facebooktwitter

Ang calcium ay isang elemento na mahalaga sa katawan sapagkat ito'y mahalagang bahagi ng ating mga buto. Ang calcium ay importante rin sa paggalaw ng mga masel, at iba pang mahalagang katungkulan. Ang kakulangan ng calcium ay maaaring magdulot ng problema sa buto gaya ng osteoporosis, lalo na sa mga kababaihan.

Mga pagkain na mayaman sa calcium

1. Gatas - ito ang pangunahin at pinakamayamang pinagkukuhanan ng calcium. Kasama na dito ang mga pagkain na gawa sa gatas gaya ng yoghurt at keso. Subalit maraming tao ang hirap uminom ng gatas dahil sa lactose intolerance kaya mahalaga ring alamin ang iba pang pinagmumulan ng calcium: 

2. Mga isdang-dagat na nakakain ang buto gaya ng delatang sardinas o salmon, o nilagang tambakol. Tandaan na dahil ang calcium nga ay nasa buto, ang pagkain ng buto ng mga isda ay magbibigay ng calcium sa katawan.

3. Mga berdeng gulay gaya ng brocolli, spinach, malunggay, at iba pang madahon at kulay berdeng gulay (green, leafy vegetables).

4. Mga produktong soya gaya ng soya milk, taho, tofu, at iba pa. Uso ang mga sangkap na ito sa mga pagkaing makikita sa mga Chineese restaurant. 

 5. May mga pagkain rin na bagamat hindi mataas ang calcium sa natural na anyo, ay "fortified with calcium" o sinadyang lagyan ng calcium. Kasama dito ang mga cereals, orange juice, at iba pa.

6. Calcium supplements - mga tabletang may calcium na pandagdag sa calcium na galing sa ating pang araw-araw ng pagkain. Rekomendado lamang ito sa mga taong kulang sa calcium. Tanungin ang inyong doktor kung kailangan mo ba ng calcium supplements, at humingi ng payo kung anong uri ng calcium supplement ang dapat bilhin

Ang uric acid ay isang compound gaya rin ng asukal o kolesterol na natatagpuan sa katawan. Ito'y binabantayan natin dahil ang mataas na antas ng uric acid ay maaaring magdulot ng uri ng rayuma o arthritis na tinatawag na "gouty arthritis". Ang mataas ng antas ng uric acid ay maaari ring magsanhi ng bato sa bato. Tandaan na hindi lahat ng rayuma ay dahil sa uric acid; hindi rin lahat ng bato sa bato ay dahil sa uric acid. Mahalagang magpasuri muna sa doktor kung uric acid ba talaga ang sanhi ng inyong nararamdaman. 

Sa totoo, ang mga pagkain na binabansagang "mataas sa uric acid" ay ang mga pagkain na mataas sa "purine" o purine-rich foods. Ang purine ay isang compound na bahagi sa mga "amino acids" na bumubuo ng mga protina sa katawan.

Mga pagkain na nagpapataas ng uric acid

  • Mga lamang-loob sa karne gaya ng atay, lapay, atbp.
  • Iba pang bahagi ng karneng pula (red meat): baboy, baka, etc.
  • Mga isdang galing sa dagat (saltwater fish)
  • Sardinas, bagoong at alamang
  • Kabute o mushroom
  • Sitaw, bataw, patani (mga beans)
  • Beer at alak
  • Tinapay

Ang magandang balita ay ang ating paboritong kanin o "plain rice" ay hindi mataas sa purines.

Kung makikita nyo sa ating listahan, kapag ang isang tao ay nakipag-inuman, may alak at beer, may pulutan na maaaring karne, isdang dagat, at tinapay, at iba pa: naghahalo ang mga pagkaing nagpapataas ng uric acid at mas lumalaki ang probabilidad na magdulot ito ng problema sa inyong katawan. 

Ano ang dapat gawin kung mataas ang uric acid?

  • Kumain ng maraming prutas at gulay
  • Maghinay-hinay sa karne
  • Iwas sa pagkaing matataba
  • Iwas sa beer at alak
  • Uminom ng maraming tubig (> 8 baso / araw)

Paano malalaman kung mataas ba ang "uric acid"?

Ang uric acid ay maaaring sukatin sa pamamagitan ng isang blood test. Kumukuha ng dugo mula sa braso at ito'y sinusuri sa laboratoryo. Ang normal na antas ng uric acid ay:

  • Sa mga lalaki: 3.4-7.0 mg/dL (0.2 hanggang 0.41 mmol/L)
  • Sa mga babae: 2.4-6.0 mg/dL (0.14 hanggang 0.35 mmol/L)

Mahalagang banggitin na ang iba't ibang tao ay may iba't ibang antas ng uric acid na "normal" para sa kanya; ang nabanggit nating mga numero ay ang pangkaraniwan lamang. Hayaan na ang inyong doktor ang magbasa ng resulta ng inyong blood test para maiugnay nya ito sa iba pang mga blood tests at sa kanyang pagsususuri sa inying katawan. Ngunit para sa nakakarami, magandang "target" ay uric acid na mas mababa sa 6 mg/dl o 0.35 mmol/L

Ang atake sa puso (Ingles: heart attack; medical: myocardial infarction) ay isa sa pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay sa buong mundo, maging sa Pilipinas. Ang sanhi ng atake sa puso ay ang kakulangan ng dugo sa puso, na nagdudulot sa pagkamatay ng laman sa puso. Kapag malaking bahagi ng puso ang naapektuhan ng atake sa puso, maaaring bumigay na ng tuluyan ang puso at ito ay pwedeng maging sanhi ng pagkamatay.

Mga sintomas ng atake sa puso o heart attack

1. Mabigat o masakit na pakiramdam sa dibdib. Mga katangian:

  • Biglaan, o maaaring naramdaman na dati, pero higit na mas malala
  • Lumalala sa pagod at nawawala sa pahinga
  • Parang may nakadag-an sa dibdib
  • Gumagapang o umaabot ang sakit sa leeg at kaliwang braso

Magbasa pa...

Ang puso (Ingles: heart) ay ang bahagi ng katawan na responsable sa pagdaloy ng dugo na nagdadala ng kailangang nutrisyon sa bawat parte ng ating katawan. Ito'y natatagpuan sa bandang gitna ng ating dibdib. Ang ating puso ay hindi tumitigil sa pagtibok sa kabuuan ng ating buhay, at kaya nitong bumagal o bumilis ng tibok depende sa aktibidades nating ginagawa.

Dahil sa katungkulan ng puso na tagapag-panatili ng pagdaloy ng dugong nagbibigay-buhay sa katawan, ang mga sakit sa puso ay isa sa mga pinaka-kinakatakutang karamdaman sa tao. Subalit sa pag-unlad ng medisina ay marami nang lunas na natagpuan at napatunayan para gamutin ang iba't ibang sakit sa puso (Ingles: heart diseases; medikal: cardiopathy). Marami dito ang maaaring masupil kung maagapan.

Magbasa pa...


Ang impeksyon sa ihi o UTI (Ingles/Medikal: Urinary Tract Infection) ay isa sa pinakakaraniwang sakit lalo na sa mga kababaihan. Dahil mas maikli ang daluyan ng ihi ng babae, mas mabilis makapasok ang mga mikrobyo para magdulot ng impeksyon sa pantog o bladder at sa daluyan ng ihi o urethra. Pero ang UTI ay maaaring mangyari sa babae o lalaki.

Ano ang sanhi ng UTI o impeksyon sa ihi?

Ang sanhi ng UTI ay ang mga bacteria na nakapasok sa daluyan ng ihi. Ito'y maaaring mangyari kung hindi malinis ang bahagi ng katawan, o dahil sa pakikipagtalik o sex. Subalit kailangang idiin natin na kung ang isang babae ay nagkaroon ng UTI, hindi nangangahulugang nakipagtalik sya sa lalaki. Isa lamang ito sa maaaring dahilan.

Ano ang mga sintomas ng UTI o impeksyon sa ihi?

  • Makirot na pag-ihi (Dysuria)
  • Balisawsaw
  • Mabaho at hindi malinaw na ihi
  • Pananakit sa pantog
  • Panakakit sa tagiliran
  • Lagnat

Paano malalaman kung may UTI?

Ang UTI ay maaaring gamutin base lamang sa pagkwento ng pasyente, ngunit kadalasan, gingagawa ang eksaminasyon na urinalysis upang matiyak kung mayroong UTI. Sa urinalysis, sinusuri ang ihi kung may mga mikrbyo, nana, o dugo, at iba pang bagay na maaaring magpakita na may impeksyong nagagaganap.

Anong gamot sa UTI?

Antibiotiko ang pangunahing gamot sa UTI, ngunit ang pagpili ng antibiotiko sa UTI ay hindi simpleng bagay. Ibang klase ang mga mikrobyong na nagdudulot ng impeksyon sa ihi, kaya hindi pwedeng basta basta magbigay ng gamot gaya ng Amoxicillin. Mas mabuti kung magpatingin sa doktor at itanong kung anong antibiotiko ang angkop kung ikaw ay may UTI.

Bukod sa gamot, mahagala ring uminom ng maraming tubig upang mas mabilis masupil ang impeksyon. Iwasan ang kape, alak, at maaanghang na pagkain, sapagkat ang mga ito ay maaaring maka-irita sa pantog.

Kung ikaw ay may ibang sakit, gaya ng sakit sa bato, o umiinom ng ibang gamot, mahalagang banggitin ito sa doktor para makapili siya ng mas angkop na gamot. Depende sa iyong kalusugan, maaari ring magbago ang haba ng gamutan, mula tatlo hanggang 14 na araw.

Paano makaiwas sa UTI?

Panatilihing malinis ang katawan upang makaiwas sa UTI. Maligo araw-araw at huwag kaligtaang linisan ng sabon ang puerta o ari. Kapag maghuhugas ng puwitan, ang direksyon ay dapat papalayo sa puerta o daluyan ng ihi. Regular na magpalit ng underwear. Uminom parati ng tubig.

Ang pakikipagtalik sa iba't ibang partner ay maaari ring mag-sanhi ng UTI, pati naring mga STD o sexually transmitted diseases. Iwasan ang ganitong mga gawain, o di kaya'y gumamit ng condom para makabawas sa probabilidad na magkakaroon ng impeksyon. Umuhi pagkatapos makipagtalik - may mga pag-aaral na nagsasabing ito'y nakakatulong as pag-iwas sa UTI.

Maraming pang mga Artikulo...

Pahina 1 sa 25

Simula
Prev
1