Ang laging maipapayo ni Doc Gerry ay huwag na huwag mag self medicate o mag eksperimento sa mga gamot. Alalahaning maraming uri ng sexually transmitted diseases (STD) at hindi lahat ay naidadaan sa pag inom ng antibiotiko.
Halimbawa, ang Herpes at Human Papillomavirus (HPV) ay parehong sanhi ng mga viruses. Ang mga virus ay hindi tulad ng mikrobyo na kayang mapuksa ng antibiotiko. Depensa ng katawan ang siyang pumupuksa sa mga viruses. Minsan, kusa itong nawawala makalipas ang ilang buwan o taon. Ngunit may ilang pagkakataon ring hindi ito kaya labanan ng katawan kung kaya may ilang alternatibo ang maiaalay ng inyong doktor.
Kung may hinihinalang may STD ang isang tao, iwasan muna makipagtalik sa kahit kanino man at magpakonsulta kaagad sa doktor. Sa mga susunod na pagkakataon, maiging gumamit ng proteksyon gaya ng condom upang mapababa ang tyansa na makahawa o mahawa ng STD. Ngunit ang pinaka mabisa pa rin ay kilalaning maigi ang kasiping, alamin ang kanilang nakaraan, at maging tapat sa isa’t-isa. Kung maaari, iwasan ang papalit-palit na partner.
Panatilihing masigla ang pangangatawan upang malabanan ang mga impeksyon. Matulog ng maaga. Kumain ng mga prutas at gulay. Iwasan ang pagpupuyat at labis na pagiisip sa mga problema ostress. Tandaan na hindi lamang gamot ang nakakapagpagaling sa atin, ngunit may mekanismo rin ang ating katawan na siyang lumalaban sa mga mikrobyo at viruses kung kaya kailangang alagaan natin ang ating kalusugan.
Kung sakaling resetahan ng doktor na uminom o turukan ng gamot, sundin ito upang maagang gumaling. Maaaring may kamahalan ang gamot pero may ilang mapagpipilian namang generic sa botika. Sabihin kaagad sa doktor kung mahihirapang sundin ang rekomendasyong gamutan upang makahanap ng ilang alternatibo. Kung buntis, nagpapasuso, o hinihinalang nagdadalang tao, ipagbigay alam kaagad ito sa doktor dahil may ilang gamot na hindi angkop sa mga babaeng nabanggit.

