawlaw ang bayag kapag ang temperatura ay mainit?

A: Oo normal lang ito. Dahil maselan ang semilya ng lalaki sa pagkakaron ng tamang temperatura para ito’y manatiling normal, ang bayag o scrotum ay lumalawlaw o nagiging mas ‘relaxed’ kappa mainit, at ito naman ay nagiging ‘tense’ o parang lumiit, umuurong, at nangungulubot. Ito’y normal na reaksyon ng katawan at hindi dapat ikabahala.

Mga kaalaman tungkol sa ‘low blood’ o hypotension

Ang low blood pressure o hypotension ay ang pagkakaron ng mababang presyon ng dugo sa katawan. Ibig-sabihin nito mahina ang pagdaloy ng dugo. Kadalasan, ang mga kaso ng low blood pressure ay nakapagdudulot lamang ng mga simpleng sintomas gaya ng pagkahilo at pagkahimatay, ngunit sa mga malalalang kaso, maaari itong magdulot ng panganib sa buhay. Masasabing low blood pressure kapag ang nakuhang sukat ng presyon ng dugo ay umabot na ng 90/60. Ito ay higit na mababa kaysa sa normal na sukat na 120/80.

Ano ang blood pressure?

Ang blood pressure o presyon ng dugo ay ang pwersa ng dugo na tumutulak sa mga pader ng ugat na dinadaluyan nito, kagaya ng pwersa ng hangin sa loob ng isang lobo. Ang pwersang ito ay maaaring tumaas (hypertension) o bumaba (hypotension) at parehong nakaaapekto sa kalusugan ng tao. Ang normal na blood pressure ay 120/80, ngunit ito ay maaaring magbago dahil sa ilang salik gaya ng mga pagkilos  o gawain, pagkapagod, pati na ang matinding kaba.

Paano binabasa ang blood pressure?

Ang dalawang numero na nakikita sa pag-basa ng presyon ng dugo ay ang systolic at diastolic pressure. Ang unang numero, o systolic pressure, ay ang presyon ng dugo kasabay ng pag-tibok ng puso, habang ang ikalawang numero, o diastolic pressure, ay ang presyon naman kapag nakapahinga ang puso. Kapag ang presyon ng dugo ay humigit sa normal na 120/80, ikaw ay may high blood pressure, at kung mas mababa naman dito, may low blood pressure naman. Gumagamit ng sphymomanometer  sa pagsukat ng presyon ng dugo.

Ano ang sanhi ng low blood pressure?

Ang pabagsak ng presyon ng dugo ay maaaring dulot ng mga sumusunod sa kondisyon o sakit:

  • Pagbubuntis
  • Kondsyon o sakit sa puso
  • Kondisyon o sakit sa mga glandula ng katawan gaya ng thyroid at adrenal glands
  • Mababang asukal sa dugo o hypoglycemia
  • Diabetes
  • Mababang tubig sa katawan o dehydration
  • Pagkabawas ng dugo
  • Matinding impeksyon sa katawan
  • Matinding allergy o anaphylaxis
  • Kakulangan ng sustansya sa katawan gaya ng Bitamina B-12 at Folate
  • Mga gamot na iniinom: Diuretics, Alpha Blockers, Beta Blockers, at mga antidepressants

Ano ang iba’t ibang uri ng low blood pressure?

Ang pagkakaranas ng low blood pressure ay maaari ring mahati sa ilang uri. Narito ang ilan sa mga uri ng low blood pressure:

  • Orthostatic o Postural hypotension – Ito ang pagbagsak ng presyon ng dugo dahil sa biglaang pagtayo mula sa pagkakahiga o pagkakaupo. Nararanasan ang pagbagsak ng presyon kapag pumalya ang katawan sa pagsasaayos ng daloy ng dugo na biglaang nagbago dahil sa puwersa ng gravity. Ito ay lalong madalas sa mga taong nagbubuntis, umiinom ng gamot na pampababa ng presyon, may sakit sa puso, at may diabetes.
  • Postprandial hypotension – Ito ang pagbagsak ng presyon ng dugo na nararanasan pagkatapos kumain. Pagkatapos kumain, ang dugo ay pumupunta sa paligid ng bituka upang masimulan ang proseso ng pagsipsip ng sustanysa, at dahil dito, isinasaayos ng katawan ang presyon ng dugo upang makadaloy pa rin sa ibang bahagi ng katawan. Kapag pumalya ang katawan sa pagsasaayos ng presyon, maaaring makaranas ng pagbagsak ng presyon ng dugo.
  • Neurally mediated hypotension – Ito ang pagbagsak ng presyon ng dugo kapag nanatiling nakatayo sa matagal na panahon. Kinakailangang muling isaayos ng katawan ang presyon ng dugo kung nakatayo ng matagal sapagkat nahihirapan ang katawan na maiakyat sa utak ang dugo dahil din sa pwersa ng gravity. Minsan, maaaring malito ang nerves sa puso at isiping nakararanas ng altapresyon kung kaya’t lalong bumabagsak ang presyon ng dugo.

Sino ang maaaring magkaroon ng low blood pressure?

Ang lahat ng tao ay maaaring makaranas ng mababang presyon ng dugo, ngunit ito ay maaaring mapadalas dahil sa sumusunod:

  • Ang edad ay 65 pataas.
  • Umiinom ng mga gamot na pangmentena
  • Mayroong sakit tulad ng Parkinson’s Disease, diabetes, at ilang kondisyon sa puso

Totoo bang nakapagdudulot ng pagbaba ng presyon ng dugo ang kulang sa tulog?

Sa kabaligtaran, ang kakulangan ng tulog (masmababa sa 6 na oras ng tulog) ay nakapagdudulot ng pagtaas na presyon ng dugo at hindi pagbaba. Ang pagkahilo o panlalabo ng paningin na nararanasan mula sa bitin na tulog ay maaaring dahil sa biglaang pagtayo mula sa pagkakahiga.

Ang low blood ba ay katumbas ng anemia?

Hindi. Ang low blood ay tumutukoy sa mahinang presyon ng dugo habang ang anemia naman ay tumutukoy sa kakulangan ng hemoglobin sa dugo. Magkaiba ang dalawang kondisyon na ito at magkaiba din ang gamutan nila. Ngunit maaaring magdulot ng magkaparehong epekto sa katawan sapagkat parehong hindi nakakaaabot ng tama ang sapat na suplay ng oxygen sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mga kaalaman tungkol sa dialysis

Ano ang dialysis? Para saan ito?

Ang dialysis ay isang procedure o proseso kung saan ang mga tungkulin ng bato o kidney, katulad ng pagsasala at paglilinis ng dugo sa katawan, ay ginagawa sa isang makina. Sa madaling salita, humahalili ang isang makina sa trabaho ng kidney o bato. Sa hemodialysis, ang karaniwang uri ng dialysis, ang makina ay kinakabit sa mga ugat ng dugo o blood vessel.

Kanino ginagawa ang dialysis?

Ang dialysis ang ginagawa sa mga taong may sakit sa bato o chronic kidney disease na umabot na sa puntong hindi na gumagana ang mga bato. Hindi ito nakakalunas o nakakatanggal ng sakit sa bato, kung kaya’t ito’y dapat ginagawa ng tuloy-tuloy.

Gaanong katagal at gaanong kadalas ginagawa ang dialysis?

Kadalasan, ang isang “dialysis session” ay tumatagal ng 3 hanggang 4 na oras. Ang pasyente ay karaniwang nakaupo habang ito’y ginagawa. Maaari siyang manood ng TV, magbasa ng libro, matulog, makipagkwentuhan, o gumamit ng cellphone o tablet habang ang dialysis ay ginagawa. Babantayan lamang ang blood pressure kada 15 o 30 minutes habang ito’y ginagawa.

Paano paghandaan ang dialysis?

Ilang araw bago isagawa ang dialysis, may ilang bagay na dapat paghandaan ang pasyenteng isasailalim sa procedure na ito. Unang una, dapat ay bawasan muna ang protina at potassium sa mga kakainin. Maaaring bawasan muna ang pagkain ng karne, mga beans, saging, maging ang paginom ng gatas. Dapat ay inumin din ng tama ang mga gamot na irereseta na doktor. Ang mga gamot na ito ay tumutulong sa pagkontrol ng tubig sa katawan pati na sa presyon ng dugo. Malaking tulong din ang sapat na pahinga bago ang dialysis.

Anong maaaring side effect ng dialysis?

Bagaman malaki ang naitutulong ng dialysis sa mga pasyenteng may malalalang kaso ng sakit sa bato, hindi pa rin mawawala ang mga posibleng side effects nito sa pasyente. Sa mga pasyenteng sumasailalim sa hemodialysis, ang pinakakaraniwang nararanasan ay ang pagbaba ng presyon ng dugo. May posibilidad din na maimpeksyon ang lugar na tinusok para pag-daluyan ng dugo kung sakaling hindi malinis ang lugar kung saan isasagawa ang dialysis. Maaari ding maranasan ang pangangati ng balat matapos isagawa ang dialysis. May posibilidad din na makaranas ng depresyon, pagiging balisa at maaari din maapektohan ang kagustuhang makipagtalik.

Anong dapat gawin pagkatapos ng dialysis?

Matapos isagawa ang dialysis, ang pasyente ay kadalasang makararanas ng pagkapagod. Kung kaya’t pinapayuhan ang pasyente na magpahinga ng sapat hanggang sa makabawi ang katawan. Dapat din na panatilihing masigla ang katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, ngunit dapat ay may kontrol sa mga kinakaing protina, potassium at phosphorus. Makatutulong din ang regular na pageehersisyo, pag-aalaga sa “access” o ang lugar na tinusukan para sa pagdaluyan ng dugo para sa dialysis, at pag-inom sa mga niresetang gamot.