Mga pagkain na mataas sa uric acid

Ang uric acid ay isang compound gaya rin ng asukal o kolesterol na natatagpuan sa katawan. Ito’y binabantayan natin dahil ang mataas na antas ng uric acid ay maaaring magdulot ng uri ng rayuma o arthritis na tinatawag na “gouty arthritis”. Ang mataas ng antas ng uric acid ay maaari ring magsanhi ng bato sa bato. Tandaan na hindi lahat ng rayuma ay dahil sa uric acid; hindi rin lahat ng bato sa bato ay dahil sa uric acid. Mahalagang magpasuri muna sa doktor kung uric acid ba talaga ang sanhi ng inyong nararamdaman.·

Sa totoo, ang mga pagkain na binabansagang “mataas sa uric acid” ay ang mga pagkain na mataas sa “purine” o purine-rich foods. Ang purine ay isang compound na bahagi sa mga “amino acids” na bumubuo ng mga protina sa katawan.

Mga pagkain na nagpapataas ng uric acid

  • Mga lamang-loob sa karne gaya ng atay, lapay, atbp.
  • Iba pang bahagi ng karneng pula (red meat): baboy, baka, etc.
  • Mga isdang galing sa dagat (saltwater fish)
  • Sardinas, bagoong at alamang
  • Kabute o mushroom
  • Sitaw, bataw, patani (mga beans)
  • Beer at alak
  • Tinapay

Ang magandang balita ay ang ating paboritong kanin o “plain rice” ay hindi mataas sa purines.

Kung makikita nyo sa ating listahan, kapag ang isang tao ay nakipag-inuman, may alak at beer, may pulutan na maaaring karne, isdang dagat, at tinapay, at iba pa: naghahalo ang mga pagkaing nagpapataas ng uric acid at mas lumalaki ang probabilidad na magdulot ito ng problema sa inyong katawan.·

Ano ang dapat gawin kung mataas ang uric acid?

  • Kumain ng maraming prutas at gulay
  • Maghinay-hinay sa karne
  • Iwas sa pagkaing matataba
  • Iwas sa beer at alak
  • Uminom ng maraming tubig (> 8 baso / araw)

Paano malalaman kung mataas ba ang “uric acid”?

Ang uric acid ay maaaring sukatin sa pamamagitan ng isang blood test. Kumukuha ng dugo mula sa braso at ito’y sinusuri sa laboratoryo. Ang normal na antas ng uric acid ay:

  • Sa mga lalaki: 3.4-7.0 mg/dL (0.2 hanggang 0.41 mmol/L)
  • Sa mga babae: 2.4-6.0 mg/dL (0.14 hanggang 0.35 mmol/L)

Mahalagang banggitin na ang iba’t ibang tao ay may iba’t ibang antas ng uric acid na “normal” para sa kanya; ang nabanggit nating mga numero ay ang pangkaraniwan lamang. Hayaan na ang inyong doktor ang magbasa ng resulta ng inyong blood test para maiugnay nya ito sa iba pang mga blood tests at sa kanyang pagsususuri sa inying katawan. Ngunit para sa nakakarami, magandang “target” ay uric acid na mas mababa sa 6 mg/dl o 0.35 mmol/L