Mga kaalaman tungkol sa Malaria

Ang sakit na malaria ay isang malubha at nakamamatay na sakit na dulot ng impeksyon ng ilang uri ng parasitikong Plasmodium na kadalasang naipapasa naman sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Ito ay nagdudulot ng pabalikbalik at malubhang lagnat na may kasama pang panginginig ng katawan o kombulsyon, at nakapagdudulot ng kamatayan sa humigit kumulang isang milyong katao sa buong mundo kada taon.

Gaano kalaganap ang sakit na Malaria?

Ang sakit na malaria ay nakaaapekto sa ilang mga bansa sa mundo partikular sa mga lugar na malapit sa tropiko gaya ng mga bansa sa Africa, Gitnang Amerika, Timog Asya, at Timog-Silangang Asya, kabilang na ang Pilipinas. Sa taong 2013, tinatayang aabot na lamang sa 7,500 ang kaso ng malaria sa ilang mga probinsya ng Pilipinas na pinakamataas ay sa isla ng Palawan. Ang mga kasong ito ay bumaba na ng 83% mula sa taong 2005.

Ano ang sanhi ng Malaria?

Ang sakit na malaria ay dulot ng impeksyon ng parasitikong Plasmodium na naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng apektadong lamok. Ang parasitiko ay mananatili sa atay hanggang sa ito ay lumaki at saka umaatake sa red blood cells ng dugo upang magparami. Sila'y naghihintay naman ng bagong kagat ng lamok upang sumama sa laway nito at makapang-hawa na naman sa panibagong indibidwal. Ang mga parasitikong plasmodium ay maaari ding maipasa ng ina sa kanyang bagong silang na anak, sa pagsasalin ng dugo, o kaya sa paggamit ng karayom na naunang tinurok sa apektadong tao.

Sino ang maaaring magkasakit ng Malaria?

Ang mga taong naninirahan sa mga lugar na talamak ang sakit gaya ng mga bansang nasa rehiyong tropiko ang may pinakamataas na panganib ng pagkakaroon ng malaria. Mataas din ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito sa mga kabataan, mga dayuhang manlalakbay at mga inang nagbubuntis. Siyempre pa, ang kakulangan ng kalaman, kahirapan, at kakulangan ng kalingang pangkalusugan ay nakapagpapataas din ng panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito.

Ano ang maaaring komplikasyon ng Malaria?

Ang pagkakaroon ng seryosong sakit ng malaria ay maaaring makamatay sapagkat maaari itong makaapekto sa ilang mahahalagang bahagi ng katawan. Maaari itong magdulot ng ilang kondisyon sa utak gaya ng pamamaga at pagkasira nito. Maaari din nitong maapektohan ang daluyan ng paghinga, atay, lapay at bato. Maaari rin itong magdulot ng malalang kaso ng anemia at pagbagsak ng lebel ng asukal sa dugo.