Buni (Ringworm): Sanhi, Sintomas, Gamot

Buni (Ringworm): Sanhi, Sintomas, Gamot

Ano ang buni?

Ang buni o ringworm ay isang sakit sa balat na gaya ng an-an ay dulot ng isang fungal infection. Ito’y maaaring matagpuan sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula ulo hanggang paa. Sa paa, ito’y may espesyal na tawag – alipunga o Athlete’s foot (may nakabukod na artikulo para dito). Sa singit naman, ito’y tinatawag na Jock itch. Sa terminolohiyang medikal, ang buni sa pangkalahatang ay tinatawag na Dermatophytosis.

Ang buni ay karaniwang sa mga matatanda. Ayon sa isang pag-aaral, mahigit na 20% na lahat ng tao sa mundo ay may buni. Ang mga hayop gaya ng aso’t pusa ay maaari ring magkaroon ng buni.

Ano ang mga sintomas ng buni?

Mga bilog na patse ng balat (round skin patches), kulay pula na mas matingkad ang kulay sa palibot, bahagyang naka-angat sa balat: ganito ang tipikal na anyo ng buni. Ito’y maaari ring maging makati, at masarap kamutin, lalo na kung nasa singit, kung saan ito’y tinatawag na Jock itch.

Ano ang lunas o gamot sa buni?

Gaya ng an-an, ang gamot sa buni ay mga fungal cream. Ang mga gamot na ito ay maaaring mabili na “Over the Counter” o hingi nangangailangan ng reseta ng doktor. Ipahid ang cream sa apektadong bahagi ng balat, ngunit mas maganda kung magagabayan parin ng dermatologist ang iyong paggagamot. Halimbawa ng generic name ng mga anti-fungal cream ay Ketoconazole, Clotrimazole, Terbinafine, atbp. Kalimitan, ito’y pinapahid dalawang beses isang araw sa loob ng 1-2 na linggo. Kapag malawak na bahagi ng balat ang apektado, maaaring mas praktikal na uminom na lamang ng anti-fungal medications. Magpagabay sa dermatologist sa wastong pag-inom ng mga gamot na ito.

Paano maiiwasan na magkaroon ng buni?

Panatilihing malinis ang katawan; palaging maghugas ng kamay; at palitan ang mga tuwalya, kumot, at tela sa kama ng regular upang makaiwas sa buni at iba pang mga sakit sa balat na dulot ng fungi. Iwasan ring maghiraman ng damit; at iwasang humawag sa mga aso na mukhang nakakalbo ang mga balahibo; ito’y maaaring dahil rin sa fungi.

Kailan dapat magpatingin sa doktor kung may buni?

Magpakonsulta sa dermatologist o spesyalista sa balat kung hindi sigurado kung ano bang kondisyon ang nasa balat ng pasyente; at kung hindi tumatalab ang mga fungal cream laban sa buni. Maaaring magreseta ang dermatologist ng mas matapang na cream o kaya tableta na iniinom.