Mga Kaalaman Tungkol sa Raspa (Dilation & Curettage)

Ano ang raspa at para saaan ito?

Ang raspa, o dilation and curettage (D&C), ay isang pamamaraan na isinasagawa upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman mula sa loob ng matres. Isinasagawa ito ng mga doktor upang matukoy at magamot ang ilang kondisyon sa matres, gaya ng sobrang pagdudrugo, o kaya naman ay malinis ang loob ng matres pagkatapos malaglag ng ipinagbubuntis. Ginagamitan ito ng instrumentong bakal na kung tawagin ay curette na maaaring may talim sa dulo o panghigop (suction).

raspa

Kanino at kailan isinasagawa ang raspa?

Ang pagraraspa ay maaaring isagawa sa sinumang kababaihan na dumadanas ng kondisyon sa kanyang matres. Maaaring irekomenda ng doktor ang pagpaparaspa kung mayroong abnormal na pagdurugo sa matres, kung dumadanas ng pagdurugo kahit lumipas na ang menopause, o kung natukoy ang pagkakaroon ng mga bukol na maaaring may kaugnayan sa cervical cancer. Isinasagawa din ang pagraraspa upang alisin ang mga natirang laman sa loob ng matres matapos ang pagkakalaglag ng ipinagbubuntis at maiwasan ang impeksyon at patuloy na pagdurugo.

Paano isinasagawa ang raspa?

Ang pagraraspa ay isinasagawa sa ospital o klinika sa rekomendasyon ng isang doktor. Ang proseso ay mabilis lamang na karaniwang tumatagal lamang 15 hanggang 30 minuto. Ang pasyente ay maaring bigyan ng general anesthesia kung saan makakatulog habang isinasagawa ang pagraraspa, o kaya ay spinal anesthesia kung saan kalahati lamang ng katawan ang mamamanhid. Ipinapasok ang instrumentong curette sa loob ng matres upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman. Ang laman na nakuha ay pag-aaralan naman sa laboratoryo. Matapos isagawa ang pagraraspa, maaring dalhin muna sa recovery room ang pasyente habang hinihintay ang resulta.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng raspa?

Ang resulta ng raspa ay depende sa kaso o paghihinala ng mga doktor. Maaaring isagawa ito nang agaran at makuha na ang resulta sa mismong araw na isinagawa ang operasyon, o kaya ay magtagal pa ito nang hanggang 3 araw.

Ano ang mga sakit na ginagamitan ng raspa para matukoy?

Sa tulong ng raspa, maaaring matukoy ang ilang kondisyon sa matres gaya ng kanser, pagtubo ng mga polyps, at pangangapal ng mga gilid ng matres. Sa tulong din nito, maaaring maiwasan ang impeksyon at patuloy na pagdurugo pagkatapos malaglag ng ipinagbubuntis.

May epekto ba sa katawan ang raspa?

May ilang epekto na karaniwang nararanasan matapos mawalan ng bisa ang anestisya. Maaaring dumanas ng pananakit sa bahagi ng matres (cramping), o kaya ay dumanas ng patak patak na dugo (spotting). Ang mga epektong ito ay hindi naman seryoso at hindi dapat ikabahala. Ang mga komplikasyon, bagaman bibihira lamang mangyari ay posible pa rin. Ang mga posibleng komplikasyon ng operasyon ay patuloy na pagdurugo, lagnat, umiigting na pananakit, at mabahong pagtulo sa puwerta. Agad na magpatingin sa doktor kung dumanas ng komplikasyon.

Kahalagahan ng Newborn Screening

Ang newborn screening ay isang simple ngunit mahalagang pamamaraan na isinasagawa sa mga bagong silang na sanggol upang makita kung mayroong sakit o anumang kondisyon na kinakailangang gamutin. Sa tulong nito, maaring maagapan ang ilang mga sakit na nakukuha sa kapanganakan at maging ang kamatayan sa mga bagong silang na sanggol (neonatal death) na isa sa sampung pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa.

Layunin ng pamamaraang ito na mabigyan ng normal na pamumuhay ang lahat ng bagong silang na sanggol at matiyak na maaabot ang kabuuang potensyal ng bata.

newborn screening

Paano isinasagawa ng Newborn Screening?

Sa tulong ng newborn screening na isinasagawa sa mga ospital at mga lugar panganakan, maaaring matukoy ang sakit at agad itong malunasan. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng sumusunod na hakbang:

1. Ang screening sa bagong silang na sanggol ay isinasagawa sa loob ng 48 na oras mula nang mainanganak ang bata, o kaya ay sa loob ng 24 oras ngunit hindi sa pagkalipas ng 3 araw. Kung ang sanggol ay itinalaga sa Intensive Care Unit ng ospital, maaaring hindi agad suriin at palipasin ang 3 araw, ngunit dapat pa ring isailalim sa screening sa pag-apak nito sa edad na 7 araw.

2. Tintutusok ang sakong ng bata at dito’y kumukuha ng ilang patak ng dugo.

3. Ang nakuhang dugo ay inilalagay sa isang espesyal na uri ng card at pinapatuyo nang apat na oras.

4. Ang newborn screening ay maaaring isagawa ng nurse, doctor, komadrona, o medical technologist sa ospital o lugar panganakan.

5. Kung sakaling magpositibo sa anumang kondisyon ang inisyal na screening, maaaring ipasa ang kaso sa mga doktor upang agad na mabigyan ng lunas.

 

Mga Kaalaman tungkol sa Computerized Tomography Scan o CT scan?

Ano ang Computerized Tomography Scan?

Ang Computerized Tomography Scan, na mas kilala sa tawag na CT Scan, ay isang makabagong pamamaraan ng pagsusuri sa loob na bahagi ng katawan. Ito ay gumagamit ng radiation na X-ray at pinapatama sa iba’t ibang angulo upang makuha ang mala-3D na imahe ng loob na bahagi ng katawan. Ang resulta ng pagsusuri naman ay agad na pumapasok sa isang computer na madali naman nasusuri ng isang radiologist. Dahil ang CT Scan nakakalikha ng masdetalyadong resulta, ito ay isa sa mga pinakaepektibo at pinakamabisang paraan ng pagsuri o pag-diagnose ng mga karamdaman o kondisyon sa lahat ng bahagi ng katawan.

Kanino at kailan ginagamit ang CT Scan?

Ang pagsasagawa ng CT Scan ay maaari sa kahit na sinong pasyente ayon sa rekomendasyon ng doktor. Maaaring gamitin ito para matukoy ang mga pilay o anumang kondisyon sa mga buto at kalamnan. Makatutulong din ang CT Scan sa pagtukoy sa mismong lugar na kinaroroonan ng mga tumor, impeksyon, o pamumuo ng dugo sa loob ng katawan. Ginagamit din ito upang gabayan ang pagsasagawa ng iba pang pamamaraan gaya opersyon, biopsy, at radiotherapy. Ang pagbabantay sa paglala o pagbuti ng mga sakit tulad ng kanser, pagkasira ng atay, sakit sa puso at iba pa, ay ginagamitan din ng CT Scan.

Paano isinasagawa ang CT Scan?

Sa tulong ng isang radiation technologist, ang pasyenteng susuriin ay pinahihiga sa isang lamesa kung saan nakadikit ang scanner ng CT Scan. Ang scanner ay itsurang bilog na may butas sa gitna, na tila isang doughnut. Sa bawat pag-ikot ng bilog na scanner, nakukuhanan ng imahe ang bahagi ng katawan sa iba’t ibang angulo, at ang mga nakuhang ito ay pumapasok kaagad sa isang computer. Ang mga resulta naman ay maaring i-print upang mapag-aralan ng mga doktor. Minsan, gumagamit din ng “contrast” sa pagsusuri gamit ang CT Scan upang mas maging malinaw ang kaibahan ng mga bahagi ng katawan. Ang contrast ay maaaring iniinom, tinuturok o pinapasok sa butas ng puwit.

Ano ang mga kondisyon na maaaring matukoy sa CT Scan?

Gamit ang CT Scan, maaaring matukoy ang halos lahat ng karamdaman na nakakaapekto sa katawan. Una ay sa mga buto at kalamnan sa lahat bahagi ng katawan. Maaari nitong matukoy kung may pilay, impeksyon, o anumang kondisyon sa mga bahaging ito. Maaari din suriin ang mga kondisyon, impeksyon, mga abnormalidad o pagtubo ng mga tumor sa mga ispesipikong organs o laman ng katawan gaya ng puso, atay, bato, apdo, lapay, at maging sa utak.

Paano paghahandaan ang CT Scan?

Bago isagawa ang CT scan, dapat ay ipaalam muna kung ang pasyente ay buntis, may allergy, may diabetes o kondisyon sa iba pang bahagi ng katawan. Ito ay para maiwasan ang maaarig komplikasyon ng radiation sa dinadalang bata, at ang ‘di nais na reaksyon ng “contrast” sa katawan. Maaari ring patigilin muna sa pagkain ang pasyente isang araw bago masuri upang maiwasan ang maling diagnosis lalo na sa daluyan ng pagkain gaya ng sikmura at mga bituka. Upang mas maging epektibo ang pagsusuri ng CT Scan, tiyaking susundin ang lahat ng payo ng mga doktor.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng CT Scan?

Dahil ang mga imahe ng pagsusuri ay agad na pumapasok sa isang computer, at mabilis din namang napag-aaralan ng mga radiologist, ang result ay maaaring makuha kaagad ilang minuto o ilang oras pagkatapos isagawa ang CT Scan.

Ano ang maaaring epekto ng CT Scan sa katawan?

Dahil ang CT Scan ay gumagamit din ng radiation ng X-ray, mayroong panganib na magdulot ito ng kanser, bagaman napakababa lamang. Kahit na mas maraming radiation ang ibinabato sa katawan ng CT Scan kumpara sa isang simpleng X-ray test, napakaliit pa rin ng posibilidad na humantong ito sa ibang sakit sapagkat kontrolado at napakaliit lamang ng radiation na binubuga ng mga makinang ito at kadalasang hindi naman sapat para makapagpasimula ng karamdaman. Pinakamataas lamang ang panganib sa mga buntis sapagkat maaaring makapekto ang radiation sa mga batang nasa sinapupunan pa lamang. Sa ganitong sitwasyon, maaaring gumamit ng ultrasound at magnetic resonance imaging (MRI) na mas ligtas.

Mga kaalaman tungkol sa Radiation Therapy

Ano ang radiation therapy at para saan ito?

Ang radiation therapy, o radiotherapy, ay isang pamamaraan ng paggamot sa sakit na kanser sa pamamagitan ng pagpapatama ng malalakas na sinag ng enerhiya. Dito’y pinupuksa, pinapaliit at pinipigilan sa pagdami ang mga tumor na namuo sa katawan. Di tulad ng chemotherapy, mas maliit ang posibilidad na madamay ang mga malulusog na cells sa pagsasagawa nito sapagkat mismong ang mga cancer cells ang pinupuntirya sa gamutang ito.  Ang radiation therapy ay maaaring isagawa kasabay ng iba pang lunas sa sakit na kanser gaya chemotherapy at operasyon o surgery.

Kanino at kailan isinasagawa ang radiation therapy?

Depende sa rekomendasyon ng doktor, ang radiotherapy ay maaaring ikonsidera bilang pangunahing lunas sa mga pasyenteng may sakit na kanser. Maaari din itong gamitin bago simulan ang operasyon sa mga pasyenteng nasa mga unang antas pa lamang ng kanser upang masmapaliit ang mga tumor. Gayundin pagkatapos ng operasyon upang mapigilan naman ang posibilidad ng pagtubo ng mga bagong tumor.  Sa mga malalalang kaso naman, makatutulong ang radiotherapy para maibsan ang mga sintomas na maaaring maranasan.

Paano ito isinasagawa?

Sa pagsasagawa ng radiotherapy, tinutukoy muna kung aling bahagi ng katawan ang nais patamaan ng radiation. Maaaring gumamit ng X-ray o CT scan sa pagtukoy ng kanser at tanging radiation oncologist lang ang doktor na maaaring magsagawa ng pagsusuri ukol sa ganitong klase ng gamutan. Pagkatapos masuri ang bahaging nangangailangang gamutin, mamarkahan ang balat na dapat patamaan ng radiation. Ang aktuwal na gamutan ay sinsisimulan 3 hanggang 7 araw pagkatapos mapag-aralan ang sakit.

Sa oras ng gamutan, patatamaan ito ng malakas na sinag ng enerhiya ang minarkahang balat. Ang sinag ay nagmumula sa isang makina at ang radiation na maaaring gamitin dito ay X-ray o kaya naman sinag mula iba pang mas malakas na uri ng enerhiya.

Gaano kadalas ito maaaring isagawa?

Ang dalas at dami ng paggagamot gamit ang radiation ay depende sa kondisyon ng pasyente, gayundin sa desisyon ng doktor. Maaari itong isagawa 5 beses sa isang linggo sa loob ng isa hanggang dalawang buwan. Ang bawat session ng gamutan ay maaring magtagal ng 3 hanggang 5 oras. Mahalagang putol-putol at paunti-unti ang pagsasagawa radiation therapy sapagkat maaring magdulot ng matinding epekto sa katawan kung gagawin ito ng isang bagsakan.

Paano paghahandaan ang radiation therapy?

Bago simulan ang gamutan, kinakailangang magsagawa munang magsagawa ng matibay na plano kasama ang doktor. Ito ang dahilan kung bakit kinakailangan pang maghintay ng  3-7 araw pagkatapos matukoy ang sakit. Ang pagpaplanong ito ay binubuo ng radiation simulation at mga karagdagang pagsilip sa katawan gamit ang CT Scan. Mahalaga ang pagpaplanong ito sapagkat upang mas maging tiyak ang pagpapatama ng radiation sa cancer cells at lumiit ang posibilidad na makadamay ng malulusog na cells. Siyempre pa, nalalaman din ng doktor ang komportableng posisyon ng pasyente habang ginagamot.

Ano ang maaaring side effects ng radiation therapy?

Hindi rin nawawala ang mga posibleng side effects ng paggagamot gamit ang radiotherapy. Ang pinakakaraniwang epekto nito ay ang pakiramdam ng pagkapagod. Habang ang iba pang mga side effects naman ay depende sa kung saan bahagi ng katawan ang pinatamaan ng radiation. Ang buhok sa kahit na anong bahagi ng katawan na pinatamaan ng radiation ay maaaring malagas. At ang balat naman ay maaaring magkaroon ng iritasyon. Kung ang radiation naman ay patatamain sa bahagi ng ulo, maaring makaranas ng panunuro ng bibig, paglapot ng laway, sore throat, pagbabago sa panlasan, at maging pagkabulok ng mga ngipin. Kung sa dibdib naman na bahagi, maaaring mahirapan sa paglunok, makaranas ng pag-uubo, at mahirapan sa paghinga. Kung sa tiyan, maaaring makaranas ng pagsusuka at pagtatae. Kung sa bandang bewang, maaaring makaranas ng madalas na pag-ihi at sexual dysfunction.

Mga kaalaman tungkol sa amputation

Ano ang amputation at para saan ito?

Ang amputation ay isang pamamaraang medikal ng pagputol ng bahagi o buong haba ng biyas ng braso, hita, kamay, paa, o mga daliri. Ito ay isang mahalagang uri ng operasyon na isinasagawa lamang kapag wala nang pag-asang mailigtas ang bahagi ng biyas na napinsala dahil sa impeksyon, aksidente, kanser at iba pang kondisyon na maaaring magdulot ng pagkalat ng sakit sa iba pang bahagi ng katawan.

Kanino at kailan ito isinasagawa?

Ang pamamaraan ng amputation ay maaaring isagawa sa kahit na sinong tao ayon sa rekomendasyon ng doktor. Ang mga kadalasang dahilan ng pagputol ng mga biyas ay ang matinding pinsala na dulot ng impeksyon, pagkabulok ng mga kalamnan, kanser, o kaya ay aksindente.

Ang mga matitinding impeksyon sa mga biyas na hindi na nalulunasan ng kahit na anong gamot ay kadalasang humahantong sa pagputol na lang ng mga ito. Madalas itong nangyayari sa mga taong may sakit na diabetes at problema sa pagdaloy ng dugo. Dahil sa mga kondisyon na ito, nahihirapan sa paggaling ang mga sugat at impeksyon sa mga biyas. Kapag hindi isinagawa ang amputasyon, maaring mabulok ang kalamnan ng biyas o kaya ay patuloy na kumalat ang sakit sa ibang bahagi ng katawan. Ganito rin ang ginagawa kapag ang kanser ay nagmula sa bahagi ng mga biyas.

Ang mga taong naaksidente na nagkaroon ng matinding pinsala sa mga biyas ay maaaring sumailalim din sa amputasyon. Mas makabubuting putulin na lamang ang bahaging ito sapagkat maaaring maging sagabal na lamang ang bahaging ito na nasira ng aksidente. Tandaan na ang pagputol ng mga biyas ang pinakahuling solusyon na ikokonsidera ng doktor.

Paano ito isinasagawa?

Ang pagpuputol sa biyas ay isinasagawa sa operating room at maaring mangailangan na manatili sa ospital ng 1 hanggang 2 linggo o higit pa, depende sa kondisyon. Maging ang pamamaraan ng pagputol ay depende rin sa kondisyon ng pasyente. Ang pasyente ay inilalagay sa general anestisya o kaya sa ibabang bahagi lang ng katawan.

Sinisimulan ang hiwa sa bahaging naiiba ang kulay, temperatura at pulso. Tinatanggal ng surgeon ang lahat ng laman na apektado ng impeksyon at pinsala, habang iniiwan ang lahat ng malulusog na bahagi. Inaayos ang pagputol at sinasara ang lahat ng ugat-daluyan ng dugo. Kadalasan ay pinuputol ito at hinuhulma para maayos na malagyan ng artipisyal na paa o kamay.

Gaano katagal ang paggaling mula sa amputation?

Depende sa bahagi at paraan ng pagputol at sa kondisyon ng pasyente, ang paggaling ay maaring magtagal ng ilang linggo. Babantayan sa ospital ang pasyente habang ginagamot hanggang sa tuluyang maghilom ang sugat. Sa oras na maghilom ito, maaari nang simulan ang rehabilitasyon. Ang rehabilitasyon sa pasyente ay binubuo ng paggamit ng mga artipisyal na binti o braso, paggamit ng saklay, panunumbalik ng lakas at suportang mental at emosyonal sa pasyente.

Mga kaalaman tungkol sa Ultrasound

Ano ang Ultrasound at para saan ito?

Ang ultrasound, o sonography, ay isang pamamaraang medikal na gumagamit ng sound waves o tunog, na hindi kayang marinig ng tao, upang masilip ang mga bagay-bagay at istruktura sa loob ng katawan. Isa itong mabisang diagnostic test o paraan ng pagtukoy ng mga karamdaman, o kondisyon sa katawan. Madalas din itong gamitin upang silipin ang sanggol na nasa sinapupunan pa lamang. Ginagamit din ito upang pag-aralan ang galaw at paggana ng ilang bahagi ng katawan gaya ng puso, pagdaloy ng dugo, kilos ng mga buto at kalamnan. Maaari ring gamitin ang ultrasound upang magabayang ang karayumna ginagamit sa pagkuha ng biopsy. Ang sound waves na may mataas na frequency na ginagamit sa pamamaraan ito ay nagmumula sa instrumentong transducer.

Kanino at kailan isinasagawa ang Ultrasound?

Ang pagsasagawa ng ultrasound ay maaaring gawin sa kahit na sinong tao ayon sa rekomendasyon ng doktor. Maari itong isagawa sa pag-aaral sa mga pagbubuntis, sa pagtukoy ng mga sakit, at sa paggabay ng iba pang pamamaraan tulad ng biopsy.

Para sa mga buntis, ginagamit ang ultrasound upang masilip ang sanggol na nasa sinapupunan. Sa pamamagitan ng ultrasound, maaaring matukoy ang kasarian ng sanggol, ang kabuwanan, pagkakaroon ng kambal, at iba pang kondisyon sa pagbubuntis. Mahalaga rin ito sa pagtukoy ng problema sa panganganak gaya ng suhi, pagpulupot ng pusod sa bata, at iba pa.

Sa pagtukoy naman ng mga karamdaman at kondisyon sa katawan, makatutulong ang ultrasound sa pagsilip sa mga bahagi ng kalamnan na malambot at manipis na hindi nakikita sa ibang pagsusuri gaya ng X-ray.

Para naman sa pagsasagawa ng biopsy, makatutulong ang ultrasound para magabayan ang karayom patungo sa bahagi ng katawan na kukuhanan ng laman para sa pag-aaral.

Paano isinasagawa ang Ultrasound?

Ang transducer na ginagamit sa pagsasagawa ng ultrasound ay dinidikit lamang sa balat malapit sa bahagi ng katawan na nais silipin. Ang sound waves na tumatama sa bahagi ng katawan ay babalik bilang mga echo kasama ang imahe ng bahaging sinusuri. Ang imaheng lumalabas ay pumapasok na direkta sa isang computer kung saan maaari itong i-record. Ang resulta ng pagsusuri ay tinitignan at binabasa ng isang ragiologist, at ipapasa naman sa doktor ng pasyente.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng Ultrasound?

Ang resulta ng ultrasound ay kadalasang nakukuha naman kaagad sapagkat ang resulta ay pumapasok ng “real time” kasabay ng pagsusuri.

Maroon bang epekto ang ultrasound sa katawan?

Ang pamamaraan na gumagamit ng ultrasound ay itinuturing na ligtas sapagkat wala naman itong kahit na anong epekto sa katawan. Bagaman ang pagsusuring ito ay mayroong limitasyon, lalo na sa pagsilip nga mga bahaging naikukubli ng matigas na buto. Dahil dito, inirerekomenda ang paggamit ng ibang pamamaraan gaya ng X-ray, CT Scan at MRI.

Mga Kaalaman tungkol sa Transplantasyon ng Organ

Ano ang transplantasyon ng organ?

Ang transplantasyon ng organ ay isang pamamaraang medikal na tumutukoy sa paglilipat ng malusog na organ mula sa katawan ng isang tao patungo sa katawan ng isa pang tao. Ito ay isinasagawa upang mapalitan ng malusog at gumaganang organ ang pumapalya nang organ ng katawan. Alalahanin na ang transplantasyon ng organ ay isang kritikal na hakbang sapagkat kakailanganing sumailalim sa isang major na operasyon, at hindi rin sa lahat ng pagkakataon at nagtatagumpay ang transplantasyon.

Kanino isinasagawa ang transplantasyon?

Ang pagsasagawa ng transplantasyon ay isang mahusay na pamamaraang medikal na makaliligtas buhay ng mga pasyenteng nasa kritikal na sitwasyon, ngunit hindi lahat ng pasyente na nangangailangan nito ay maaaring bigyan na lang basta-basta ng isang bago at malusog na organ sapagkat mayroong mga konsiderasyon na isinasaalang-alang sa paglilipat ng organ. Unang-una, bawal maglipat ng organ sa taong mayroong impeksyon, sakit na mahirap makontrol, problema sa mga gamot at pag-inom ng alkohol, at iba pang seryosong karamdaman.

Ang pasyente na makakapasa sa mga konsidersyong ito ay matuturing na “good candidate” at saka pa lang maaaring isama sa listahan ng mga maaaring tumanggap.

Kanino nagmumula ang malusog na organ?

Ang mga taong pinagmumulan ng malusog na organ ay kilala bilang mga “organ donor” at sila ay maaaring buhay o patay na. Gaya sa pagtanggap ng malusog na organ, mayroon ding pamantayan at mga konsiderasyon sa pagbibigay ng organ. Unang-una, dapat ay may pahintulot mismo ng taong pagmumulan ng organ ang pagbibigay ng kanyang organ. At pangalawa, dapat ay walang sakit o anumang impeksyon sa katawan ang pasyente. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagbebenta ng mga laman at bahagi ng katawan para sa transplantasyon, ito ay dapat ibinibigay ng kusang loob. Wala ring pinipiling edad ang pagiging organ donor.

Anu-ano ang mga organ na maaaring i-transplant?

Ang mga bahagi ng katawan na maaarig ilipat ay ang puso, baga, atay, bato, bituka, at lapay. Bukod sa mga ito, maaari rin maglipat ng bahagi ng mga laman ng katawan gaya ng buto, balat, ugat-daluyan ng dugo, at cornea ng mata.

Paano isinasagawa ang transplantasyon?

Bago isagawa ang transplantasyon,may ilang bagay muna na isinasaalang-alang. Unang-una, inilalagay muna ang pasyente sa listahan kasama ng iba pang pasyenteng nangangailangan ng malusog na organ. Dito’y niraranggo sila base sa “success rate” o posibilidad ng matagumpay na transplantasyon. Kapag mas mataas ang success rate, mas binibigyan ng prayoridad na mabigyan ng bago at malusog na organ. Siyempre pa, tinitignan din ang kompatibilidad ng pasyenteng at ng bago at malusog na organ. Kapag ang lahat ng ito ay nalampasan, sinisimulan na ang operasyon.

Gaano kataas ang posibilidad ng tagumpay na transplantasyon?

Ang posibilidad ng tagumpay o success rate ng transplantasyon ay nakadepende sa ilang mga bagay. Depende ito sa kung anong organ ang ililipat, ilang organ ang ililipat, at sa sakit o anumang dahilan ng pag-palya ng nasirang organ na papalitan. Mas binibigyang prayoridad sa listahan ang may mataas na posibilidad ng tagumpay.

Paano paghahandaan ang transplantasyon?

Kinakailangang panatilihing malusog ang katawan bago magsimula ang transplantasyon. Kumain nang tama at mag-ehersisyo nang naaayon sa payo ng doktor. Makabubuting sundin ang lahat ng payo ng doktor bago ang pagsisimula ng operasyon.

Ano ang mangyayari matapos ang transplantasyon, at ano ang mga posibleng epekto nito?

Kadalasan, ang mga pasyente na nagkaroon ng matagumpay na transplantasyon ay nagsasabing mas bumuti na ang kanilang pakiramdam. Dahil dito, nanunumbalik ang dating sigla at lakas ng pasyente. Ngunit mayroon at mayroon pa ring panganib na hindi tanggapin ng katawan ang bagong organ at atakihin ito ng sariling immune system. Upang maiwasan ang ganitong kaso, pinaiinom ng immunodepressant drugs ang pasyente hanggang sa tuluyan nang tanggapin ng katawan ang bagong organ. Tandaan lamang din na mababa ang resistensya ng katawan sa panahong umiinom ng mga gamot na ito kung kaya makabubuting umiwas sa lahat ng lugar na maaaring pagmulan ng impeksyon.

Magkano ang magpa-transplant?

Ang halaga ng transplantasyon sa Pilipinas ay depende sa kung anong organ ang ililipat. Halimbawa, para sa bagong atay, maaaring gumastos ng hanggang 3 na milyong piso. Tiyak na mahal at magastos. Para sa ganitong isyu, maaaring lumapit sa mga institusyon na handang magbigay tulong-pinansyal gaya ng PCSO. Ang ahensyang PhilHealth ay mayroon ding programa para sa paglilipat ng bagong organ.

Mga Kaalaman tungkol sa X-ray

Ano ang X-ray at para saan ito?

Ang pagsusuri gamit ang X-ray ay isang karaniwang diagnostic test o pamamaraan ng pagtukoy sa mga kondisyon o karamdaman sa katawan na gumagamit ng radiation ng X-ray. Ito ay mabilis, walang sakit, at pinakapraktikal na paraan ng pagsilip sa  Kadalasan itong isinasagawa upang masilip ang mga buto, ngipin, pati na ang ilang mga laman ng katawan.

Ang X-ray, na ginagamit sa pamamaraang ito, ay isang uri ng malakas na radiation na nagmumula sa isang makina. Ang mga sinag nito ay may kakayahang tumagos sa mga likido at malalambot na kalamnan ng katawan gaya ng dugo at mga muscles, at napipigilan naman ng mga buo at matitigas na bahagi ng katawan gaya ng buto, ngipin, at ilang makakapal na laman. Ito ang dahilan kung bakit epetibo itong gamitin para sa mga buto, ngipin, at ilang bahagi ng katawan na maymakapal na laman gaya ng baga.

Nakatutulong din ito na matukoy ang pagkakaroon ng matigas o namuong bagay sa katawan gaya ng tumor, pagkakabara sa mga bato, o kaya ay pagkakalulon ng anumang matigas na materyal.

Kanino isinasagawa ang X-ray?

Ang X-ray ay maaaring isagawa sa kahit na sino, lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Ngunit ito ay pinakamdalas na isinasagawa sa mga taong may pilay, o fracture sa buto, may mga kondisyon sa ngipin, at sa mga taong nakararanas ng iba pang kondisyon sa tiyan, mga bato, puso, at baga.

Paano isinasagawa ang X-ray?

Sa pagsasagawa ng pagsusuri na X-ray, gumagamit ng X-ray machine at isang lapad ng film. Binubuga ng isang X-ray machine ang kontroladong dami ng radiation at pinapatama sa ispesipikong bahagi ng katawan na nais silipin. Sa likod ng bahagi ng katawan na pinatamaan ng X-ray ay mayroong lapad ng film na kukuha sa tama ng sinag. Tandaan na ang mga sinag ng X-ray ay may kakayahang tumagos sa mga likido, malalambot at maninipis na kalamnan ng katawan at napipigilan naman ng mga buo at matitigas na bahagi ng katawan. Ang resulta ng pagsusuri na X-ray ay makikita sa isang X-ray Film.

Sa isang X-ray film, makakakita ng maputi at madilim na bahagi. Ang madilim na bahagi ay ang mga malalambot at maninipis na bahagi ng katawan gaya ng kalamnan, samantalang ang mapuputing bahagi naman ay ang matigas at buo na bahagi ng katawan gaya ng mga buto at makapal na laman.

Sa huli, ang X-ray film ay binabasa ng isang radiologist. At ang interpretasyon ng isang radiologist ay ipinapasa naman sa doktor ng pasyente.

Ano ang mga kondisyon na maaaring matukoy sa X-ray?

Ang pangunahing tinutukoy sa pamamaraan ng X-ray ay ang iba’t ibang kondisyon sa mga buto at ngipin. Maaaring ito ay pilay o fracture, kondisyon ng osteoporosis at arthritis, at bulok na ngipin, at iba pa. Sa X-ray naman sa dibdib, maaaring matukoy ang ilang impeksyon at kondisyon sa baga, panlalaki ng puso, pagbabara sa mga pangunahing ugat-daluyan ng dugo, at mga tumor sa dibib. Sinisilip din ang tiyan para matukoy ang mga problem sa daluyan ng pagkain, o kaya kapag may nalunok na materyal na naiwas sa tiyan.

Ang pamamaraang ito ay mabilis, madali, mura at praktikal, ngunit dapat ding tandaan na hindi lahat ay natutukoy nito at hindi rin sa lahat ng pagkakataon ay maaari itong isagawa. Ang ordinaryong X-ray ay may mga limitasyon. Dahil dito, ginagamit ang iba pang mga mas epektibong pamamaraan gaya ng CT Scan, contrast X-ray, o kaya naman ay Ultra Sound.

Paano paghahandaan ang X-ray?

Ang pagsasagawa ng ordinaryong X-ray ay wala namang mahalagang paghahanda na kinakailangan. Kinakailangan lamang ang pisikal na presensya sa mismong oras ng pagsusuri ng X-ray. Dapat lamang tandaan na bawal ang anumang mga bagay na metal gaya ng mga alahas at relos sa oras ng pagsusuri. Maaari ring painumin o turukan ng “contrast medium” bago isagawa ng pagususuri upang makatulong na palinawin ang kalalabasang resulta.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng X-ray?

Ang resulta ng X-ray ay madali lamang makuha pagkatapos ng pagsusuri. Maaring ito ay sa loob lamang ng isang oras o kaya naman ay sa ilang minuto lamang. Maaari pa itong pabilisin lalo na sa oras ng emergency.

Ano ang maaaring epekto ng X-ray sa katawan?

Ang iisa o paminsan-minsang pagsasailalim sa X-ray ay kadalasang wala namang epekto sa katawan sapagkat ang radiation na binubuga ng X-ray machine ay kontrolado at napakaliit lamang. Ngunit kung ito ay mapapadalas, may posibilidad na maapektohan ang mga cells ng katawan at humantong sa ilang seryosong karamdaman tulad ng kanser. Hindi rin rekomendado ang X-ray para sa mga buntis sapagkat maaari itong makaapekto sa dinadalang bata.

 

Mga kaalaman tungkol sa Pagsusuri ng Dugo o Blood Testing

Ano ang Blood Testing at para saan ito?

Ang pagsusuri ng dugo ay isang mabisang uri ng diagnostic test o pamamaraan sa pagtukoy ng kondisyon o karamdaman na isinasagawa sa laboratoryo. Sa pamamaraang ito, natutukoy ang ilang mga bagay gaya ng bilang ng mga cells, balanse ng mineral at kemikal na natural na nasa dugo, pati na ang presensya ng ibang bagay na karaniwang wala naman. Ang anumang pagbabago sa normal na bilang, sukat, at lebel ng mga bagay na bumubuo sa dugo ay maaaring indikasyon ng karamdaman, abnormalidad o anumang kondisyon sa katawan. Maaari din itong isagawa upang mabantayan ang reaksyon ng katawan mula sa mga binibigay na gamot, o kaya naman ay para makita ang ilang kaganapan sa katawan, partikular sa atay at bato.

Kanino at kailan isinasagawa ang pagsusuri ng dugo?

Kahit na sinong tao ay maaaring isailalim sa pagsusuri ng dugo lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Maaaring ito ay para matukoy ang sanhi ng nararanasang sintomas o abnormalidad sa katawan, o kaya naman ay para lamang makasiguro na ang katawan ay nasa normal na kondisyon. Mahalaga rin ang blood testing sa pagmomonitor ng mga kaganapan sa katawan. Sinusuri din ang dugo bago magsagawa ng paglilipat ng dugo o blood transfusion.

Paano isinasagawa ang pagsusuri ng dugo at anu-ano ang sinusuri dito?

Ang pagsusuri ng dugo ay nagsisimula sa blood extraction o pamamaraan ng pagkuha ng dugo na kadalasang ginagawa ng mga nurse, medical technologists, paramedics o kaya naman ay mismong doktor lalo na sa mga kritikal sa kondisyon. Depende sa uri ng pagsusuring isasagawa, ang pagkuha ng dugo ay maaaring maramihan o kaya ay kakaunti lamang. Para sa mga simpleng pagsusuri ng dugo, maaaring kumuha lamang ng ilang patak ng dugo mula sa pagtusok sa daliri. Ngunit kung ang isasagawang pagsusuri ay mangangailangan ng marami-raming dugo, kinukuha ito direkta mula sa ugat na nasa tupi ng braso. Pinupuluputan ng malagoma na tali ang braso, na kung tawagin ay tourniquet, upang mas makita ng husto ang ugat na tutusukan. Kapag ang ugat ay lumitaw na, tinutusok ito ng karayom at saka hihigupan ng ilang mililitrong dugo gamit ang hiringilya. Ang dugong makukuha ay nilalagay sa espesyal na lalagyan o bote na makapipigil sa pamumuo ng dugo.

Ang nakuhang dugo ay inaaral sa laboratoryo at sinusuri depende sa kung ano ang pangangailangan. Maaaring ito ay silipin sa ilalim ng microscope, o kaya ay haluan ng iba’t ibang substansya para makita ang paggana ng dugo o para masukat ang mga lebel ng ilang kemikal na nasa dugo.

Anu-ano ang mga iba’t-ibang uri ng pagsusuri ng dugo?

Ang mga karaniwang pagsusuri ng dugo na ginagawa sa laboratoryo ay ang sumusunod:

  • Blood smear – Ito ang pinakasimpleng pagsusuri ng dugo sa ilalim ng microscope. Maaari itong isagawa upang matukoy ang presensya ng “foreign bodies” sa dugo, gaya ng pagkakaroon ng parastiko.
  • Complete blood count (CBC) – isinasagawa upang mapag-aralan ang bilang at kondisyon ng mga cells na nasa dugo. Kadalasan ay para matukoy ang pagkakaroon ng anemia.
  • Paggana ng Atay (LFT) – Maaaring suriin ang dugo ispesipiko para sa paggana ng atay o Liver Function Test (LFT). Matutukoy dito kung mayroong problema sa atay.
  • Paggana ng Bato (eGFR) – Ang paggana din ng mga bato ay maaaring matukoy sa pamamagitang ng ispesikipong pagsusuri para dito. Ang Estimated glomerular filtration rate o eGFR ay tumutukoy sa kakayahan ng bato na salain ang dugo.
  • Paggana ng Thyroid (TSH) –
  • Blood sugar (Glucose) level – Binabasa ang lebel ng asukal sa dugo upang mabantayan ang kondisyon ng diabetes.
  • Blood cholesterol level – Mahalaga rin na matukoy ang lebel ng cholesterol sa dugo upang maagapan ang posibilidad ng stroke at atake sa puso.
  • Pagsusuri para sa implamasyon o pamamaga – Ang ano mang impeksyon at pamamaga sa katawan ay maaari ding masuri sa pamamagitang ng mga ispesipikong blood tests gaya ng erythrocyte sedimentation rate (ESR), C-reactive protein (CRP) at plasma viscosity (PV). Ang pagtaas sa lebel ng mga ito ay indikasyon ng implamasyon sa katawan.
  • Pagsusuri  para sa Antigen at Antibody – Isinasagawa ito para malaman kung may kakayahan ang katawan na labanan ang ilang particular na sakit na dulot ng mga mikrobyo.
  • Blood Type – Isa sa mga pinakakaraniwang isinasagawa ay ang pagtukoy sa blood type ng isang tao. Mahalaga ito para maiwasan ang paghahalo-halo ng magkakaibang uri ng dugo lalo na kung maglilipat ng dugo (blood transfusion). Mahalaga din na matukoy ang blood types sa pagbubuntis.

Paano pinaghahandaan ang pagsusuri ng dugo?

Sa mga simpleng pagsusuri ng dugo gaya ng pagtukoy ng bloodtype, CBC at blood smear, wala namang mahalagang paghahanda. Ngunit para sa iba pang pag-susuri, maaaring kinakailangang huwag munang kumain isang araw o ilang oras bago ang pagkuha ng dugo. Maaaring pagbawalan sa pag-inom ng kahit na anong gamot, pati na ang pag-inom ng alak. Sunding mabuti ang payo ng doktor bago isagawa ang pagsusuri ng dugo.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng pagsusuri ng dugo?

Ang resulta ng pagsusuri ng dugo ay maaaring makuha sa loob ng ilang oras lamang hanggang isang buong araw, o kaya ay isang buong linggo. Depende ito sa uri ng pagsusuri na isinagawa.

Ano ang maaaring epekto sa katawan ng pagsusuri ng dugo?

Ang pagsusuri ng dugo na sumunod sa pamantayan ng pagsasagawa nito ay kadalsang wala namang epekto sa katawan kung kaya ang pamamaraang ito, sa pangkalahatan, ay itinuturing na safe. Ngunit kung sakaling may pagbabago o pagkakamali sa mga hakbang ng pagkukuha ng dugo, maaaring magdulot ng ilang epekto na kadalasang hindi naman seryoso gaya ng pagkakaroon ng pasa sa lugar ng pinagtusukan. Minsan pa, maaari ding magkaroon ng impeksyon sa lugar ng pinagtusukan lalo na kung hindi malinis ang pamamaraan ng pagkuha ng dugo.

Mga kaalaman tungkol sa anestisya

Ano ang anestisya at para saan ito?

Ang anestisya ay isang pamamaraang medikal na isinasagawa ng isang anesthesiologist o spesyalista sa pag-aanestisya upang pansamantalang mamanhid, mawalan ng malay, pabagalin ang mga paggana ng mga ilang bahagi ng katawan, mawala ang alaala o kaya ay mapa-relax ang mga kalamnan upang hindi makakilos. Isinasagawa ito upang maisakatuparan ang ibang procedure na maaaring magdulot ng matinding pananakit sa katawan.

Kanino at kailan isinasagawa ang anestisya?

Ang pag-aanestisya ay kadalasang isinasagawa sa mga taong sasailalim sa operasyon o anumang pamamaraang medikal na magdudulot ng matinding sakit gaya ng pagbunot ng ngipin.

Anu-ano ang mga pamamaraan ng pag-aanestisya?

Mayroong iba’t ibang uri ng pag-aanestisya depende sa kondisyon at paraang isasagawa sa pasyente. Maaaring magsagawa ng local anesthesia o paglalagay ng anestisya sa ispesipikong bahagi ng katawan kung saan ang pamamanhid ay mararanasan lamang sa bahaging maaaring makaramdam ng pananakit. Halimbawa ay sa ngipin ko kaya naman ay sa ari ng lalaki kapag tutulian. Mayroon ding regional anesthesia o paglalagay ng anestisya sa maliit na bahagi ng katawan kung saan ang pamamanhid ay mararansan sa bahaging makakaramdam ng sakit pati na sa paligid na bahagi nito. Maaari itong isagawa sa buong braso at kamay, o kaya naman sa buong hita hanggang sa paa. Puwede din sa bahagi ng tiyan lamang o kaya ay sa dibdib na bahagi. Ang isa pang pamamaraan ng pag-aanestisya ay ang general anestisya na makaaapekto sa utak at sa buong katawan. Ang taong sumailalim sa general anestisya ay kadalasang walang malay.

Paano isinasagawa ang anestisya?

Ang pagsasagawa ng anestisya ay depende rin sa uri ng pamamaraan ng anestisya. Halimbawa, sa paglalagay ng local anestisya, gaya sa pagbubunot ng ngipin, ang pampanahid ay tinuturok lamang sa bahagi ng bagang kung nasaan ang ngipin na bubunutin. Sa regional anestisya naman, ang pampamanhid ay tinuturok sa isang buong nerve o ugat na makaaapekto sa isang buong bahagi ng katawan gaya ng buong braso, o ibabang bahagi ng katawan. Halimbawa nito ay ang anestisya sa pagsasagawa ng Caesarian Section. Sa pagsasagawa naman ng general anestisya kung saan pinupuntirya ang mismong central nervous system, kabilang ang utak, maaaring iturok, ipalanghap, o ipainom. Matapos ito’y pansamantalang mapaparalisa ang buong katawan.

Paano paghahandaan ang pag-aanestisya?

Isang araw bago isagawa ang anestisya, na kadalasan ay pinapaalam naman ng doktor, dapat ay walang kakainin o iinumin na kahit ano. Tandaan na tumitigil din ang paggana ng ilang bahagi ng katawan kabilang na ang daluyan ng pagkain sa oras na umepekto ang anestisya. Pinaiiwas din ang pasyente sa mga gamot na makapagpapanipis ng dugo gaya ng aspirin. Makatutulong din ang pagiging panatag ng isip at buong katawan bago isagawa ang pag-aanestisya, kung kaya, hanggat maaari, ay hindi dapat kabahan. Makinig sa lahat ng payo ng doktor bago ang pagsasagawa ng anestisya.

Gaano katagal ang epekto ng anestisya?

Ang epekto ng anestisya ay tumatagal ng ilang oras lamang matapos ang operasyon. Depende rin ito kung gaano kalakas at sa anong uri ng anestisya ang ginamit. Ang mga pasyente na tumanggap ng local at regional anesthesia ay maaari nang makakilos at makauwi pagkatapos lamang ng operasyon, samantalang sa general anesthesia naman, maaring manatili pa ang pasyente sa loob ng recovery room sa loob ng ilang oras pagkatapos ng operasyon.

Ano ang maaaring epekto ng anestisya sa katawan?

Sa pangkalahatan, ang mga pamamaraan ng pag-aanestisya ay tinuturing na “safe” at wala namang seryosong epekto sa katawan. Sa local at regional anesthesia, kadalsan ay wala namang nararanasang epekto. Ngunit sa general anesthesia, maaaring makaranas ng pagsusuka, pagliliyo, pagkapagod, pagiging antukin, at panginginig.