Mga kaalaman tungkol sa ngongo (cleft palate) at bingot (cleft lip)

Ano ang ngongo (cleft palate) at bingot (cleft lip)

Ang ngongo (cleft palate) at bingot (cleft lip) ay dalawang kondisyon na madalas ay magkasama, dulot ng hindi normal na pagkakabuo ng mukha habang ang sanggol ay nasa matris pa, o isang 'congenital deformity'. Sa bingot, hindi kompleto ang itaas na labi at parang may butas o hiwa sa gitna na maaring umabot sa ilong. Sa ngongo, ang gilagid naman ang hindi kompleto at parang may butas o hiwa sa gitna. Bukod sa pagbabago ng anyo ng mukha, ang mga kondisyon na ito ay nagdudulot ng problema sa pagsasalita.

Ano ang sanhi ng ngongo at bingot?

Hindi pa talaga kompleto ang kaalaman ng mga doktor sa ngongo at bingot kaya walang simpleng kasagutan sa tanong na ito. Subalit may mga pag-aaral na nagsasabi na maaaring nasa dugo (genetic) ang pagkakaron ng ngongo; maaari ring dahil ito sa ilang mga bagay gaya ng paninigarilyo o pag-inom ng alak ng nanay ng sanggol. Sa kabila ng mga paliwanag na ito, maraming kaso ng ngongo at bingot ang walang klarong eksplanasyon, at maaaring magkaron ng sanggol na ngongo o/at bingot ang mga normal na magulang.