Mga kaalaman tungkol sa hadhad o jock itch

Ang hadhad, o jock itch sa Ingles, ay isang sakit sa balat na matatagpuan sa singit at karaniwang nararanasan ng mga kabataang mayroong aktibong pamumuhay gaya ng paglalaro ng sports at mga iba pang larong pisikal. Ang indibidwal na may hadhad ay nakararanas ng matinding pangangati sa bahagi ng singit.Kung mapapabayaan, ito ay maaaring kumalat sa ari, sa hita at hanggang sa puwit at likurang bahagi.

Ano ang mga sanhi ng hadhad?

Ang hadhad ay isang impeksyon sa balat ng singit na dulot ng fungi na nakukuha sa maduming kasuotan at kapaligiran. Dahil katangian ng mga fungi na mamayagpag sa mga lugar na mamasamasa at manit-init, gaya ng singit kung pagpapawisan, ang mga taong aktibo sa sports at iba pang laro na kadalasa'y nagpapawis ang madalas na nagkakaroon nito. Kaya nga Jock Itch ang tawag dito sa Ingles. Ang hadhad ay nakakahawa at maaaring maipasa kung direktang madidikit sa apektadong bahagi ng katawan, o kaya nama'y sa paggamit ng damit, kumot o tuwalya na nagamit na ng taong may hadhad.