Halamang Gamot: Nipa

Kaalaman tungkol sa Nipa bilang halamang gamot

Scientific name: Nypa fruticans Wurmb.; Nipa fruticans Thunb.

Common name: Nipa, Pawid, Sasa (Tagalog); Nipa Palm (Ingles)

nipa

Ang nipa ay isang mahalagang halaman sa Pilipinas. Ang iba’t ibang bahagi ng halamang ito ay ginagamit sa paggawa ng maraming uri ng produkto. Ang halaman ay maliit lamang na karaniwang tumutubo sa mga maputik na sapa, gilid ng ilog, at bukana ng ilog papuntang dagat. Ang mga dahon nito ay kahalintulad ng niyog habang ang bulaklak ay bilog at may malalaking buto.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Nipa?

Ang iba’t ibang bahagi ng tubo ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang dagta mula sa halaman ay mayaman sa ethanol, gayundin sa iba pang uri ng alkohol gaya ng esters, diacetyl, at acetoin

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Ang ilang bahagi ng halaman ay maaaring magamit sa panggagamot:

  • Dahon. Ang pinaglagaan ng dahon ay kilalang ginagamit sa paggagamot. Maaari din itong dikdikin at ipantapal sa ilang kondisyon sa balat.
  • Dagta. Ang dagta ng halaman partikular sa umuusbong pa lang na bahagi ay mabisang panggamot. Kalimitang hinahalo ito sa inumin.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Nipa?

1. Ulcer sa sikmura. Pinaniniwalaang makatutulong sa kondsiyon ng ulcer sa sikmura ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon.

2. Herpes. Maaaring magamot ang sakit na dulot ng herpes sa tulong ng pag-inom sa dagta ng halaman na hinalo sa gata ng niyog.

3. Pananakit ng ulo. Ang dinikdik na dahon ay makatutulong na maibsan ang pananakit ng ulo. Dapat lamang ipantapal ito sa nananakit na ulot.

4. Implamasyon ng mata. Ang mata na may iritasyon ay maaaring matulungan kung huhugasan ito gamit ang dagta na hinalo sa tubig.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.