Mga kaalaman tungkol sa balakubak o dandruff

Balakubak o 'dandruff flakes'

Ano ang balakubak o dandruff?

Balakubak o dandruff ang tawag sa isang kondisyon kung saan ang balat sa anit (o scalp) ay nagtutuklap at nagbabalat sapagkat napapabilis ang proseso ng pagkamatay ng balat. Ang resulta ng mga pagbabalat at pagtutuklat na ito ay ang mga tuklap-tuklap na puti ('flakes') na nanganganda-laglag sa buhok, na siya ring tinatawag na balakubak.

Ano ang sanhi ng balakubak o dandruff?

Gaya ng marami sa mga tinatalakay natin na karamdaman, hindi pa gaanong ka-klaro kung ano ang mga sanhi ng balakubak, ngunit ito'y iniuugnay ng mga mag-aaral sa isang kondisyon na tinatawag na 'seborrheic dermatitis', kung saan malangis o 'oily' ang balat at nagkakaron ng pagkatuklap di lamang sa buhok, kundi pati sa ilong, kilay, at iba pa. Isa pa, ang isang fungus na tinatawag na malassezia, bagamat wala namang masamang naidudulot sa ordinaryong balat, ay maaaring maging sanhi rin ng balakubak kung sila'y dumami ng higit sa kaya ng balat.

Isa pa, ang paggamit ng iba't ibang produkto sa buhok, gaya ng hairspray, gel, mousse, at ang sobrang paggamit ng shampoo at conditioner, ay posible ring mag-contribute sa pagkakaron ng balakubak. Panghuli, ang pagiging 'stressed' ng isang tao ay isa ring posibleng sanhi nito.

Nakakahawa ba ang balakubak?

Hindi nakakahawa ang balakubak, kaya't hindi ito isyu sa pagsasalo ng mga tuwalya, at hindi rin ito nahahawa sa pakikipagtalik.

Sino ang apektado ng balakubak?

Tinataya na nasa kalahati ng lahat ng tao ang apektado, naapektuhan, o maapektuhan ng balakubak sa isang punto ng kanilang buhay. Ito'y pinaka-karaniwang sa mga teenager at sa taong nasa kanilang 20s, ngunit kahit sa pagtanda ay marami paring apektado nito.