Kaalaman tungkol sa urinalysis o pagsusuri sa ihi

Ano ang urinalysis at para saaan ito?

Ang pagsusuri sa ihi o urinalysis ay isang pamamaraang medikal kung saan sinusuri at pinag-aaralan sa laboratoryo ang ihi ng tao. Ito ay mabisang paraan ng pagtukoy sa maraming uri ng sakit na nararanasan ng isang indibidwal. Dito’y ineeksamin ang anyo, kulay, konsentrasyon, at mga kemikal na bumubuo sa ihi. Anumang abnormalidad o kaibahan sa normal na bilang at sukat ay maaring mangahulugan ng karamdaman o kondisyon sa katawan.

Kanino at kailan isinasagawa ang urinalysis?

Maaaring isagawa ang pagsusuri sa ihi sa kahit na sinong tao lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Maaaring ito ay para matukoy ang sanhi ng nararanasang sintomas o abnormalidad sa katawan, o kaya naman ay para lamang makasiguro na ang katawan ay nasa normal na kondisyon. Mahalaga rin ang urinalysis sa pagmomonitor ng mga kaganapan sa katawan. Bukod sa mga nabanggit, maari din isagawa ang urinalysis para matukoy ang pagbubuntis ng isang babae, o sa pagsasagawa ng drug screening.

Paano isinasagawa ang urinalysis?

Ang pagkolekta sa ihi na gagamitin sa pagsusuri ay maaaring isagawa sa bahay o kaya sa klinika ng sumusuring doktor. Ang ihi na inilalagay sa isang plastic na lalagyan na bigay ng doktor ay ipapadala sa laboratoryo upang doon pag-aralan. Ang ihi ay maaaring haluan ng ilang kemikal, silipin sa ilalim ng microscope, at isailalim pa sa ilang mga pamamaraan.

Anu-ano ang mga tinitignan sa urinalysis?

Ang karaniwang pagsusuri ng ihi na ginagawa sa laboratoryo ay maaaring makapagbigay ng resulta gaya ng sumusunod:

  • Acidity (pH). Isa sa mga tinitignan sa sinusuring ihi ay ang acidity nito. Ang abnormalidad sa acidity ng ihi ay maaaring mangahulugan ng problema sa bato o sa daluyan ng ihi.
  • Concentration. Tinitignan din ang konsentrasyon ng ihi upang matukoy kung sapat ang tubig na tinatanggap ng katawan sa araw-araw.
  • Protein. Tinitignan din ang lebel ng protina sa ihi. Ang mababang lebel nito ay nangangahulugang normal lamang, habang ang pagtaas sa lebel ng protina ay maaaring mangahulugang may problema sa bato.
  • Sugar. Ang normal na ihi ay kadalasang hindi namang nakikitaan ng asukal. Ngunit kung mayroong asukal sa ihi, maaaring mangailangan ng follow-up check up para sa diabetes.
  • Ketones. Ang pagkakaroon din ng ketones sa ihi ay maaaring mangahulugan ng diabetes.
  • Bilirubin. Ang pagkakaroon naman ng bilirubin sa ihi ay senyales ng pagkakaroon ng sakit sa atay.
  • Impeksyon. Maaaring masilip din sa ihi ang ilang ebidensya ng impeksyon sa daluyan ng ihi (UTI) gaya ng white blood cells
  • Dugo. Ang pagkakaroon naman ng dugo sa ihi ay nangangahulugan ng problema sa bato o pantog.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng urinalysis?

Ang resulta ng urinalysis ay karaniwang nakukuha isang araw pagkatapos maipasa sa laboratoryo ang sample ng ihi. Ngunit sa ibang pagkakataon lalo na kung kinakailangan ang agarang resulta ng pagsusuri, maaring makuha ang resulta pagkatapos lamang ng ilang oras.

Ano ang mga sakit na maaaring matukoy sa pamamagitan ng urinalysis?

Ang pagsusuri ng ihi ay hindi naman nakapagbibigay ng siguradong diagnosis, bagkus nagbibigay lamang ng paunang mga ebidensya para sa sakit. Ang mga ebidensyang ito naman ang pagbabasehan ng doktor kung kakailanganin pa ang karagdagan pagsusuri o follow-up check up. Sa tulong ng urinalysis, maaaring masilip ang pagkakaroon ang paunang ebidensya ng pagkakaroon ng karamdaman o kondisyon sa bato at daluyan ng ihi gaya ng UTI, kidney stones, kanser sa bato at pantog, at iba pa. Maaari din itong makapagbigay ng ebidensya sa sakit na diabetes, at sakit sa atay. Ang pagkumpirma sa pagbubuntis at paggamit sa ipinagbabawal na gamot ay natutukoy din gamit ang urinalysis.

May epekto ba sa katawan ang urinalysis?

Dahil ang ihi na ginagamit sa pagsusuri ay madali namang nakukuha nang walang aparato na ipinapasok o itinutusok sa katawan, o kaya ay gamot na pinapainom sa pasyente, kadalasan ay wala namang epekto sa kalusugan ang pamamaraang ito.

Kahalagahan ng Newborn Screening

Ang newborn screening ay isang simple ngunit mahalagang pamamaraan na isinasagawa sa mga bagong silang na sanggol upang makita kung mayroong sakit o anumang kondisyon na kinakailangang gamutin. Sa tulong nito, maaring maagapan ang ilang mga sakit na nakukuha sa kapanganakan at maging ang kamatayan sa mga bagong silang na sanggol (neonatal death) na isa sa sampung pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa.

Layunin ng pamamaraang ito na mabigyan ng normal na pamumuhay ang lahat ng bagong silang na sanggol at matiyak na maaabot ang kabuuang potensyal ng bata.

newborn screening

Paano isinasagawa ng Newborn Screening?

Sa tulong ng newborn screening na isinasagawa sa mga ospital at mga lugar panganakan, maaaring matukoy ang sakit at agad itong malunasan. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng sumusunod na hakbang:

1. Ang screening sa bagong silang na sanggol ay isinasagawa sa loob ng 48 na oras mula nang mainanganak ang bata, o kaya ay sa loob ng 24 oras ngunit hindi sa pagkalipas ng 3 araw. Kung ang sanggol ay itinalaga sa Intensive Care Unit ng ospital, maaaring hindi agad suriin at palipasin ang 3 araw, ngunit dapat pa ring isailalim sa screening sa pag-apak nito sa edad na 7 araw.

2. Tintutusok ang sakong ng bata at dito’y kumukuha ng ilang patak ng dugo.

3. Ang nakuhang dugo ay inilalagay sa isang espesyal na uri ng card at pinapatuyo nang apat na oras.

4. Ang newborn screening ay maaaring isagawa ng nurse, doctor, komadrona, o medical technologist sa ospital o lugar panganakan.

5. Kung sakaling magpositibo sa anumang kondisyon ang inisyal na screening, maaaring ipasa ang kaso sa mga doktor upang agad na mabigyan ng lunas.

 

Mga kaalaman tungkol sa Magnetic Resonance Imaging o MRI

Ano ang MRI at para saan ito?

Ang pagsusuri gamit ang Magnetic Resonance Imaging o MRI ay isa ring mahusay at ligtas na diagnostic test o pamamaraan ng pagtukoy sa mga kondisyon o karamdaman sa katawan na gumagamit ng magnetic field o radio waves. Sa pamamagitan nito, makita ang detlayadong imahen ng mga kalamnan sa loob ng katawan at iba pang mga kondisyon dito gaya ng mga tumor, pagbabara sa mga daluyan, at iba pa.

Kanino isinasagawa ang MRI?

Ang MRI ay maaaring isagawa sa kahit na sino, lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Ngunit ito ay pinakamdalas na isinasagawa sa mga taong may pilay, o fracture sa buto, may mga kondisyon sa utak, spinal cord, puso at mga daluyan ng dugo. Gayun din sa mga taong nakararanas ng iba pang kondisyon sa tiyan, mga bato, baga, at suso.

Paano isinasagawa ang MRI?

Ang pagsusuri gamit ang MRI ay isinasagawa sa isang malaki at mala-tubong makina kung saan pinahihiga sa loob ang pasyente. Ang makina ay maglalabas ng malakas na magnetic field at radio waves na direktang ipapatama sa katawan ng sinusuring pasyente. Ito ay mabilis lang na nagtatagal ng hanggang isang oras at walang maidudulot na pananakit o anumang pakiramdam. Minsan pa, upang matukoy ang ilang paggana ng katawan, maaaring may ipagawa ang doktor sa pasyente habang sinusuri ng MRI. Maaari ding isagawa ito na natutulog ang pasyente.

Ang resulta ng pagsusuri ay pumapasok sa isang computer at pinag-aaralan at binabasa naman ng isang radiologist.

Ano ang mga kondisyon na maaaring matukoy sa MRI?

Sa pamamagitan ng MRI, maaaring matukoy ang ilang karamdaman at kondisyon sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Dahil ito ay itinuturing na ligtas na pamamaraan, ito ay kalimitang ginagamit upang tukuyin ang mga kondisyon sa utak at spinal cord gaya ng pagputok ng mga ugat, pagkakaroon ng tumor, stroke, at iba pang pinsala sa nasabing bahagi ng katawan. Maaari ring matukoy ang mga paggana sa utak gamit ang funtional MRI o fMRI.

Madalas din gamitin ang MRI upang tukuyin ang mga kondisyon sa puso at daluyan ng dugo. Kabilang dito ang mga pagbabago sa laki ng puso, mga pinsala na dulot ng mga karamdaman sa puso, at pamamaga sa mga daluyan ng dugo.

Ang MRI ay mahusay din sa pagtukoy ng mga kondisyon sa atay, bato, lapay, matres, at iba pang mga lamang loob ng tao.

Paano paghahandaan ang MRI?

Bago isagawa ang MRI, mahalaga na malaman ng doktor kung mayroong mga bakal at ilang atipisyal na bahagi ang nasa loob ng katawan gaya ng bakal na buto, artipisyal na valves sa puso, pacemaker, o bala ng baril na naiwan sa loob ng katawan. Tandaan na ang mga ito ay maaaring makaapekto sa resulta ng pagsusuri at maaari ring makasama sa mismong kalusugan ng pasyente.

Mahalaga rin na malaman ng doktor kung ang pasyente ay buntis, sapagkat maaaring maapektohan ng mga magnetic field ang sanggol na nasa sinapupunan.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng MRI?

Ang resulta ng MRI ay madali lang rin makuha sapagkat ang mga imahe na nakukuha sa pagsusuri  ay pumapasok ng “real time” sa isang computer. Maaaring maghintay lamang ng ilang minuto hanggang isang oras para makuha ang resulta nito.

Ano ang maaaring epekto ng MRI sa katawan?

Ang MRI, sa pangkalahatan, ay itinuturing na ligtas na pamamaraan ng pagsusuri sa mga pasyente. Gumagamit ito ng mga magnetic feilds at radio waves na walang epekto sa katawan. Ito rin ay hindi gumagamit ng X-ray radiation, kung kaya mas mapapanatag ang loob ng mga pasyente na may pangamba sa paggamit ng X-ray radiation.

Kung susunding mabuti ang tamang paraan ng paggamit nito, ito ay walang maidudulot na masamang epekto sa katawan.

Mga Kaalaman tungkol sa Computerized Tomography Scan o CT scan?

Ano ang Computerized Tomography Scan?

Ang Computerized Tomography Scan, na mas kilala sa tawag na CT Scan, ay isang makabagong pamamaraan ng pagsusuri sa loob na bahagi ng katawan. Ito ay gumagamit ng radiation na X-ray at pinapatama sa iba’t ibang angulo upang makuha ang mala-3D na imahe ng loob na bahagi ng katawan. Ang resulta ng pagsusuri naman ay agad na pumapasok sa isang computer na madali naman nasusuri ng isang radiologist. Dahil ang CT Scan nakakalikha ng masdetalyadong resulta, ito ay isa sa mga pinakaepektibo at pinakamabisang paraan ng pagsuri o pag-diagnose ng mga karamdaman o kondisyon sa lahat ng bahagi ng katawan.

Kanino at kailan ginagamit ang CT Scan?

Ang pagsasagawa ng CT Scan ay maaari sa kahit na sinong pasyente ayon sa rekomendasyon ng doktor. Maaaring gamitin ito para matukoy ang mga pilay o anumang kondisyon sa mga buto at kalamnan. Makatutulong din ang CT Scan sa pagtukoy sa mismong lugar na kinaroroonan ng mga tumor, impeksyon, o pamumuo ng dugo sa loob ng katawan. Ginagamit din ito upang gabayan ang pagsasagawa ng iba pang pamamaraan gaya opersyon, biopsy, at radiotherapy. Ang pagbabantay sa paglala o pagbuti ng mga sakit tulad ng kanser, pagkasira ng atay, sakit sa puso at iba pa, ay ginagamitan din ng CT Scan.

Paano isinasagawa ang CT Scan?

Sa tulong ng isang radiation technologist, ang pasyenteng susuriin ay pinahihiga sa isang lamesa kung saan nakadikit ang scanner ng CT Scan. Ang scanner ay itsurang bilog na may butas sa gitna, na tila isang doughnut. Sa bawat pag-ikot ng bilog na scanner, nakukuhanan ng imahe ang bahagi ng katawan sa iba’t ibang angulo, at ang mga nakuhang ito ay pumapasok kaagad sa isang computer. Ang mga resulta naman ay maaring i-print upang mapag-aralan ng mga doktor. Minsan, gumagamit din ng “contrast” sa pagsusuri gamit ang CT Scan upang mas maging malinaw ang kaibahan ng mga bahagi ng katawan. Ang contrast ay maaaring iniinom, tinuturok o pinapasok sa butas ng puwit.

Ano ang mga kondisyon na maaaring matukoy sa CT Scan?

Gamit ang CT Scan, maaaring matukoy ang halos lahat ng karamdaman na nakakaapekto sa katawan. Una ay sa mga buto at kalamnan sa lahat bahagi ng katawan. Maaari nitong matukoy kung may pilay, impeksyon, o anumang kondisyon sa mga bahaging ito. Maaari din suriin ang mga kondisyon, impeksyon, mga abnormalidad o pagtubo ng mga tumor sa mga ispesipikong organs o laman ng katawan gaya ng puso, atay, bato, apdo, lapay, at maging sa utak.

Paano paghahandaan ang CT Scan?

Bago isagawa ang CT scan, dapat ay ipaalam muna kung ang pasyente ay buntis, may allergy, may diabetes o kondisyon sa iba pang bahagi ng katawan. Ito ay para maiwasan ang maaarig komplikasyon ng radiation sa dinadalang bata, at ang ‘di nais na reaksyon ng “contrast” sa katawan. Maaari ring patigilin muna sa pagkain ang pasyente isang araw bago masuri upang maiwasan ang maling diagnosis lalo na sa daluyan ng pagkain gaya ng sikmura at mga bituka. Upang mas maging epektibo ang pagsusuri ng CT Scan, tiyaking susundin ang lahat ng payo ng mga doktor.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng CT Scan?

Dahil ang mga imahe ng pagsusuri ay agad na pumapasok sa isang computer, at mabilis din namang napag-aaralan ng mga radiologist, ang result ay maaaring makuha kaagad ilang minuto o ilang oras pagkatapos isagawa ang CT Scan.

Ano ang maaaring epekto ng CT Scan sa katawan?

Dahil ang CT Scan ay gumagamit din ng radiation ng X-ray, mayroong panganib na magdulot ito ng kanser, bagaman napakababa lamang. Kahit na mas maraming radiation ang ibinabato sa katawan ng CT Scan kumpara sa isang simpleng X-ray test, napakaliit pa rin ng posibilidad na humantong ito sa ibang sakit sapagkat kontrolado at napakaliit lamang ng radiation na binubuga ng mga makinang ito at kadalasang hindi naman sapat para makapagpasimula ng karamdaman. Pinakamataas lamang ang panganib sa mga buntis sapagkat maaaring makapekto ang radiation sa mga batang nasa sinapupunan pa lamang. Sa ganitong sitwasyon, maaaring gumamit ng ultrasound at magnetic resonance imaging (MRI) na mas ligtas.

Mga kaalaman tungkol sa Ultrasound

Ano ang Ultrasound at para saan ito?

Ang ultrasound, o sonography, ay isang pamamaraang medikal na gumagamit ng sound waves o tunog, na hindi kayang marinig ng tao, upang masilip ang mga bagay-bagay at istruktura sa loob ng katawan. Isa itong mabisang diagnostic test o paraan ng pagtukoy ng mga karamdaman, o kondisyon sa katawan. Madalas din itong gamitin upang silipin ang sanggol na nasa sinapupunan pa lamang. Ginagamit din ito upang pag-aralan ang galaw at paggana ng ilang bahagi ng katawan gaya ng puso, pagdaloy ng dugo, kilos ng mga buto at kalamnan. Maaari ring gamitin ang ultrasound upang magabayang ang karayumna ginagamit sa pagkuha ng biopsy. Ang sound waves na may mataas na frequency na ginagamit sa pamamaraan ito ay nagmumula sa instrumentong transducer.

Kanino at kailan isinasagawa ang Ultrasound?

Ang pagsasagawa ng ultrasound ay maaaring gawin sa kahit na sinong tao ayon sa rekomendasyon ng doktor. Maari itong isagawa sa pag-aaral sa mga pagbubuntis, sa pagtukoy ng mga sakit, at sa paggabay ng iba pang pamamaraan tulad ng biopsy.

Para sa mga buntis, ginagamit ang ultrasound upang masilip ang sanggol na nasa sinapupunan. Sa pamamagitan ng ultrasound, maaaring matukoy ang kasarian ng sanggol, ang kabuwanan, pagkakaroon ng kambal, at iba pang kondisyon sa pagbubuntis. Mahalaga rin ito sa pagtukoy ng problema sa panganganak gaya ng suhi, pagpulupot ng pusod sa bata, at iba pa.

Sa pagtukoy naman ng mga karamdaman at kondisyon sa katawan, makatutulong ang ultrasound sa pagsilip sa mga bahagi ng kalamnan na malambot at manipis na hindi nakikita sa ibang pagsusuri gaya ng X-ray.

Para naman sa pagsasagawa ng biopsy, makatutulong ang ultrasound para magabayan ang karayom patungo sa bahagi ng katawan na kukuhanan ng laman para sa pag-aaral.

Paano isinasagawa ang Ultrasound?

Ang transducer na ginagamit sa pagsasagawa ng ultrasound ay dinidikit lamang sa balat malapit sa bahagi ng katawan na nais silipin. Ang sound waves na tumatama sa bahagi ng katawan ay babalik bilang mga echo kasama ang imahe ng bahaging sinusuri. Ang imaheng lumalabas ay pumapasok na direkta sa isang computer kung saan maaari itong i-record. Ang resulta ng pagsusuri ay tinitignan at binabasa ng isang ragiologist, at ipapasa naman sa doktor ng pasyente.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng Ultrasound?

Ang resulta ng ultrasound ay kadalasang nakukuha naman kaagad sapagkat ang resulta ay pumapasok ng “real time” kasabay ng pagsusuri.

Maroon bang epekto ang ultrasound sa katawan?

Ang pamamaraan na gumagamit ng ultrasound ay itinuturing na ligtas sapagkat wala naman itong kahit na anong epekto sa katawan. Bagaman ang pagsusuring ito ay mayroong limitasyon, lalo na sa pagsilip nga mga bahaging naikukubli ng matigas na buto. Dahil dito, inirerekomenda ang paggamit ng ibang pamamaraan gaya ng X-ray, CT Scan at MRI.

Mga kaalaman tungkol sa Pagsusuri ng Dugo o Blood Testing

Ano ang Blood Testing at para saan ito?

Ang pagsusuri ng dugo ay isang mabisang uri ng diagnostic test o pamamaraan sa pagtukoy ng kondisyon o karamdaman na isinasagawa sa laboratoryo. Sa pamamaraang ito, natutukoy ang ilang mga bagay gaya ng bilang ng mga cells, balanse ng mineral at kemikal na natural na nasa dugo, pati na ang presensya ng ibang bagay na karaniwang wala naman. Ang anumang pagbabago sa normal na bilang, sukat, at lebel ng mga bagay na bumubuo sa dugo ay maaaring indikasyon ng karamdaman, abnormalidad o anumang kondisyon sa katawan. Maaari din itong isagawa upang mabantayan ang reaksyon ng katawan mula sa mga binibigay na gamot, o kaya naman ay para makita ang ilang kaganapan sa katawan, partikular sa atay at bato.

Kanino at kailan isinasagawa ang pagsusuri ng dugo?

Kahit na sinong tao ay maaaring isailalim sa pagsusuri ng dugo lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Maaaring ito ay para matukoy ang sanhi ng nararanasang sintomas o abnormalidad sa katawan, o kaya naman ay para lamang makasiguro na ang katawan ay nasa normal na kondisyon. Mahalaga rin ang blood testing sa pagmomonitor ng mga kaganapan sa katawan. Sinusuri din ang dugo bago magsagawa ng paglilipat ng dugo o blood transfusion.

Paano isinasagawa ang pagsusuri ng dugo at anu-ano ang sinusuri dito?

Ang pagsusuri ng dugo ay nagsisimula sa blood extraction o pamamaraan ng pagkuha ng dugo na kadalasang ginagawa ng mga nurse, medical technologists, paramedics o kaya naman ay mismong doktor lalo na sa mga kritikal sa kondisyon. Depende sa uri ng pagsusuring isasagawa, ang pagkuha ng dugo ay maaaring maramihan o kaya ay kakaunti lamang. Para sa mga simpleng pagsusuri ng dugo, maaaring kumuha lamang ng ilang patak ng dugo mula sa pagtusok sa daliri. Ngunit kung ang isasagawang pagsusuri ay mangangailangan ng marami-raming dugo, kinukuha ito direkta mula sa ugat na nasa tupi ng braso. Pinupuluputan ng malagoma na tali ang braso, na kung tawagin ay tourniquet, upang mas makita ng husto ang ugat na tutusukan. Kapag ang ugat ay lumitaw na, tinutusok ito ng karayom at saka hihigupan ng ilang mililitrong dugo gamit ang hiringilya. Ang dugong makukuha ay nilalagay sa espesyal na lalagyan o bote na makapipigil sa pamumuo ng dugo.

Ang nakuhang dugo ay inaaral sa laboratoryo at sinusuri depende sa kung ano ang pangangailangan. Maaaring ito ay silipin sa ilalim ng microscope, o kaya ay haluan ng iba’t ibang substansya para makita ang paggana ng dugo o para masukat ang mga lebel ng ilang kemikal na nasa dugo.

Anu-ano ang mga iba’t-ibang uri ng pagsusuri ng dugo?

Ang mga karaniwang pagsusuri ng dugo na ginagawa sa laboratoryo ay ang sumusunod:

  • Blood smear – Ito ang pinakasimpleng pagsusuri ng dugo sa ilalim ng microscope. Maaari itong isagawa upang matukoy ang presensya ng “foreign bodies” sa dugo, gaya ng pagkakaroon ng parastiko.
  • Complete blood count (CBC) – isinasagawa upang mapag-aralan ang bilang at kondisyon ng mga cells na nasa dugo. Kadalasan ay para matukoy ang pagkakaroon ng anemia.
  • Paggana ng Atay (LFT) – Maaaring suriin ang dugo ispesipiko para sa paggana ng atay o Liver Function Test (LFT). Matutukoy dito kung mayroong problema sa atay.
  • Paggana ng Bato (eGFR) – Ang paggana din ng mga bato ay maaaring matukoy sa pamamagitang ng ispesikipong pagsusuri para dito. Ang Estimated glomerular filtration rate o eGFR ay tumutukoy sa kakayahan ng bato na salain ang dugo.
  • Paggana ng Thyroid (TSH) –
  • Blood sugar (Glucose) level – Binabasa ang lebel ng asukal sa dugo upang mabantayan ang kondisyon ng diabetes.
  • Blood cholesterol level – Mahalaga rin na matukoy ang lebel ng cholesterol sa dugo upang maagapan ang posibilidad ng stroke at atake sa puso.
  • Pagsusuri para sa implamasyon o pamamaga – Ang ano mang impeksyon at pamamaga sa katawan ay maaari ding masuri sa pamamagitang ng mga ispesipikong blood tests gaya ng erythrocyte sedimentation rate (ESR), C-reactive protein (CRP) at plasma viscosity (PV). Ang pagtaas sa lebel ng mga ito ay indikasyon ng implamasyon sa katawan.
  • Pagsusuri  para sa Antigen at Antibody – Isinasagawa ito para malaman kung may kakayahan ang katawan na labanan ang ilang particular na sakit na dulot ng mga mikrobyo.
  • Blood Type – Isa sa mga pinakakaraniwang isinasagawa ay ang pagtukoy sa blood type ng isang tao. Mahalaga ito para maiwasan ang paghahalo-halo ng magkakaibang uri ng dugo lalo na kung maglilipat ng dugo (blood transfusion). Mahalaga din na matukoy ang blood types sa pagbubuntis.

Paano pinaghahandaan ang pagsusuri ng dugo?

Sa mga simpleng pagsusuri ng dugo gaya ng pagtukoy ng bloodtype, CBC at blood smear, wala namang mahalagang paghahanda. Ngunit para sa iba pang pag-susuri, maaaring kinakailangang huwag munang kumain isang araw o ilang oras bago ang pagkuha ng dugo. Maaaring pagbawalan sa pag-inom ng kahit na anong gamot, pati na ang pag-inom ng alak. Sunding mabuti ang payo ng doktor bago isagawa ang pagsusuri ng dugo.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng pagsusuri ng dugo?

Ang resulta ng pagsusuri ng dugo ay maaaring makuha sa loob ng ilang oras lamang hanggang isang buong araw, o kaya ay isang buong linggo. Depende ito sa uri ng pagsusuri na isinagawa.

Ano ang maaaring epekto sa katawan ng pagsusuri ng dugo?

Ang pagsusuri ng dugo na sumunod sa pamantayan ng pagsasagawa nito ay kadalsang wala namang epekto sa katawan kung kaya ang pamamaraang ito, sa pangkalahatan, ay itinuturing na safe. Ngunit kung sakaling may pagbabago o pagkakamali sa mga hakbang ng pagkukuha ng dugo, maaaring magdulot ng ilang epekto na kadalasang hindi naman seryoso gaya ng pagkakaroon ng pasa sa lugar ng pinagtusukan. Minsan pa, maaari ding magkaroon ng impeksyon sa lugar ng pinagtusukan lalo na kung hindi malinis ang pamamaraan ng pagkuha ng dugo.

Mga kaalaman tungkol sa dialysis

Ano ang dialysis? Para saan ito?

Ang dialysis ay isang procedure o proseso kung saan ang mga tungkulin ng bato o kidney, katulad ng pagsasala at paglilinis ng dugo sa katawan, ay ginagawa sa isang makina. Sa madaling salita, humahalili ang isang makina sa trabaho ng kidney o bato. Sa hemodialysis, ang karaniwang uri ng dialysis, ang makina ay kinakabit sa mga ugat ng dugo o blood vessel.

Kanino ginagawa ang dialysis?

Ang dialysis ang ginagawa sa mga taong may sakit sa bato o chronic kidney disease na umabot na sa puntong hindi na gumagana ang mga bato. Hindi ito nakakalunas o nakakatanggal ng sakit sa bato, kung kaya’t ito’y dapat ginagawa ng tuloy-tuloy.

Gaanong katagal at gaanong kadalas ginagawa ang dialysis?

Kadalasan, ang isang “dialysis session” ay tumatagal ng 3 hanggang 4 na oras. Ang pasyente ay karaniwang nakaupo habang ito’y ginagawa. Maaari siyang manood ng TV, magbasa ng libro, matulog, makipagkwentuhan, o gumamit ng cellphone o tablet habang ang dialysis ay ginagawa. Babantayan lamang ang blood pressure kada 15 o 30 minutes habang ito’y ginagawa.

Paano paghandaan ang dialysis?

Ilang araw bago isagawa ang dialysis, may ilang bagay na dapat paghandaan ang pasyenteng isasailalim sa procedure na ito. Unang una, dapat ay bawasan muna ang protina at potassium sa mga kakainin. Maaaring bawasan muna ang pagkain ng karne, mga beans, saging, maging ang paginom ng gatas. Dapat ay inumin din ng tama ang mga gamot na irereseta na doktor. Ang mga gamot na ito ay tumutulong sa pagkontrol ng tubig sa katawan pati na sa presyon ng dugo. Malaking tulong din ang sapat na pahinga bago ang dialysis.

Anong maaaring side effect ng dialysis?

Bagaman malaki ang naitutulong ng dialysis sa mga pasyenteng may malalalang kaso ng sakit sa bato, hindi pa rin mawawala ang mga posibleng side effects nito sa pasyente. Sa mga pasyenteng sumasailalim sa hemodialysis, ang pinakakaraniwang nararanasan ay ang pagbaba ng presyon ng dugo. May posibilidad din na maimpeksyon ang lugar na tinusok para pag-daluyan ng dugo kung sakaling hindi malinis ang lugar kung saan isasagawa ang dialysis. Maaari ding maranasan ang pangangati ng balat matapos isagawa ang dialysis. May posibilidad din na makaranas ng depresyon, pagiging balisa at maaari din maapektohan ang kagustuhang makipagtalik.

Anong dapat gawin pagkatapos ng dialysis?

Matapos isagawa ang dialysis, ang pasyente ay kadalasang makararanas ng pagkapagod. Kung kaya’t pinapayuhan ang pasyente na magpahinga ng sapat hanggang sa makabawi ang katawan. Dapat din na panatilihing masigla ang katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, ngunit dapat ay may kontrol sa mga kinakaing protina, potassium at phosphorus. Makatutulong din ang regular na pageehersisyo, pag-aalaga sa “access” o ang lugar na tinusukan para sa pagdaluyan ng dugo para sa dialysis, at pag-inom sa mga niresetang gamot.

 

Mataas na Blood Sugar: Mga Kaalaman


Ano ang blood sugar?

Ang blood sugar ay ang sukat ng dami ng glucose sa dugo. Ang glucose ang bumubuo sa mga asukal at ito ang nagbibigay enerhiya sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Normal itong natatagpuan sa katawan, ngunit kung mataas ang antas nito sa dugo (hyperglycemia), ito ay maaaring makasira sa iba’t ibang bahagi ng katawan at magdulot sa diabetes at ang mga komplikasyon nito.

Anong laboratory test ang ginagamit upang malaman ang antas ng blood sugar sa katawan?

Isang bahagi ng ‘blood chemistry’ ang pagsusuri ng blood sugar, subalit mas malimit, lalo na kung gusto madetermina kung ang isang pasyente ay maaaring may diabetes, na sa umaga kinunan ng dugo ang pasyente, pagkatapos ng 12 na oras na hindi kumakain o umiinom ng kahit ano maliban sa tubig. Mahalagang masunod itong 12 na oras na hindi kumakain sapagkat kung ikaw ay kumain ng kahit ano, normal na tataas ang antas ng dugo at hindi magiging makatotohanan ang resulta.

Karaniwan, kinukunan ang pasyente ng 2-5 mL ng dugo sa harap ng siko. Ilang oras lamang ay maaari nang makakuha ng resulta nito.

Ano ang normal na resulta ng ‘fasting blood sugar’ sa katawan?

Kung ang pagsusuri ng dugo ay ginawa makalipas ang 12 na oras na hindi kumain ang pasyente, tinuturing na normal ang resulta na 3.9 hanggang 5.5 mmol/l (70.2 hanggang 100 mg/dl). Kung ang resulta ay 5.5 hanggang 7 mmol/l (101–125 mg/dl), hindi pa naman ito diabetes ngunit medyo nakakabahala narin ang resulta kaya maaaring may ibigay na gamot ang doktor o payuhan na ang pasyente na umiwas sa pagkain ng mga pagkain na mataas ang glycemic index (Basahin: Mga Pagkaing Dapat Iwasan sa Diabetes). Kung ang resulta ang higit sa 7 mmol/l (126 mg/dl), ito ay mataas at maaring maging batayan sa pag-diagnose ng diabetes ngunit kailangan paring iugnay ito sa ibang findings ng doktor.

Paano makakaiwas sa mataas na blood sugar?

Ang mga sumusunod ay mabisang paraan upang mapababa ang blood sugar:

  • Pag-iwas sa mga matatamis na pagkain
  • Pag-iwas sa mga pagkain na mataas ang glycemic index
  • Pag-iwas sa pagkain ng maramihan; mas maganda ang pa-unti-unti
  • Pagkain ng ampalaya na natural na nakakapagpababa ng blood sugar
  • Pag-eehersisyo ng regular
  • Masipag na pag-inom ng gamot na naireseta ng iyong doktor

Mataas na Uric Acid: Mga Kaalaman

Ano ang uric acid?

Ang uric acid ay isang produkto ng pagkawatak-watak ng mga protina sa katawan. Normal itong natatagpuan sa katawan, ngunit kung mataas ang antas nito sa dugo (hyperuricemia), ito ay maaaring maging sanhi ng gout, isang uri ng rayuma.

Anong pagsusuri o laboratory exam ang ginagamit upang malaman ang antas ng uric acid sa katawan?

Isang bahagi ng ‘blood chemistry’ ang pagsusuri ng uric acid sa dugo ng katawan. Karaniwan, kinukunan ang pasyente ng 2-5 mL ng dugo sa harap ng siko. Ilang oras lamang ay maaari nang makakuha ng resulta nito.

Ano ang normal na antas ng uric acid sa katawan?

Ayon sa mga eksperto, ang normal ng antas ng uric acid sa katawan ang mula 3.6 mg/dL (~214 µmol/L) hanggang 8.3 mg/dL (~494 µmol/L) (1 mg/dL=59.48 µmol/L) para sa mga kalalakihan at At 2.3 mg/dL (137 µmol/L) hanggang 6.6 mg/dL (393 µmol/L) para sa kababaihan.

Paano makakaiwas sa mataas na uric acid?

Ang mga sumusunod na mabisang paraan upang mapababa ang uric acid:

Ano ang Ultrasound?

Ano ang Ultrasound?

Ang pag-ultrasound ay isang uri ng pagsusuri kung saan gumagamit ng sound waves upang makabuo ng larawan ng loob ng ating katawan. Hindi ito gaya ng x-ray at CT-scan na gumagamit ng radiation.

Para saan ang Ultrasound?

Ang ultrasound ay maaring makapagbigay ng impormasyon ukol sa mga sumusunod. Ang impormasyong ito ay makakatulong sa mga duktor sa kanilang pagsusuri ng inyong karamdaman.

Read More

  1. Loob ng katawan at iba’t ibang mga organs
  2. Pamamaga at impeksyon sa loob ng katawan
  3. Daloy ng dugo at lagay ng daluyan nito
  4. Paggalaw ng mga organ gaya ng puso
  5. Lagay ng sanggol sa loob ng sinapupunan

Maari ring gamitin ang ultrasound sa pag-biopsy ng mga bukol ng katawan.

Paano ito ginagawa?

Ang pasyente ay kadalasang pinapahiga habang ginagawa ang pagsusuri. Ang ultrasound ay gumagamit ng tranducer, isang maliit na bagay na inilalapit sa parte ng katawan na sinusuri. Nilalagyan ng gel ang transducer upang mas lumapat ito sa balat at maging maganda ang mga imahe na mabubuo ng ultrasound. Ang imahe ng mabubuo ay makikita sa isang screen na nakakabit sa transducer.

Ano ang kailangang gawin bago magpaultrasound?

Kailangan lamang magsuot ng komportableng damit upang hindi mahirapan sa pagtanggal nito sa pagsusuri.

Maaring sabihan kayo ng inyong duktor na huwag munang kumain o di kaya ay uminom ng ilang baso ng tubig bago magpa-ultrasound depende sa klase ng pagsusuri na gagawin sa inyo.

Ano ang mga benepisyo ng Ultrasound?

  1. Mas mura kaysa sa ibang pagsusuri gaya ng CT-scan at MRI
  2. Madaling gawin
  3. Hindi masakit
  4. Maaring ulit-ulitin
  5. Walang idinudulot na panganib sa katawan

Ano ang limitasyon ng Ultrasound?

Ang ultrasound ay hindi gaanong tumatagos sa hangin at buto kung kaya hindi ito magandang paraan ng pagsusuri ng sakit sa tiyan at daluyan ng pagkain at ng mga sakit sa buto.