Sipon

Gamot sa sipon! Ito’y kasing karaniwan ng sakit na “sipon“, na siya nama’y kasing tanda ng sangkatauhan. Tunay nga na simula’t simula pa ay sinisipon na ang mga tao, kaya naman matagal naring nag-umpisa ang paghahanap ng gamot sa sipon.

Ang sipon ay karaniwang dahil sa mga iba’t isang uri ng virus. May mga sipon ring dulot ng allergy. Minsan, parehong virus at allergy ang sanhi. Kaya kapag malamig o may pagbabago ng panahon ay sinisipon ang mga tao. Ito rin ang dahil kung bakit sa wikang Ingles ay “cold” ang tawag sa sipon.

Sa kinatagal-tagal ng pagsasaliksik at karanasan ng mga tao sa sipon, heto ang mga napatunayan nang mabisa at simpleng mga lunas at gamot laban sa sipon:

  1. Uminom ng maraming tubig! Tubig o iba pang mga inumin gaya ng kalamansi juice o salabat ay nakakabawas ng pagbabara sa ilong at lalamunan (“congestion“). Bagamat mabuti ang pag-inom ng anumang inumin, iwasan ang alak, kape, at softdrinks na nakakapagpalala ng kakulangan sa tubig.
  2. Magmumog ng mainit na tubig na may asin - Ito ay nakakatulong sa lalamunan para mabawasan ang “sore throat
  3. Uminom ng gamot sa sipon - Tableta man o syrup, may mga gamot na nabibili laban sa sipon. Sila ay tinatawag na mga decongestant at isa sa mga halimbawa ay Neozep, Decolgen o Medicol. Subalit dapat tandaan na bagamat nakakabawas itong mga gamot na ito ng sintomas ng sipon, hindi nito mapapagaling ang sipon o mapapaikli ang pagkakaron ng sipon. Hindi rin dapat ibigay ang mga gamot na ito sa mga bata, lalo na sa edad 4 pababa.
  4. Uminom ng mga maiinit na sabaw o kaya salabat - Paniwalaan si lola! Sadyang mabisa sa sipon ang mga sabaw at salabat para sa sipon. Ito’y napag-aralan narin ng mga dalubhasa!

Ano namang hindi gumagana laban sa sipon? Tandaan na ang antibiotics gaya ng Cefalexin oAmoxicillin ay HINDI gamot sa simpleng sipon; hindi lamang ito “wa-epek”, maari pa itong makasama sa katawan sapagkat kinakailangang tunawin ng atay at mga bato ay mga kemikal na nakapaloob sa mga gamot na ito.

Kung hindi sigurado sa anumang hakbang; kung hindi gumagaling ang sipon na higit na sa 1-2 linggo; o kung may ibang sintomas gaya ng mataas na lagnat, huwag mag atubiling magpakonsulta sa iyong doktor. Ngunit sa karamihang ng kaso, ang karaniwang sipon ay maaring maibsan ng mga simpleng lunas at mga pangkaraniwang gamot sa sipon.