Mga kaalaman tungkol sa Buni o Ringworm

BuniAng buni o ringworm ay isang sakit sa balat na gaya ng an-an ay dulot ng isang fungal infection. Ito’y maaaring matagpuan sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula ulo hanggang paa. Sa paa, ito’y may espesyal na tawag – alipunga o Athlete’s foot (may nakabukod na artikulo para dito). Sa singit naman, ito’y tinatawag na Jock itch. Sa terminolohiyang medikal, ang buni sa pangkalahatang ay tinatawag na Dermatophytosis. Ang buni ay karaniwang sa mga matatanda. Ayon sa isang pag-aaral, mahigit na 20% na lahat ng tao sa mundo ay may buni. Ang mga hayop gaya ng aso’t pusa ay maaari ring magkaroon ng buni.

Ano ang sanhi ng buni at saan ito nakukuha?

Gaya nga ng nabanggit, ang buni ay isang impeksyon sa balat na dulot ng fungus. Ang pagkapit ng fungus at pagtubo nito ay nakakabuo ng mala-singsing na porma, kaya naman tinatawag itong ringworm sa Ingles, at lumalaki at lumalawak habang tumatagal. Ito ay maaaring makuha sa mga bagay na ginamit ng taong mayroong buni. Halimbawa, maaring mahawa ng buni sa anit kung makakagamit ng suklay o sombrero ng taong mayroong buni rin sa anit. Maaari namang kumalat ito sa katawan kung gagamit din ng damit o tuwalya ngtaong apektado nito.