Bakuna Laban sa HPV

Ang ilang sakit ngayon ay maaring maiwasan sa pamamagtan ng pagbabakuna. Marahil pamilyar na tayo sa flu vaccine, BCG, polio vaccine at kung anu-ano pa. Ngayon, mayroon na ring bakuna kontra sa Human Papillomavirus (HPV), isa sa pinaka laganap na sexually transmitted disease (STD) sa mundo ngayon. Maraming uri ng HPV ngunit ang ilan sa pinakaiiwasan ay ang pagkakaroon ng HPV na sanhi ng genital warts o kulugo sa ari pati na rin ang mga high-risk HPV na maaaring humantong sa iba’t-ibang kanser. Sa ngayon, mayroong dalawang klase ng bakuna na nasa merkado. Ating busisiin ang mga ito.

Read More

Bivalent HPV Vaccine

Mayroon tayong tinatawag na high-risk HPV. Ibig sabihin, ang uri ng HPV na ito ay kalimitang humahantong sa kanser. Ilan sa mga high-rsik HPV ay ang types 16, 18, 31, 33, at 45. Sa mga ito, ang types 16 at 18 ang pinaka madalas makitang kaakibat ng kanser sa kwelyo ng matris (cervical cancer) at ilan pang kanser sa ari. Ang Bivalent (bi- “dalawa”) HPV vaccine ay nagbibigay proteksyon sa HPV 16 at 18. Binibigay ito ng tatlong beses—unang kunsulta sa doktor, isang buwan matapos ang unang turok, at makalipas ang anim na buwan mula ng unang turok. Ito ay maaring ibigay sa lalake o babae mula edad 10-45 taong gulang. Ito ay nagbibigay proteksyon sa dalawang uri high-risk HPV infection ngunit wala itong proteksyon na naibibigay laban sa karaniwang kulugo sa ari o anogenital warts.

Quadrivalent Vaccine

Bukod sa pagbibigay proteksyon laban sa HPV types 16 at 18, ang quadrivalent vaccine (quad-“apat”) rin ay may panlaban sa types 6 at 11. Ang types 6 at 11 ay tinatawag na low-risk HPV. Ito ang sanhi ng kulugo sa ari o anogenital warts sa halos 90% na pagkakataon. Hindi humahantong sa kanser ang pagakaroon ng impeksyon na gawa ng HPV types 6 at 11 ngunit nakakahawa pa rin ito at hindi magandang tingnan sa balat. Kalimitan itong nakikita sa bukana ng ari ng lalake o babae, o kaya ay sa puwitan. Gaya ng Bivalent vaccine, maari rin itong iturok sa lalake o babae. Tatlong beses itong binibigay—unang turok, isang buwan matapos ang unang turok, at ika-anim na buwan matapos ang unang turok.n Mas mainam kung maibibigay ang bakuna mula edad 9-26 na taong gulang.

Tandaan, malaki ang maitutulong ng bakuna laban sa HPV. Malaki ang epekto nito kung maibibigay ang bakuna sa kabataan, bago pa man maging aktibo sa pakikipagtaik. Hindi ibig sabihin na kapag nabigyan na ng karampatang bakuna sa HPV ay maari ng mamuhay ng mapusok. Nagbibigay nga ito ng proteksyon sa mga uri ng HPV na karaniwang nakapagbibigay ng impeksyon ngunit hindi nito sakop ang ilang uri ng HPV na hindi kasing karaniwan ng types 6, 11, 16 o 18. Hindi rin gamot o lunas ang HPV vaccine. May tulong pa ring maibibigay ang bakuna laban sa HPV kahit na nagsimula ng magtalik ang isang tao. Mas maigi pa ring protektahan ang sarili sa pamamagitan ng tamang impormasyon laban sa mga STD. Komunsulta lamang sa inyong doktor kung mayroong mga karagdagang katanungan.