Halamang Gamot: Kamantigi

Kaalaman tungkol sa Kamantigi bilang halamang gamot

Scientific name: Balsamina angustifolia Blume; Balsamina coccinea (Sims) DC.; Impatiens balsamina Linn.

Common name: Kamantigi (Tagalog); Balsam, Touch-me-not (Ingles)

kamantigiAng kamantigi ay isang maliit lamang na halaman na kilalang namumulaklak. Ito ay may makinis na dahon na may tusok-tusok sa gilid at patulis sa dulo. Ang bulaklak ay maaaring kulay rosas o kulay puti. Ang mga buto ay nababalot ng mala-kapsulang bahagi. Kilala ito bilang halamang ornamental at kadalasang makikitang nakatanim sa paso.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kamantigi?

Ang iba’t ibang bahagi ng kamantigi ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang dahon ng kamantigi ay may taglay na sulfur at pectin.
  • Ang ugat ay may taglay naman na peroxidase.
  • Ang mga buto ay mayroong langis at phenol.
  • Ang bulaklak ay may taglay naman na alkaloids, tannins, glycosides, flavonoids, saponins, terpene, and carbohydrates

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Ang ilang bahagi ng halaman ay maaaring magamit sa panggagamot:

  • Dahon. Ang dahon ay karaniwang dindikdik upang ipantapal sa ilang kondisyon.
  • Bulaklak. Karaniwan namang nilalagat at iniinom ang bulaklak ng kamantigi.
  • Buto. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng buto ay mabisa rin para sa ilang karamdaman.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Kamantigi?

1. Ubo. Ang kondisyon ng ubo ay maaaring matulungan ng pag-inom sa pinaglagaan ng buto ng kamantigi.

2. Kulugo. Pinaniniwalaang makatutulong sa pag-alis ng kulugosa balat ang pagtatapal ng dinikdik na dahon ng kamantigi sa apektadong bahagi ng katawan.

3. Pasa. Makatutulong din para sa kondisyon ng pagpapasa ang pagtatapal ng dinikdik na dahon ng halaman.

4. Rayuma. Maaaring ipantapal ang dinikdik na bulaklak ng kamantigi sa nananakit ng kasukasuan na dulot ng sakit na rayuma.

5. Dysmenorrhea. Makatutulong sa kondisyon ng dysmenorrhea ang pag-inom sa pinaglagaan ng bulaklak.

6. Impeksyon ng fungi sa mga kuko. Mabisang panlunas naman para sa mga kuko na apektado ng impeksyon ng fungi ang pagtatapal ng dinikdik na dahon ng halaman.

 

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.