Ano ang mabisang gamot sa peklat?

Ano ang mabisang gamot sa peklat?

Ang peklat, o scar, ay ang kondisyon ng balat kung saan ang isang sugat, imbis na manumbalik sa dating kutis matapos na maghilom, ay napapalitan ng mas makapal at hindi pantay na kulay. Ito ay natural na proseso ng pagsasaayos sa nasirang pang-ibabaw na bahagi ng katawan. Ngunit dahil ito’y hindi kaayaayang tingnan, lalo na sa mga bahagi ng katawan na palaging nakikita, ang kadalasang kagustuhan ng maraming tao ay ang mawala ang kanilang peklat.

 

May mabisang gamot ba sa mga peklat?

Ang sagot ay oo, ngunit hindi lahat ng peklat ay kailangang gamutin. Talaga bang nakakasagabal sa iyo ang pagkakaron ng peklat? Ito ba’y makirot o masakit? Isipin munang mabuti ang mga sagot sa tanong na ito. Kung “hindi”, maaari namang ipagpaliban ang pagpapagamot sa mga peklat. Tandaan na ito’y karaniwan namang kaganapan sa buhay at halos lahat ng tao ay mayroon nito sa kanilang mga katawan. Ngunit kung nais mo talagang maalis ito sapagkat sa palagay mo’y isa itong malaking sagabal, halimbawa ay ang pagkakaroon ng malaking peklat sa mukha, maaaring magpatingin sa dermatologist o iba pang doktor upang masuri ang iyong peklat at mabigyan ka ng mga pwedeng gawin para dito. Heto ang mga maaari niyang i-rekomenda:

  • Gamot na pinapahid, gaya ng potassium aminobenzoate. Ito’y hindi nakakagaling, ngunit maaaring makabawas sa pagiging halata ng peklat. May mga ‘silicon gel’ rin na ointment na pinapahid sa peklat.
  • Operasyon o cosmetic surgery, na pwedeng baguhin ang anyo ng iyong balat upang mawala o hindi maging halata ang peklat. Tandaan na ang operasyong ito ay posible ring mag-iwan ng peklat, lalo na kung ikaw ay ‘keloid former’.
  • Depende sa posisyon ng peklat sa iyong katawan, may mga pwede ring ibalot sa peklat gaya ng mga ‘pressure dressing’ upang ito’y mabawasan.

Muli, magpatingin sa iyong doktor upang mapag-usapan ninyo ang iba’t ibang maaaring gawin at alin sa mga ito ay pinaka-okay sa iyo.