Ano ang gamot sa dengue fever?

Dengue fever ay isang kondisyon dulot ng Dengue virus, na siya namang dala ng ilang uri ng lamok gaya ngĀ Aedes aegypti. Hindi nakakahawa ang dengue tao sa tao; Kagak ng lamok na may dala ng dengue virus ang sanhi ng pagkakasakit. Lagnat at pagdudugo sa katawan ay dalawang katangian ng dengue na malala na, kaya ito’y tinatawag na “Dengue Hemorrhagic Fever“.

Ano ang gamot sa dengue fever?

Kusang nawawala ang dengue fever matapos ito’y magsanhi ng iba’t ibang sintomas sa loob ng ilang araw hanggang isang linggo. Subalit mahalagang bantayan ng mabuti ang pasyente na may dengue fever. Narito ang mga payo upang gumaling ng maayos ang pasyente:

  • 1. Kumpletong pahinga. Alisin na ang mga bagay na nakaka-stress sa pasyente, at mga nakakapagod na aktibidades na pisikal. Sa halip, hayaan syang makapahinga sa kama ng walang iniisip. Kung ang may sakit ay isang estudyante, mag-absent na lang muna sa klase.
  • 2. Uminom ng maraming tubig, juice, soup, atbp. Ang pagpapanatiling sapat ang tubig sa loob ng katawan ay isang mahalagang haligi ng gamutan ng dengue.
  • 3. Magpatingin kaagad sa doktor kung may mataas na lagnat na may kasamang mga sintomas na ating nabanggit sa naunang artikulo. Ang pasyente ay maaaring ma-ospital kung kinakailangang tiyakin ang sapat ng tubig sa katawan sa pamamagitan ng swero o IV fluid hydration, at para ma-monitor kung meron o magkakaron ng mga palantaan ng pagdudugo sa katawan, at masalinan kaagad ng dugo kung nararapat.
  • 4. MAHALAGA: Iwasan ang pag-inom ng aspirin o ibuprofen kung ikaw ay may dengue fever, o may mataas na lagnat na hinihinalang dengue, sapagkat ang pag-inom nito ay nakakataas na posibilidad na magkaron ng komplikasyong pagdurugo sa katawan ang dengue. Sa halip, uminom na lamang ng Paracetamol na siyang ligtas na pampababa ng lagnat at sakit ng ulo sa mga may dengue.
  • 5. Huwag basta maniwala sa kung anu-anong gamot na inaalok na para daw sa dengue. Dahil uso ang dengue, maraming mga taong nanganako ng gamot para dito. Kasama na dito ang mga herbal na gamot gaya ng tawa-tawa (Tingnan ang artikulong ito sa Kalusugan.PH tungkol sa tawa-tawa). Bagamat maaaring may pag-asang makatulong ang mga ito, sapagkat ang dengue ay isang kritikal na karamdaman, mabuti na ang sigurado.